top of page
Search

ni Fely Ng @Bulgarific | June 2, 2025



SSS


Hello Bulgarians! Pormal na minarkahan ng Social Security System (SSS) at Life Builder Fellowship ang isang Memorandum of Agreement (MOA) sa ilalim ng Contribution Subsidy Provider Program (CSPP) na ginanap sa Calumpit, Bulacan.


Sinabi ni SSS Vice President for Luzon Central 2 Division Gloria Corazon Andrada na nangako ang Life Builder Fellowship na i-sponsor ang buwanang kontribusyon sa SSS ng isang grupo ng sampung dedicated volunteer sa loob ng hindi bababa sa anim na buwan, na may planong palawigin ang suporta sa mas maraming boluntaryo sa hinaharap.


“Many volunteers generously give their time and effort without any compensation,” saad ni Andrada. 


“Through partnerships like this, we ensure that no one is left behind when it comes to social protection,” dagdag pa niya.


Sa sandaling matugunan ng mga benepisyaryo ng CSPP ang mga qualifying condition, magkakaroon na sila ng access sa mga benepisyo ng SSS tulad ng sickness, maternity, disability, retirement, death at funeral. Kasama rin ang loan privileges tulad ng salary at calamity loan.


“Life Builder Fellowship’s effort reflects the church’s holistic mission — providing not only spiritual guidance but also the long-term financial stability of its members through active social security membership. Their strong dedication in advancing social welfare is truly commendable,” sabi ni Andrada.


Ang Life Builder Fellowship’s Head Pastor Jesus Bagasin, Jr. ay nagpahayag din ng kanyang suporta para sa inisyatiba. 


“We believe that serving God should not come at the cost of one’s future. By taking responsibility for our volunteers’ SSS contributions, we are not only fostering their spiritual growth but also securing their financial future. This is our way of honoring those who have tirelessly served the church and the broader community,” pahayag ni Bagasin.


Ang CSPP ay isang pangunahing inisyatiba ng SSS na idinisenyo upang palawigin ang panlipunang proteksyon sa mga informal worker, mga mababa ang kita, at iba pang mga vulnerable sector. Gumagana ang programa sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga indibidwal, organisasyon, o institusyong handang mag-subsidize ng mga kontribusyon sa ngalan ng mga miyembrong ito.


Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 

by Info @Buti na lang may SSS | May 11, 2025



Buti na lang may SSS

Dear SSS, 

 

Magandang araw po! Ako ay isang overseas Filipino worker (OFW) dito sa Dubai. Noong nasa Pilipinas ako ay nagtatrabaho ako sa isang kilalang department store at nakapaghuhulog sa SSS. Subalit, simula nang ako ay magtungo sa Dubai ay hindi na ako nakapaghulog ng aking kontribusyon sa SSS. Maaari ko bang ipagpatuloy ito? Salamat.  — Ely


                                                               

Mabuting araw sa iyo, Ely!


Malugod naming ibinabalita sa iyo na maaari mong maipagpatuloy ang paghuhulog sa SSS bilang overseas Filipino worker (OFW) member. Sa kasalukuyan, ang minimum Monthly Salary Credit (MSC) para sa mga land-based OFWs na kagaya mo ay P8,000, ito ay katumbas naman ng P1,200 kada buwan na kontribusyon sa SSS. 


Para sa iyong kaalaman, 1995 pa ipinagtibay ng SSS ang pagsaklaw sa mga OFWs ngunit noong Marso 2019 sa bisa ng Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018, mandatory na ito para sa lahat ng sea at land based OFWs na hindi pa umaabot sa 60 taong gulang. 

 

Ely, sa binanggit mo na ikaw ay dati nang nakapagtrabaho, maaari mo itong ipagpatuloy bilang OFW member. Maaari mong bayaran ang kontribusyon mo para sa Enero hanggang Setyembre alinmang buwan sa kasalukuyang taon kung saan ang last quarter mula Oktubre hanggang Disyembre naman ay maaari mo namang bayaran hanggang sa huling araw ng Enero sa susunod na taon. 


Halimbawa, nakapagbayad ka lamang ng iyong kontribusyon sa SSS ngayong Mayo 18, 2025 at ito ay para sa mga buwan ng Enero hanggang Setyembre 2025, ito ay tinatanggap pa ng SSS sa kadahilanang ikaw ay isang OFW. Dagdag pa rito, ang mga kontribusyon mo para sa mga buwan ng Oktubre hanggang Disyembre 2025 ay maaari mo pang bayaran hanggang Enero 31, 2026 sa susunod na taon. 

 

Kinakailangan lamang na ikaw ay nakarehistro at may account sa My.SSS Portal na matatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph). 


Para naman makapagbayad ka ng iyong kontribusyon, kailangan mo munang makakuha ng Payment Reference Number (PRN) para sa iyong gagawing pagbabayad. Maaari kang makapag-generate ng PRN gamit ang My.SSS account. 


At dahil mayroon ka nang PRN, maaari ka nang magbayad ng iyong monthly contribution sa SSS. Maaari kang magbayad sa pamamagitan ng mga online payment channels gaya ng GCash, o online payment facility ng AltPayNet, Bayad Center, Land Bank of the Philippines (LBP) – Link.BizPortal, RemitX, Security Bank Corporation SBOL, Union Bank of the Philippines. Makakapagbayad ka rin over-the-counter sa mga sumusunod na partner banks abroad tulad ng Asia United Bank, Bank of Commerce, Philippine National Bank, at non-bank collecting partners abroad gaya ng iRemit, Inc., Pinoy Express Hatid Padala Services, Inc., at Ventaja International Corporation. 


Dapat mo ring tandaan na ang patuloy mong paghuhulog sa SSS ay kuwalipikado kang makatanggap ng pitong benepisyo tulad ng sickness, maternity, unemployment, disability, retirement, funeral, death, gayundin ang mga loan privileges nito tulad ng salary, calamity, atbp. 


Sa pagdaan ng mga taon, ang paghuhulog mo sa SSS ay isang pamamaraan ng iyong investment o pag-iimpok bilang paghahanda sa iyong pagreretiro. Ang kontribusyon na inihuhulog mo ngayon sa SSS ay babalik sa iyo bilang pensyon sa katapusan ng mga produktibong taon ng inyong buhay.

***

Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (ConsoLoan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Sakop ng ConsoLoan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.


Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.



Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account. 


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.


 
 

by Info @Buti na lang may SSS | May 11, 2025



Buti na lang may SSS

Dear SSS,


Magandang araw! Nais kong itanong kung ano ang disability benefit na ibinibigay ng SSS at paano makaka-avail nito ang isang miyembro na tulad ko? Salamat. — Shawn



Mabuting araw sa iyo, Shawn!


Ang benepisyo sa pagkabalda o disability benefit ay ibinabayad ng SSS sa isang miyembro na nawalan ng kakayahang magtrabaho o ang kanyang kakayahang kumita ay nabawasan dahil sa kanyang kapansanan na sanhi ng karamdaman o pagkapinsala. Isasailalim siya sa pagsusuri ng doktor ng SSS upang malaman kung ang kanyang pagkabalda ay kuwalipikadong mabigyan ng nasabing benepisyo.


Para sa iyong kaalaman, Shawn, may dalawang uri ng pagkabalda:


1. Permanent Partial Disability


Maituturing na permanent partial disability ang pagkawala ng kakayahang gamitin o lubusang pagkawala ng alinman sa mga sumusunod na bahagi ng katawan:


  • isang hinlalaki ng kamay o paa; 

  • isang hintuturo; 

  • isang hinlalato; 

  • isang palasingsingan; 

  • isang hinliliit; 

  • isang kamay; 

  • isang braso; 

  • isang paa; 

  • isang binti; 

  • isa o dalawang tainga; 

  • pagkawala ng pandinig ng isa o dalawang tainga; at 

  • pagkawala ng paningin o pagkatanggal ng isang mata. 


Samantala, may iba pang mga uri ng pagkabalda na maaaring aprubahan o bayaran ng SSS bukod sa mga nabanggit. 


Buwanang pensyon naman ang ibinabayad sa miyembro na may permanent partial disability kung siya ay nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon sa SSS bago ang semestre ng pagkabalda. Ang bilang ng buwan na tatanggap siya ng pensyon ay nakabatay sa resulta ng pagsusuri ng Medical Evaluation Section ng SSS.


Samantala, lump sum amount naman ang ibinabayad kung ikaw, Shawn, ay hindi nakapaghulog ng 36 buwanang kontribusyon.


2. Permanent Total Disability


Itinuturing naman na permanent total disability ang mga sumusunod:


  • ganap na pagkabulag ng dalawang mata; 

  • pagkaputol ng dalawang kamay o dalawang paa; 

  • permanente at ganap na pagkaparalisa ng dalawang kamay o dalawang paa; 

  • pagkapinsala ng utak na naging sanhi ng pagkasira ng isip; at 

  • iba pang mga kaso na itinuturing ng SSS na lubusang pagkabalda. 


Buwanang pensyon ang ibinabayad sa miyembro na may permanent total disability kung siya ay nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon sa SSS bago ang semestre ng kanyang pagkabalda. Halimbawa, pagkabalda ng isang miyembro ay noong Pebrero 2025. Ang semestre ng kanyang pagkabalda ay mula Oktubre 2024 hanggang Marso 2025.


Ang permanent total disability pension ay lifetime na matatanggap ng isang miyembro. Bukod dito, may matatanggap din siya na P500 na supplemental allowance kada buwan.


Pinapaalalahanan din natin ang mga miyembro at pensyonado na magkaroon ng kanilang bank account na kinakailangang i-enroll sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) para sa crediting ng kanilang mga benepisyo at loan privileges mula sa SSS. Kaugnay nito, kailangan din na may sarili kang My.SSS account, Shawn, na matatagpuan naman sa SSS website. Ito’y upang ganap na i-access ang iba’t-ibang online service facilities ng SSS lalo na sa pagpa-file ng iyong mga application para sa loans at benefit claims mo. 


Kabilang ang filing ng disability benefit claim sa mga benepisyong maaaring mai-file online gamit ang My.SSS Portal. Ito ay batay sa SSS Circular 2022-039 o ang Online Filing of Social Security (SS) Disability Claim Application (DCA) Through the MY.SSS Portal. Para sa iba pang detalye ukol sa online filing ng disability benefit claim, maaari mong bisitahin ang link na ito: https://bit.ly/3ZdYwou.

***

Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Sakop ng ConsoLoan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.


Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.




Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account. 


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page