top of page
Search

@Buti na lang may SSS | September 9, 2022


Dear SSS,


Magandang araw! Ako ay self-employed member ng SSS. Nais kong ituloy ang aking pagbabayad ng kontribusyon, subalit natatakot akong magpunta sa sangay ng SSS dahil sa COVID-19. Mayroon bang paraan upang makapagbayad ako ng aking kontribusyon sa pamamagitan ng online? - Tessie


Sagot


Mabuting araw sa ‘yo, Tessie!


Maaaring makapagbayad ng iyong kontribusyon sa pamamagitan ng mga online payment channels ng SSS. Taong 2018 nang inilunsad ang SSS Mobile App na maaaring i-download ng libre sa App Store, Google Play Store o Huawei AppGallery gamit ang iyong smartphone o Android tablet o cellphone. Layunin nitong maging mas maginhawa ang pagbabayad ng kontribusyon ng mga miyembro. Patuloy na sinisikap ng SSS na maging available ang mga online payment channels nito sa pamamagitan ng ating mga bank, non-bank bank partners para sa iba’t ibang uri ng transaksyon sa SSS sa kapakanan ng ating mga miyembro at employer.


Samantala, ang mga individual paying members tulad ng self-employed, voluntary at Overseas Filipino Workers (OFWs) ay maaaring magbayad ng kontribusyon gamit ang kanilang PayMaya at BPI account sa pamamagitan ng SSS Mobile App.


Kinakailangan lamang na ikaw, Tessie ay nakarehistro at may account sa My.SSS na matatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph). Upang magamit naman ang SSS Mobile App, kinakailangan mo itong i-install sa iyong smartphone.


Para makapagbayad ng iyong kontribusyon, kailangan munang makakuha ng Payment Reference Number (PRN) para sa iyong gagawing pagbabayad. Maaaring makapag-generate ng PRN gamit ang SSS Mobile App. Kinakailangang mag-log in sa nasabing mobile app gamit ang iyong existing na My.SSS username at password.


Sunod, i-tap mo ang “Generate PRN/SOA” icon na iyong makikita sa iyong mobile screen.


Matapos nito, i-tap mo ang “Create” at punuan mo ang mga hinihinging impormasyon tulad ng type ng membership mo, gayundin ang buwan at halaga ng babayarang kontribusyon. Kapag naibigay na ang lahat ng kailangang impormasyon, i-tap ang “SUBMIT” at lalabas ang iyong PRN/SOA. Maaari itong i-download bilang PDF o hindi kaya’y magtuloy na sa pagbabayad.


Dahil mayroon nang PRN, maaari ka ng magbayad. I-tap ang “Pay.” Lalabas sa screen ang payment methods. Maaaring mamili sa pagitan ng PayMaya at BPI. Tiyakin mo na mayroon kang existing account sa iyong napiling online payment channel.


Kung PayMaya ang nais gamitin, i-tap mo ang "Pay with PayMaya Account." Suriin ang detalye ng iyong babayaran bago i-click ang "OK." Mag-log in sa iyong PayMaya account details.


Ipadadala sa iyong mobile number ang one-time pin (OTP). Ilagay mo ang iyong OTP at i-click ang "Proceed." Tiyaking tama ang payment details bago i-click ang "OK." Kapag naiproseso na Tessie ang iyong pagbabayad, may lilitaw na kompirmasyon ng iyong transaksyon.


Samantala, kung pinili naman ang BPI, i-tap ang “BPI” at sunod mong i-tap ang “OK” at “PROCEED.” Dadalhin ka nito sa authentication page ng BPI. Kinakailangan mong mag-log in gamit ang iyong credentials sa BPI at piliin kung aling BPI account ang gagamitin mo.


Magpapadala ang BPI ng 6 na numero bilang OTP sa iyong mobile number at ilagay ito sa blankong espasyo sa BPI site upang makumpleto ang proseso ng iyong pagbabayad.


Kung naging matagumpay ang iyong pagbabayad, makikita mo ang isang notipikasyon sa iyong screen kung saan nakalagay ang petsa at oras ng pagbabayad, PRN, binayarang buwan, halaga ng ibinayad na kontribusyon, at transaction reference number.


Kakaltasan naman ng P15 convenience fee ang iyong BPI account sa bawat matagumpay na transaksyon.


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 

@Buti na lang may SSS | September 4, 2022


Dear SSS,

Magandang araw! Ako ay admin staff ng construction company sa Taguig City. Nais kong itanong kung bakit kailangan akong magpamiyembro sa Social Security System? Bakit nga ba ito mahalaga manggagawang tulad ko? - Sheena

Sagot


Mabuting araw sa iyo, Sheena!


Ang buwan ng Setyembre ay lubhang napakahalaga sa Social Security System (SSS) dahil sa buwang ito ay ipinagdiriwang nito ang ika-65 taong anibersaryo ng kanyang pagkakatatag noong Setyembre 1, 1957. Napapanahon din ang iyong katanungan, Sheena sapagkat ngayong taon ay ang tema ng ating selebrasyon ay “Kontribusyong Pinagipunan, Proteksyong Maaasahan”. Kaya mahalagang matalakay ang kahalagahan ng pagiging miyembro ng SSS, lalo na sa mga manggagawang katulad mo na nasa pribadong sektor.


Ang paghuhulog sa SSS ay isang paraan ng pag-iipon para sa iyong pagreretiro, Sheena. Ito rin ay maituturing na paghahanda sa oras ng pangangailangan o contingencies.


Nilalayon ng batas ng SSS sa bisa ng Republic Act No.1161 o ang Social Security Act of 1954 na inamyendahan noong May 24, 1997 sa pamamagitan ng Republic Act 8282 na ipinagtibay noong March 2019 sa bisa ng Republic Act 11199 o and Social Security Act of 2018 na bigyang-proteksyon ang mga manggagawa sa pribadong sektor, maging mga propesyonal at nasa informal sector. Bilang tugon dito, ang SSS ang itinalaga ng gobyerno upang pangasiwaan ang iba’t ibang social security programs para sa mga miyembro nito.


Bilang miyembro, maaari kang makakuha ng benepisyo sa pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagkawala ng trabaho, pagreretiro, pagpapalibing at pagkamatay. Kinakailangan lamang na makatugon ka sa mga kuwalipikasyon sa bawat benepisyo. Gayundin, maaari ka ring makahiram sa mga programang pautang nito, tulad ng salary, calamity, educational assistance at house repair.


Dagdag pa rito, kahit ikaw ay retirado na at tumatanggap ng pensyon, maaari ka pa ring makautang sa SSS sa ilalim ng Pension Loan Program. Ito ay isang uri ng loan program na idinesenyo para sa mga retirement pensioner ng SSS.


May kasabihan tayo na “Once a member, always a member” dahil panghabambuhay ang pagiging miyembro sa SSS. Kahit nakapagbayad lamang ng isang hulog ang miyembro at hindi na ito naipagpatuloy ay mananatili pa rin siyang miyembro.


Samantala, kahit sa panahon na wala kang naihulog sa SSS, maaari ka pa ring makakuha ng mga benepisyo hangga't natutugunan mo ang lahat ng kondisyon sa alinmang benepisyo. Sa katunayan, kahit isa lamang ang iyong naihulog na kontribusyon ay kuwalipikadong tumanggap ang iyong mga benepisaaryo ng benepisyo sa pagpapalibing o funeral benefit sa sandaling may hindi inaasahang mangyari sa iyo.

Subalit mas mabuting patuloy kang makapaghuhulog habang ikaw ay may trabaho pa o kaya’y negosyo upang matamasa mo ang tuluy-tuloy na mga benepisyo ay prebilehiyo na ibinibigay ng SSS sa sandaling kailanganin mo ito.


Kaya, malaki ang maitutulong ng SSS sa mga taon ng iyong pagtatrabaho, Sheena. Sa panahon ng iyong pagreretiro ay mapapakinabangan mo na ang naimpok mo sa SSS bilang pensyon na tatanggapin mo habang ikaw ay nabubuhay.


Sa kabila ng mga hamon na kinahaharap natin sa ating panahon, ang SSS ay patuloy na mananatiling kaagapay ng bawat manggagawang Pilipino sa makabagong panahon kung saan palagi nating inuuna ang kapakanan ng ating mga miyembro para sa mas mabilis, mas pinasimple at mas pinadaling pamamaraan na mga transaksyon sa SSS.


***


Nais naming ipaalam sa aming mga pensyonado na maaari silang mag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagrereport ng mga pensyonado sa SSS hanggang Oktubre 31, 2022. Ang mga pensyonado na dapat tumugon sa ACOP ay retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioner, survivor pensioner (death), at dependent (minor/incapacitated) pensioner sa ilalim ng guardianship.


***


Nais naming ipaalam na binuksan ng SSS noong Agosto 15, 2022 ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra noong Hulyo 27, 2022.


Ang CAP ay magbibigay ng tulong-pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Abra at Mountain Province. Sa Abra, sakop ng programa ang mga bayan ng Bangued, Boliney, Bucay, Bucloc, Daguioman, Danglas, Dolores, Lacub, Lagangilang, Lagayan, Langiden, La Paz, Licuan, Luba, Malibcong, Manabo, Penarrubia, Pidigan, Pilar, Sallapadan, San Isidro, San Juan, San Quintin, Tayum, Tineg, Tubo, at Villaviciosa. Samantala, sa Mountain Province naman, kasama ang mga bayan ng Bauko at Besao.


Ang CAP ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa mga SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa naturang programa hanggang Nobyembre 14, 2022.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 

@Buti na lang may SSS | August 21, 2022


Dear SSS,


Magandang araw! Nais ko sanang malaman kung mayroon bang calamity loan ang SSS para sa mga naapektuhan ng malakas na lindol sa Abra noong Hulyo? Paano ba mag-apply? - Michael ng Tayum, Abra


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Michael!


Tunay na maaasahan ng aming mga miyembro at mga pensyonado ang tulong ng SSS sa panahon ng mga kalamidad, tulad ng paglindol. Mula noong Lunes, Agosto 15, 2022, binuksan ng SSS ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra noong Hulyo 27, 2022.


Ang CAP ay magbibigay ng tulong pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Abra at Mountain Province. Sa Abra, sakop ng programa ang mga bayan ng Bangued, Boliney, Bucay, Bucloc, Daguioman, Danglas, Dolores, Lacub, Lagangilang, Lagayan, Langiden, La Paz, Licuan, Luba, Malibcong, Manabo, Penarrubia, Pidigan, Pilar, Sallapadan, San Isidro, San Juan, San Quintin, Tayum, Tineg, Tubo, at Villaviciosa. Samantala, sa Mountain Province naman, kasama ang bayan ng Bauko at Besao.


Ang CAP ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa mga SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners.


Talakayin muna natin ang hinggil sa calamity loan. Kinakailangan lamang na matugunan mo, Michael ang sumusunod na kondisyon:


  • Mayroong My.SSS account;

  • Nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon, kung saan ang anim na hulog ay naibayad sa huling 12-buwan bago ang buwan ng pagpa-file ng aplikasyon;

  • Naninirahan ka sa lugar o bayan na kabilang sa nabanggit sa itaas na lubhang naapektuhan ng lindol;

  • Hindi pa nabibigyan ng final benefit, tulad ng permanent total disability o retirement benefit; at

  • Walang outstanding na utang sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) o sa mga naunang CLAP.

Ang filing ng aplikasyon sa CLAP ay sa pamamagitan ng online gamit ang My.SSS ng miyembro. Kung ikaw naman ay empleyado ng kumpanya, dapat isertipika ng iyong employer ang iyong CLAP application gamit din ang My.SSS.


Bukas ang naturang program sa loob ng tatlong (3) buwan na magtatapos hanggang Nobyembre 14, 2022.


Makahihiram ka ng katumbas ng average ng iyong monthly salary credit (MSC) sa huling 12-buwan. Ang monthly salary credit naman ay ang batayan ng kabuuang kinikita ng miyembro sa loob ng isang buwan.


Halimbawa, kung ikaw ay kumikita ng P19, 250 bawat buwan at naghuhulog ng P2,565 kada buwan bilang iyong SSS contribution, ang iyong MSC ay 19,500. Kung ikaw ay nag-file sa calamity loan ngayong Agosto 21, 2022, iko-compute ang average MSC mo mula Agosto 2021 hanggang Hulyo 2022. Ipagpalagay natin na ang iyong MSC mula Agosto 2021 hanggang Disyembre 2021 ay nasa 18,500 at ang iyong MSC mula Enero 2022 hanggang Hulyo 2022 ay nasa 19,500 naman. Ang magiging average MSC mo ay 19,083.33. Ito rin ang magiging halaga ng calamity loan na maaari mong utangin.


Ang nasabing pautang ay maaari mong bayaran ng installment s sa loob ng 24-buwan. Ang amortisasyon ay magsisimula sa ikalawang buwan mula sa petsa na naaprubahan ang iyong calamity loan. Halimbawa, nanghiram ka noong Agosto 16, 2022, ibig sabihin nito ang iyong pagbabayad ay magsisimula sa Oktubre 2022. Samantala, ito ay may interest na 10% kada taon hanggang sa ito ay mabayaran, na kinukwenta sa lumiliit na balanse ng loan sa loob ng 24 buwan. Ang 1% na service fee ay hindi na ibabawas sa loan maliban sa interes na pro-rated mula sa petsa ng pag-apruba ng utang hanggang sa katapusan ng buwan bago ang unang amortisasyon.


Ang crediting ng nasabing calamity loan ay sa pamamagitan ng account ng miyembro sa Unified Multi-Purpose Identification (UMID) – Automated Teller Machine (ATM) Card o account nito sa alinmang bangko na kabilang sa Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network (PESONet) o di kaya’y sa kanilang Union Bank of the Philippines (UBP) Quick Cards na nakarehistro sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) na matatagpuan sa My.SSS.


***


Nais naming ipaalam sa aming mga pensyonado na maaari silang mag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagre-report ng mga pensyonado sa SSS hanggang Oktubre 31, 2022. Ang mga pensyonado na dapat tumugon sa ACOP ay mga retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioner, survivor pensioner (death) at dependent (minor/incapacitated) pensioner sa ilalim ng guardianship.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page