top of page
Search

@Buti na lang may SSS | September 25, 2022


Dear SSS,


Magandang araw! Ako ay pensyunado ng SSS. Kamakailan ay nabalitaan ko na mayroong pautang para sa aming mga pensyunado. Paano ba mag-apply dito? - Eileen


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Eileen!


Totoong may pautang na ibinibigay ang SSS para sa mga retiradong pensyunado nito at ito ang Pension Loan Program (PLP), na binuksan mula pa noong Setyembre 2018. Layunin ng programa ang makapagbigay ng tulong-pinansyal sa pamamagitan ng pautang na may mas mababang interest. Batid naman natin sa panahong ito na nasa gitna tayo ng pandemya ay kailangan n’yo ng karagdagang financial assistance para sa inyong mga pangangailangang medikal, atbp.


Ang PLP ay nagsisilbing alternatibo sa mga private lending institutions, kung saan mas mababa ang interes at hindi nila kailangang gamiting kolateral ang kanilang ATM cards.

Upang makahiram sa ilalim ng PLP kinakailangang matugunan ninyo ang sumusunod na kondisyon:

  • hindi dapat hihigit sa 85 taong gulang sa katapusan ng termino ng pautang;

  • walang ibinabawas sa kanyang buwanang pensyon, tulad ng natitirang balanse sa ibang pautang ng SSS o kaya’y sobrang benepisyong binayaran ng SSS;

  • walang utang sa ilalim ng SSS Calamity Assistance Package; at

  • tumatanggap na ng regular na pensyon na hindi bababa sa isang buwan.

Halimbawa, nag-apply kayo ngayong Setyembre, ang simula ng inyong pagbabayad ay sa Oktubre pa.


Sa kasalukuyan, maaari kayong makahiram ng katumbas ng tatlo hanggang 12 beses ng inyong tinatanggap na basic monthly pension (BMP) kasama ang P1,000 additional benefit na ibinigay noong 2017. Subalit, hindi ito hihigit sa P200,000 na siyang maximum loanable amount na ipinahihiram sa ilalim ng PLP. Dagdag pa rito, ang net take-home pension o matitira sa inyong buwanang pensyon ay hindi dapat bababa sa 47.25%.


Samantala, ang pension loan na katumbas ng tatlong beses ng inyong tinatanggap na buwanang pensyon ay babayaran ninyo sa loob ng anim na buwan; kung katumbas naman ng anim na beses ng inyong buwang pensyon, maaari ninyo itong bayaran sa loob ng 12-buwan. Kung ang nahiram ninyong pension loan ay katumbas ng siyam o 12 beses ng buwanang pensyon, maaari ninyo itong bayaran ng hanggang 24-buwan o sa loob ng dalawang taon.


Online na rin ang pag-file ng application sa PLP maging kayo man ay first-time borrower o magre-renew ng pension loan. Kinakailangan lamang na kayo ay nakarehistro sa My.SSS na matatagpuan sa SSS website, www.sss.gov.ph. Hinihingi rin namin ang inyong contact number o aktibong mobile number, kabilang ang inyong SSS UMID-ATM o kaya’y ang Union Bank Quick Cash Card para rito.


Mag-log in kayo sa inyong My.SSS account at magtungo sa E-Services tab, kung saan makikita ninyo ang “Apply for Pension Loan.” I-click ninyo ito upang simulan ang iyong aplikasyon. Sunod, piliin ang halaga ng iyong uutangin at kung gaano mo ito katagal babayaran. Matapos nito, i-click ang “I agree sa mga terms and conditions of the program.”


Maaari naman ninyong i-download o kaya’y i-print ang kopya ng Disclosure Statement at makatatanggap na kayo ng kumpirmasyon sa pamamagitan ng e-mail o text tungkol sa iyong aplikasyon. Papasok naman ang halaga ng iyong inutang sa inyong UMID-ATM o UnionBank Quick Cash Card.


***


Nais din nating ipaalala sa mga pensyunado ng SSS na kailangan nilang tumugon sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program hanggang Hunyo 30, 2022. Pinapaalalahan naman natin ang mga retirement pensioners na nasa abroad, total disability pensioners, survivor pensioners (death), at dependent (minor/incapacitated) pensioners sa ilalim ng guardianship na mag-comply dito.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 

@Buti na lang may SSS | September 24, 2022


Dear SSS,

Magandang araw! Ako ay overseas Filipino worker sa Dubai. Noong nasa Pilipinas ako ay nagtatrabaho ako sa kilalang mall sa Taguig at nakapaghuhulog sa SSS. Subalit, mula nang ako ay magtungo sa Dubai ay hindi na ako nakapaghulog pa. Maaari ko bang ituloy ang aking kontribusyon sa SSS? — Pamela


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Pamela!


Malugod naming ibinabalita sa iyo na maaari mong maipagpatuloy ang paghuhulog sa SSS bilang overseas Filipino worker (OFW) member. Sa kasalukuyan, ang minimum Monthly Salary Credit (MSC) para sa mga land-based OFWs na kagaya mo ay P8,000, ito ay katumbas naman ng P1,040 kada buwan na kontribusyon.


Para sa iyong kaalaman, 1995 pa ipinagtibay ng SSS ang pagsakop sa mga OFWs, ngunit noong Marso 2019 sa bisa ng Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018, mandatory na ito para sa lahat ng sea at land based OFWs na hindi pa umaabot sa 60 taong gulang.


Sa binanggit mo na ikaw ay dati ng nakapagtrabaho, maaari mo itong ituloy bilang voluntary member. Ang iyong coverage naman ay magsisimula muli sa unang buwan ng iyong pagbabayad ng kontribusyon sa SSS. Samantala, maaari mong bayaran ang kontribusyon mo para sa Enero hanggang Setyembre alinmang buwan sa kasalukuyang taon kung saan ang last quarter mula Oktubre hanggang Disyembre naman ay maaari mong bayaran hanggang sa huling araw ng Enero sa susunod na taon.


Kinakailangan lamang, Pamela na ikaw ay nakarehistro at may account sa My.SSS na matatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph). Upang magamit naman ang SSS Mobile App, kinakailangan mo itong i-install sa iyong smartphone.


Para makapagbayad ka ng iyong kontribusyon, kailangan mo munang makakuha ng Payment Reference Number (PRN) para sa iyong gagawing pagbabayad. Maaari kang makapag-generate ng PRN gamit ang SSS Mobile App. Kinakailangan mong mag-log in sa nasabing mobile app gamit ang iyong existing na My.SSS username at password.


Sunod, i-tap mo ang “Generate PRN/SOA” icon na iyong makikita sa iyong mobile screen. Matapos nito, i-tap mo ang “Create” at punuan mo ang mga hinihinging impormasyon, tulad ng buwan at halaga ng babayarang kontribusyon. Maaari mo ring palitan ang type ng membership mo sa pamamagitan ng pagpili ng OFW. Kapag naibigay mo na ang lahat ng kailangang impormasyon, i-tap mo ang “SUBMIT” at lalabas ang iyong PRN/SOA. Maaari mo itong i-download bilang PDF o hindi kaya’y magtuloy na sa pagbabayad.


Dahil mayroon ka nang PRN, maaari ka ng magbayad. I-tap mo ang “Pay.” Lalabas sa screen ang payment methods. Maaari kang mamili sa pagitan ng PayMaya at BPI. Tiyakin mo na mayroon kang existing account sa iyong napiling online payment channel.

Bukod sa My.SSS at SSS Mobile App, maaari ka ring magbayad sa mga overseas bank gaya ng Asia United Bank, Bank of Commerce, at Philippine National Bank. Maaari mo ring gamitin ang website at mobile app ng ilang bangko sa pagbabayad ng iyong kontribusyon gaya ng Security Bank Corp.-Digibanker/Security Bank Online at Union Bank of the Philippines-UnionBank Online. Makakapagbayad ka rin ng kontribusyon sa Cashpinas, I-Remit, Inc., Pinoy Express Hatid Padala Services, Inc., Ventaja International Corp., at LMI Express Delivery Inc.


Dapat mo ring tandaan na sa patuloy mong paghuhulog ng SSS, kuwalipikado kang makatanggap ng pitong benepisyo tulad ng sickness, maternity, unemployment, disability, retirement, funeral, death, gayundin ang mga prebilehiyo sa pautang tulad ng salary, calamity, atbp.


Sa pagdaan ng mga taon, ang paghuhulog mo sa SSS ay isang pamamaraan ng iyong investment o pag-iimpok bilang paghahanda sa iyong pagreretiro. Ang kontribusyon na inihuhulog mo ngayon sa SSS ay babalik sa iyo bilang pensyon sa katapusan ng mga produktibong taon ng inyong buhay.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 

@Buti na lang may SSS | September 12, 2022


Dear SSS,

Magandang araw! Nais ko sanang malaman kung paano ang computation ng SSS maternity benefit. Magkano naman ang benefit na maaari kong makuha? - Thelma


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Thelma!


Ang SSS Maternity Benefit ay cash allowance na ibinabayad ng SSS sa kababaihang miyembro nito para sa bawat araw na hindi siya makapagtrabaho dahil sa panganganak. Sa ilalim ng Republic Act 11210 o mas kilala sa Expanded Maternity Leave Law (EMLL), 105-araw na ang ibinabayad na maternity leave sa miyembro ng SSS, maging ito ay normal o caesarian delivery simula Marso 11, 2019. Samantala, binibigyan naman ng 60-araw na bayad na maternity leave ang kababaihang nakunan o sumailalim sa emergency termination of pregnancy (ETP).


Samantala, pinapayagan din sa programang ito na i-allocate o ilipat ng babaeng miyembro ang maximum na pitong araw mula sa kanyang 105-days maternity leave sa tatay ng kanyang anak, kasal man sila o hindi, gayundin sa kanyang alternate caregiver na kamag-anak o partner na kasamang naninirahan sa iisang bahay. Dagdag pa rito, may option na i-extend ng kababaihang miyembro, lalo na ang mga single mother ng karagdagang 15-days na walang bayad ang kanilang maternity leave.


Paano nga ba maging kuwalipikado sa programang ito? Una, Thelma, dapat alamin ang semestre ng iyong panganganak. Ang semestre ay binubuo ng dalawang magkasunod na kwarter o katumbas ng anim na buwan at nagtatapos sa kwarter, kung saan nakapaloob ang buwan ng panganganak. Kapag alam na ang semestre ng iyong panganganak, tingnan ang 12-month period matapos ang semestre at alamin kung may hindi bababa sa tatlong buwanang hulog sa iyong records. Kung mayroong tatlong hulog (o higit pa) sa loob ng 12-month period, qualified makakuha sa maternity benefit.


Sunod, alamin ang iyong average daily salary credit. Kinukuwenta ang average daily salary credit (ADSC) sa pamamagitan ng pagpili ng anim na pinakamatataas na monthly salary credit sa loob ng 12-month period. Kunin ang kabuuang halaga ng anim na MSC at i-divide sa 180 (constant divisor). Anumang halaga na makuwenta ay ang iyong average daily salary credit.


Panghuli, i-multiply ang average daily salary credit sa 105 kung normal o cesarean delivery o kaya sa 60 kung nakunan o ETP upang makuha kung magkano ang maternity benefit na iyong matatanggap.


Halimbawa, ang miyembro ay nanganak noong Hunyo 26, 2022 at sumusuweldo ng P20, 000 kada buwan. Ang semester of contingency niya ay mula Enero hanggang Hunyo 2022. Kaya ang 12-month period niya ay magsisimula sa Enero 2021 hanggang Disyembre 2021. Dito pipiliin ang anim na pinakamataas na monthly salary credit. Sa kanyang nakatalang MSC na P20, 000, kukunin natin ang total ng anim na napiling MSC at makukuha natin ang 120, 000, matapos nito ay i-divide ang 120, 000 sa 180. Ang lalabas na average daily salary credit ay P666.67. Ang P666.67 ay i-mu-multiply sa 105 days, kung normal o cesarean delivery at ang makukuha niyang benefit ay nagkakahalaga ng P70,000.


Subalit kung nakunan o sumailalim sa ETP, i-multiply ang P666.67 sa 60 at ang makukuha niyang benefit ay nagkakahalaga ng P40,000.


Palaging siguruhin ng miyembro na updated ang kanyang kontribusyon sa SSS upang maging kwalipikado sa maternity benefit program. Samantala, wala nang kaukulang limit sa pagdadalang-tao ng miyembro mula noong ipatupad ang EMLL. May prescriptive period of filing naman na sinusunod ang SSS, kung saan maaaring i-file ang maternity benefit claims sa loob lamang ng 10-taon mula sa araw ng kanilang panganganak.


Mula Mayo 2021, maaari nang i-file ang Maternity Benefit Application online sa pamamagitan ng My.SSS portal na matatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph).


***


Nais naming ipaalam sa mga pensyonado na maaari silang mag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagre-report ng mga pensyonado sa SSS hanggang Oktubre 31, 2022. Ang mga pensyonado na dapat tumugon sa ACOP ay retirement pensioner na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioner, survivor pensioner (death) at dependent (minor/incapacitated) pensioner sa ilalim ng guardianship.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page