top of page
Search

@Buti na lang may SSS | October 4, 2022


Dear SSS,


Magandang araw! Bunga ng kasalukuyang pandemya ay maraming manggagawa ang lubhang naapektuhan nito. Kaya nais kong itanong kung mayroon bang benepisyo na maibibigay ang SSS sa mga manggagawang nawalan ng trabaho? – Jason


Sagot


Mabuting araw sa ‘yo, Jason!


Malugod naming ibinabalita sa ‘yo na mayroong benepisyo ang SSS na ipinagkakaloob sa mga manggagawang inboluntaryong nawalan ng trabaho. Mula Marso 5, 2019 noong ipinatupad ang Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018, maaaring mag-claim ng unemployment benefit ang mga miyembro ng SSS na katumbas ng 50% ng kanilang monthly salary sa loob ng dalawang buwan. Tulad ng ibang benepisyo, ito ay cash allowance na ibinabayad ng SSS upang masuportahan ang kanilang sarili para muli silang makahanap ng panibagong trabaho. Maaaring makatanggap ng hanggang P20,000 na maximum benefit, Jason, na magagamit mo habang ikaw ay wala pang bagong trabaho.


Upang mag-qualify, kinakailangang ikaw ay hindi lalagpas sa 60-taong gulang sa panahon ng iyong aplikasyon. Kung ikaw ay underground o surface mineworker, hindi dapat higit sa 50-taong gulang at 55-taong gulang naman kung racehorse jockey. Dapat nakapaghulog din ng hindi bababa sa 36 buwang kontribusyon kung saan ang 12 kontribusyon ay naibayad sa loob ng 18-buwan bago ang buwan na nawalan ng trabaho ang miyembro.


Bukod dito, maaari lamang bigyan ng unemployment benefit ang mga empleyado na inboluntaryong natanggal sa trabaho kung legal ang kanilang pagkakatanggal na naaayon sa Labor Code of the Philippines tulad ng paglalagay ng labor-saving devices ng kumpanya, redundancy, retrenchment, pagsasara o pagtigil ng kanilang operasyon o negosyo, at pagkakaroon ng sakit o karamdaman na hindi na pinahihintulutan ng batas na makapagtrabaho pa. Kasama ang pagkakatanggal sa trabaho bunsod ng pagbagsak ng ekonomiya, pagtama ng kalamidad at mga kahalintulad na dahilan na maaaring tukuyin ng SSS at Department of Labor and Employment (DOLE).


Jason, maaaring mag-apply ng unemployment benefit sa pamamagitan ng My.SSS na nasa SSS website. Mag-log in ka sa iyong My.SSS account at magtungo sa E-SERVICES upang i-click ang “apply for the unemployment benefit claim.” Pagkatapos mapunan ang lahat ng kinakailangang impormasyon, at magpapadala ng abiso o notification ang SSS sa iyong registered e-mail address. Mag-reply sa nasabing e-mail at i-attach dito ang scanned copies ng sertipikasyon na magpapatunay ng dahilan at araw ng pagkatanggal sa trabaho mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng Philippine Overseas Labor Offices (POLO) o regional offices nito, kung OFW naman ang miyembro. Isasama mo rin ang Notice of Termination mula sa Employer o Affidavit of Termination of Employment, kung alinman ang available. Matapos nito, magpapadala ulit ng e-mail message ang SSS upang kumpirmahin na successful ang iyong aplikasyon.

Paalala namin na maaari lamang i-file ang aplikasyon sa loob ng isang taon mula sa araw ng pagkatanggal mo sa trabaho.


Maraming miyembro na ang natulungan ng unemployment benefit mula sa SSS. Sa katunayan noong 2020, mahigit sa P1.71 bilyon unemployment benefit ang nabigyan ng SSS sa sa mahigit 135,000 kuwalipikadong miyembro. Ang nasabing halaga ay siyam na beses na mas mataas sa naibigay na unemployment benefit noong 2019.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 

@Buti na lang may SSS | October 2, 2022


Dear SSS,

Magandang araw. Mayroon akong SSS salary loan sa previous employer ko at hindi ko ito naipakaltas sa aking kasalukuyang employer. Dahil dito, hindi ko nabayaran ang aking loan mula noong 2018. Nag-aalala ako na baka malaki na ang penalty nito. Mayroon bang condonation program ang SSS ngayon? - Arlyn ng La Loma, Quezon City

Sagot


Mabuting araw sa iyo, Arlyn!


Kaugnay ng pagdiriwang ng ika-65 anibersaryo ng SSS, magkakaroon ng bagong loan penalty condonation program para sa mga miyembro na hindi nabayaran ang kanilang mga pagkakautang sa SSS. Layunin ng Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program na mapagaan ang pagbabayad ng kanilang past-due loans sa SSS na wala nang kaukulang penalties o multa. Sa halip ay ang komputasyon na lamang ng original o principal amount at interest ang sisingilin sa ilalim ng programang ito.


Simula sa Setyembre 30, tatanggap na ang SSS ng aplikasyon para sa loan penalty condonation program.


Ang nasabing programa ay naglalayong matulungan ang mga miyembro na may mga pagkakautang sa SSS na maibalik ang kanilang good standing. Sakop nito ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans, tulad ng Loan Restructuring Program (LRP).


Samantala, Arlyn, ang babayaran mo na lamang ay ang prinsipal at interest kung saan maaari itong bayaran nang buo o one-time full payment o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse sa pamamagitan ng installment sa loob ng hanggang 60-buwan o limang taon, depende sa halaga ng iyong pagkakautang.


Para sa kapakanan ng ating mga miyembro heto ang talaan ng halaga ng pagkakautang at haba o payment terms na kinakailangang sundin para sa pagbabayad ng kanilang mga loan:


Consolidated Loan Remaining Balance

Maximum Term

Above P5,000 to P10,000

6 months

P10,001 to P18,000

12 months

P18,001 to P36,000

24 months

P36,001 to P54,000

36 months

P54,001 to P72,000

48 months

More than P72,000

60 months


Kinakailangan lamang, Arlyn, na matugunan mo ang mga sumusunod na kondisyon:

mayroon kang hindi nabayarang short-term member loan hanggang sa araw ng iyong aplikasyon sa nasabing programa;


hindi ka pa nabibigyan ng final benefit claim, tulad ng permanent total disability o retirement benefit;

hindi ka na-disqualify dahil sa panloloko o fraud laban sa SSS; at

mayroon kang aktibong account sa My.SSS.


Hindi mo na rin kailangang magtungo sa sangay ng SSS sa pag-file nito sapagkat maaari mo na itong gawing online gamit ang iyong account sa My.SSS. Kaya dapat tiyakin mong may account kang nakarehistro na sa My.SSS.


Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account.


***


Nais naming ipaalam sa aming mga pensyonado na maaari silang mag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagrereport ng mga pensyonado sa SSS hanggang Oktubre 31, 2022. Ang mga pensyonado na dapat tumugon sa ACOP ay mga retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioner, survivor pensioner (death), at dependent (minor/incapacitated) pensioner sa ilalim ng guardianship.


***


Binuksan din ng SSS noong Agosto 15, 2022 ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra noong Hulyo 27, 2022.


Ang CAP ay magbibigay ng tulong pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Abra at Mountain Province. Sa Abra, sakop ng programa ang mga bayan ng Bangued, Boliney, Bucay, Bucloc, Daguioman, Danglas, Dolores, Lacub, Lagangilang, Lagayan, Langiden, La Paz, Licuan, Luba, Malibcong, Manabo, Penarrubia, Pidigan, Pilar, Sallapadan, San Isidro, San Juan, San Quintin, Tayum, Tineg, Tubo, at Villaviciosa. Samantala, sa Mountain Province naman, kasama ang mga bayan ng Bauko at Besao.


Ang CAP ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa mga SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa naturang programa hanggang Nobyembre 14, 2022.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 

@Buti na lang may SSS | September 26, 2022


Dear SSS,


Magandang araw! Ako ay SSS pensioner na naninirahan sa Meycauayan, Bulacan. Nais ko sanang malaman kung paano mag-renew ng application sa Pension Loan Program. – Tacio


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Tacio!


Para sa mga magre-renew SSS Pension Loan Program (PLP), hindi na kailangang magtungo pa sa alinmang sangay ng SSS. Mula Setyembre 15, 2020, maaari nang mag-file ng pension loan application ang mga kuwalipikadong SSS retiree-pensioner sa pamamagitan ng kanilang My.SSS account.


Pinoprotektahan ng SSS na manatiling ligtas sa lumalaganap na sakit ang mga miyembro at pensyonado nito. Dahil dito, ginawang online na ang aplikasyon sa nasabing pautang.


Upang magamit ang pasilidad na ito, kinakailangang ikaw, Lolo Tacio ay nakarehistro sa My.SSS na matatagpuan sa SSS website, www.sss.gov.ph. Dapat ikaw ay mayroon aktibong mobile number at UMID-ATM o kaya’y UnionBank Quick Card.


Kapag nakagawa na ng account Tacio sa My.SSS, maaari nang mag-file ng iyong PLP application gamit ang My.SSS. Kinakailangan lamang na mag-log in sa iyong My.SSS account at magtungo sa E-Services tab kung saan makikita ang “Apply for Pension Loan.” I-click ito upang simulan ang iyong aplikasyon. Sunod, piliin ang halaga ng uutangin at kung gaano ito katagal babayaran ay i-click naman ang “I agree to the terms and conditions of the program.”


Maaaring i-download o kaya’y i-print ang kopya ng Disclosure Statement. Makatatanggap ng kompirmasyon sa pamamagitan ng email tungkol sa aplikasyon.


Upang makahiram sa ilalim ng PLP kinakailangang matugunan ninyo ang sumusunod na mga kondisyon: hindi dapat hihigit sa 85-taong gulang sa katapusan ng termino ng pautang;


walang ibinabawas sa kanyang buwanang pensyon, tulad ng natitirang balanse sa ibang pautang ng SSS o kaya’y sobrang benepisyong binayaran ng SSS; walang utang sa ilalim ng SSS Calamity Assistance Package; at tumatanggap na ng regular na pensyon na hindi bababa sa isang buwan.


Sa kasalukuyan, maaari kayong makahiram ng katumbas ng tatlo hanggang 12 beses ng inyong tinatanggap na basic monthly pension (BMP) kasama ang P1, 000 additional benefit na ibinigay noong 2017. Subalit, hindi ito hihigit sa P200, 000. Dagdag pa rito, dapat ang net take-home pension o matitira sa inyong buwanang pensyon ay hindi bababa sa 47.25%. Ang pagbabayad o crediting naman ng iyong inutang ay sa pamamagitan ng iyong UMID-ATM o UnionBank Quick Card.


Samantala, ang pension loan na katumbas ng tatlong beses ng inyong tinatanggap na buwanang pensyon ay babayaran ninyo sa loob ng anim na buwan. Kapag katumbas naman ng anim na beses ng inyong buwang pensyon, ito ay babayaran ninyo sa loob ng 12-buwan.


Kung ang nahiram ninyong pension loan ay katumbas ng siyam o 12-beses ng buwanang pensyon, ito ay kailangang bayaran ng hanggang 24-buwan o sa loob ng dalawang taon. Maaari namang makahiram hanggang P200, 000 bilang maximum loanable amount.


***


Nais naming ipaalam sa ating mga miyembro na noong Nobyembre 15, 2021 ay binuksan na ang aplikasyon para sa Short-Term Member Loan Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 5. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro ang mga naipong multa o penalties sa hindi niya nabayarang utang sa SSS, tulad ng salary loan, Calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), Emergency loan at restructured loans sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) na ipinatupad noong 2016 hanggang 2019. Maaaring mag-apply ang interesadong miyembro hanggang Pebrero 14, 2022 at mag-file ng application gamit ang kanilang My.SSS account.


Bukod dito, binuksan din ng SSS ang Housing Loan Restructuring and Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 4 noong Nobyembre 22, 2021. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro o mga tagapagmana nito ang mga naipong multa o penalties sa hindi nabayarang housing loan. Maaari silang mag-file ng aplikasyon sa SSS Housing and Acquired Asset Management Department na nasa SSS Main Office sa Quezon City at sa Housing and Acquired Asset Management Section ng piling sangay ng SSS sa labas ng Metro Manila.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page