top of page
Search

@Buti na lang may SSS | October 21, 2022


Dear SSS,


Magandang araw! Ako ay pensyonado ng SSS. Kamakailan ay nabalitaan ko na mayroong pautang para sa aming mga pensyonado. Paano ba mag-apply? - Tomas


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Lolo Tomas!


Totoong may pautang na ibinibigay ang SSS para sa mga retiradong pensyonado nito at ito ang Pension Loan Program (PLP) na binuksan mula pa noong Setyembre 2018. Layunin ng programa ang makapagbigay ng tulong-pinansyal sa pamamagitan ng pautang na may mas mababang interest. Batid naman natin na kailangan n’yo ng karagdagang financial assistance para sa inyong mga pangangailangang medikal, atbp.

Ang PLP ay nagsisilbing alternatibo sa mga private lending institutions kung saan mas mababa ang interes at hindi kailangang gamiting kolateral ang ATM cards ng pensyonado.


Upang makahiram sa ilalim ng PLP kinakailangan na matugunan ninyo ang sumusunod na kondisyon:


  • hindi dapat hihigit sa 85 taong gulang sa katapusan ng termino ng pautang;

  • walang ibinabawas sa kanyang buwanang pensyon, tulad ng natitirang balanse sa ibang pautang ng SSS o kaya’y sobrang benepisyong binayaran ng SSS;

  • walang utang sa ilalim ng SSS Calamity Assistance Package; at

  • tumatanggap na ng regular na pensyon na hindi bababa sa isang (1) buwan.


Halimbawa, nag-apply kayo ngayong Hulyo 2022, ang simula naman ng inyong pagbabayad ay sa Setyembre 2022 pa.


Sa kasalukuyan, maaari kayong makahiram ng katumbas ng tatlo hanggang 12 beses ng inyong tinatanggap na basic monthly pension (BMP) kasama ang P1,000 additional benefit na ibinigay noong 2017. Subalit, hindi ito hihigit sa P200,000 na siyang maximum loanable amount na ipinahihiram sa ilalim ng PLP. Dagdag pa rito, ang net take-home pension o matitira sa inyong buwanang pensyon ay hindi dapat bababa sa 47.25%.


Samantala, ang pension loan na katumbas ng tatlong beses ng inyong tinatanggap na buwanang pensyon ay babayaran ninyo sa loob ng anim na buwan; kung katumbas naman ng anim na beses ng inyong buwanang pensyon, maaari ninyo itong bayaran sa loob ng 12 buwan, Lolo Tomas. Kung ang nahiram ninyong pension loan ay katumbas ng siyam o 12 beses ng buwanang pensyon, maaari naman ninyo itong bayaran ng hanggang 24 buwan o sa loob ng dalawang taon.


Online na rin ang pag-file ng application sa PLP maging kayo man ay first-time borrower o magre-renew ng pension loan. Kinakailangan lamang na kayo ay nakarehistro sa My.SSS na matatagpuan sa SSS website, www.sss.gov.ph. Kinakailangan ding ninyong ibigay ang inyong contact number o aktibong mobile number, kabilang ang inyong SSS UMID-ATM o kaya’y ang Union Bank Quick Cash Card para rito.


Narito ang paraan ng pagpa-file ng loan application sa PLP:

  • Mag-log in sa inyong My.SSS account.

  • Magtungo sa E-Services tab kung saan makikita ninyo ang “Apply for Pension Loan.”

  • I-click ninyo ang “Apply for Pension Loan” upang simulan ang iyong aplikasyon.

  • Piliin ang halaga ng iyong uutangin at kung gaano mo ito katagal babayaran.

  • Matapos nito, i-click ang “I agree sa mga terms and conditions of the program.”

Maaari naman ninyong i-download o kaya’y i-print ang kopya ng Disclosure Statement. Makatatanggap kayo ng kumpirmasyon sa pamamagitan ng e-mail o text tungkol sa iyong aplikasyon. Papasok naman ang halaga ng iyong inutang sa inyong UMID-ATM o UnionBank Quick Cash Card.


Ang kagandahan ng programang ito ay ang pagkakaroon ng credit life insurance ng borrowers. Kung sakali mang pumanaw ang nangutang na pensyonado at dahil dito hindi na nito maituloy ang pagbabayad ng kanyang loan. Sa ilalim ng credit life insurance, babayaran ng isang insurance company ang natitirang utang ng pensyonado sa SSS.


***


Nais naming ipaalam sa aming mga pensyonado na maaari silang mag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagre-report ng mga pensyonado sa SSS hanggang Oktubre 31, 2022. Ang mga pensyunado na dapat tumugon sa ACOP ay mga retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioner, survivor pensioner (death) at dependent (minor/incapacitated) pensioner sa ilalim ng guardianship.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 

@Buti na lang may SSS | October 16, 2022


Dear SSS,


Magandang araw SSS! Mayroon akong SSS housing loan na matagal ko nang hindi nahuhulugan. Kaya nag-aalala ako na baka malaki na ang penalty nito. Mayroon bang condonation program sa housing loan ang SSS ngayon? - Zenaida

Sagot


Mabuting araw sa iyo, Zenaida!


Para sa iyong kaalaman, naglunsad kamakailan ang SSS ng Penalty Condonation Program for Housing Loan (PCPHL) para sa mga miyembrong may hindi nababayarang housing loan.


Pinagtibay ang PCPHL upang bigyan ng pagkakataon ang mga miyembro na mabayaran ang kanilang past-due housing loan obligations sa SSS sa tulong ng affordable payment scheme at condonation o pagpapaliban ng multa.


Sinasabing may past-due housing loan ang miyembro kung ito ay delinquent o hindi na nababayaran sa nakalipas na anim na buwan as of filing date ng aplikasyon ng miyembro sa loob ng condonation period.


Sakop ng nasabing programang ang lahat ng housing loan borrowers, kanilang duly designated successor/s-in-interest/legal heir/s na may past due housing loan obligations, kahit expired o hindi ang orihinal o dati pang restructured loan.


Kasama rin ang mga housing loan borrowers na foreclosed ang property at sumailalim na sa auction sale kung saan ang SSS ang winning bidder at ang Certificate of Sale ay hindi pa nakarehistro sa ilalim ng SSS housing loan programs tulad ng:


  • Direct Individual Housing Loan Program kasama ang mga duplex housing loan accounts;

  • Direct Housing Loan Facility for Overseas Filipino Workers (OFWs)/ Worker’s Organization Members (WOMs); at

  • Direct House Repair and Improvement Program.


Maaaring mag-avail sa PCPHL ang lahat ng mga miyembrong may past-due housing loan obligations, gayundin ang successors-in-interest o legal na mga tagapagmana.


Sa ilalim ng programa, Zenaida, babayaran mo ito ng buo o one-time full payment ang outstanding principal, interest, insurance dues at legal expenses sa loob ng 90-araw mula nang matanggap ang notice of approval ng aplikasyon. Samantala, walang installment scheme para sa PCPHL.


Tatanggap naman ang SSS ng aplikasyon para sa PCPHL mula Oktubre 1 hanggang Disyembre 31, 2022.


Maaari silang mag-file ng aplikasyon sa sa pinakamalapit na Housing and Acquired Assets Management Section (HAAMS) sa mga sangay ng SSS sa buong bansa o di kaya’y magpunta sa Housing and Acquired Assets Management Department na nasa SSS Main Office sa Quezon City mula Lunes hanggang Biyernes mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.


Para sa mga karagdagang detalye, maaari silang makipag-ugnayan sa Housing and Acquired Assets Management Department sa telephone number (02) 8709-7198 local 5435.


***


Nais naming ipaalam sa aming mga pensyonado na mag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagrereport ng mga pensyonado sa SSS hanggang Oktubre 31, 2022. Ang mga pensyonado na dapat tumugon sa ACOP ay mga retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioner, survivor pensioner (death), at dependent (minor/incapacitated) pensioner sa ilalim ng guardianship.


***


Binuksan ng SSS noong Agosto 15, 2022 ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra noong Hulyo 27, 2022.


Ang CAP ay magbibigay ng tulong-pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Abra at Mountain Province. Sa Abra, sakop ng programa ang mga bayan ng Bangued, Boliney, Bucay, Bucloc, Daguioman, Danglas, Dolores, Lacub, Lagangilang, Lagayan, Langiden, La Paz, Licuan, Luba, Malibcong, Manabo, Penarrubia, Pidigan, Pilar, Sallapadan, San Isidro, San Juan, San Quintin, Tayum, Tineg, Tubo, at Villaviciosa. Samantala, sa Mountain Province naman, kasama ang mga bayan ng Bauko at Besao.


Ang CAP ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa mga SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa naturang programa hanggang Nobyembre 14, 2022.


Binuksan din ng SSS noong Biyernes, Oktubre 7, 2022 ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Super Typhoon ‘Karding.’


Ang CAP ay magbibigay ng tulong pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Nueva Ecija at sa mga bayan ng Dingalan sa Aurora, Macabebe sa Pampanga, at San Miguel sa Bulacan.


Ang CAP ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa mga SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa naturang programa hanggang Enero 6, 2023.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 

@Buti na lang may SSS | October 10, 2022


Dear SSS,


Magandang araw! Nais ko sanang i-verify ang aking hulog sa SSS, subalit wala akong oras upang magpunta sa SSS branch. Mayroon bang paraan na i-verify ko ang aking mga hulog sa SSS nang hindi na kailangan pang pumunta sa inyong opisina? - Sally


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Sally!


Mula noong pandemya nang Marso 2020 ay pinaigting ng SSS ang iba’t ibang transaksyon nito gamit ang online platform, tulad ng My.SSS na matatagpuan sa SSS website. Kaya aming hinihikayat ang mga miyembro, employer, gayundin ang mga pensyonado na gumawa at magrehistro ng kanilang My.SSS account para sa mas mabilis at mas ligtas na paraan ang kanilang pakikipagtransaksyon sa SSS na hindi na kinakailangan pang magpunta sa mga tanggapan nito.


Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa aming website (www.sss.gov.ph) o hindi kaya’y i-click mo ang link na ito, https://bit.ly/3LTuLCI, upang masimulan ang iyong pagrerehistro rito. Punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan, ang dapat mong ilagay na e-mail address ay aktibo at nagagamit mo pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para naman i-activate at magamit mo ang iyong account.


Sally, isa sa mga transaksyon na maaari mong gawin gamit ang My.SSS ay ang pag-verify ng iyong mga hulog sa SSS. Gamit ang nasabing platform ay maaari mong makita kung updated ba o posted na ang iyong hulog sa SSS.


Kung ikaw ay mayroon ng My.SSS account, i-click mo ang “Member.” Mag-login ka gamit ang iyong user ID at password. Sunod, i-click mo ang “I’m not a robot” at i-click mo ang “Submit.” Makikita mo ang mga tab ng “HOME,” “MEMBER INFO,” “INQUIRY,” E-SERVICES,” at “PAYMENT REFERENCE NUMBER (PRN).” Para i-verify ang iyong contribution record, i-click mo ang “INQUIRY” tab. May dalawa kang pagpipilian dito: “Benefits” at “Contributions.” i-click mo ang “Contributions”.


Dadalhin ka nito sa “MONTHLY CONTRIBUTIONS”, kung saan makikita ang lahat ng iyong hulog mula sa taon ng unang paghuhulog mo sa SSS. Naka-breakdown ang hulog mo kada buwan at bawat taon ng iyong pagiging miyembro. Makikita mo rin dito ang mga buwan na mayroon at wala kang naihulog na contributions. Dahil dito regular mo na ring makikita kung nagre-remit o hindi ang iyong employer ng iyong SSS contributions.


Kung mayroong mga buwan naman na hindi nag-remit ang iyong employer ngunit kinaltasan ka ng SSS contributions, maaari mo itong i-report sa SSS para sa kaukulang reklamo.


Sa ibabang bahagi ng “MONTHLY CONTRIBUTIONS” ay makikita mo ang Total Number of Contributions Posted o ang kabuuang bilang ng buwan na nakapaghulog ka sa SSS. Mahalaga ang bilang ng buwan na iyong naipaghulog sa SSS sapagkat ito ang unang tinitignan kung naabot mo na ang tamang bilang ng buwanang kontribusyon para mag-qualify sa loans at mga benepisyo sa SSS. Makikita mo rin dito ang Total Amount of Contributions o ang kabuuang halaga ng naihulog mo na sa SSS.


Pinapayuhan naming muli ang lahat ng aming mga miyembro na palaging i-check ang kanilang contribution records upang mabilis nilang i-report ang anumang iregularidad na nakikita nila sa kanilang record.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page