top of page
Search

@Buti na lang may SSS | November 6, 2022


Dear SSS,


Magandang araw! Nais ko sanang malaman kung mayroon bang calamity loan ang SSS para sa mga naapektuhan ng malakas na lindol sa Abra noong Hulyo 27, 2022. Paano ba mag-apply dito? - Shawn ng Tayum, Abra


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Shawn!


May alok na Calamity Loan Assistance Program (CLAP) ang SSS para sa mga miyembro na naapektuhan ng Magnitude 7 na lindol na tumama sa lalawigan ng Abra noong Hulyo 27, 2022. Binuksan ang nasabing calamity loan noong Agosto 15, 2022 at magtatapos sa Nobyembre 14, 2022. Kaya ilang araw na lamang ang nalalabi sa mga miyembrong nais mag-avail ng pautang na ito mula sa SSS.


Ang CLAP ay bahagi ng Calamity Assistance Package, na ibinibigay ng SSS sa mga miyembrong naninirahan sa lalawigan ng Abra at Mountain Province. Sa Abra, sakop ng programa ang mga bayan ng Bangued, Boliney, Bucay, Bucloc, Daguioman, Danglas, Dolores, Lacub, Lagangilang, Lagayan, Langiden, La Paz, Licuan, Luba, Malibcong, Manabo, Penarrubia, Pidigan, Pilar, Sallapadan, San Isidro, San Juan, San Quintin, Tayum, Tineg, Tubo, at Villaviciosa. Samantala, sa Mountain Province naman, kasama ang bayan ng Bauko at Besao.


Talakayin muna natin ang hinggil sa calamity loan. Kinakailangan lamang na matugunan mo, Shawn ang mga sumusunod na kondisyon:

  • Mayroong My.SSS account;

  • Nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon, kung saan ang anim na hulog ay naibayad sa huling 12 buwan bago ang buwan ng pagpa-file ng aplikasyon;

  • Naninirahan ka sa lugar o bayan na kabilang sa mga nabanggit na lugar na lubhang naapektuhan ng lindol;

  • Hindi pa nabibigyan ng final benefit, tulad ng permanent total disability o retirement benefit; at

  • Walang outstanding na utang sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) o sa mga naunang CLAP.

Ang filing ng aplikasyon sa CLAP ay sa pamamagitan ng online gamit ang My.SSS ng miyembro. Kung ikaw naman ay empleyado ng kompanya, dapat isertipika ng iyong employer ang iyong CLAP application gamit din ang My.SSS.


Makahihiram ka ng katumbas ng average ng iyong monthly salary credit (MSC) sa huling 12 buwan o hanggang P20,000. Ang monthly salary credit naman ay ang batayan ng kabuuang kinikita ng miyembro sa loob ng isang buwan.


Ang nasabing pautang ay maaari mong bayaran ng installment sa loob ng 24 buwan. Ang amortisasyon ay magsisimula sa ikalawang buwan mula sa petsa na naaprubahan ang iyong calamity loan. Halimbawa, nanghiram ka noong Nobyembre 4, 2022, ibig sabihin nito ang iyong pagbabayad ay magsisimula sa Enero 2023. Samantala, ito ay may interest na 10% kada taon hanggang sa ito ay mabayaran, na kinukwenta sa lumiliit na balanse ng loan sa loob ng 24 buwan. Ang 1% na service fee ay hindi na ibabawas sa loan maliban sa interest na pro-rated mula sa petsa ng pag-apruba ng utang hanggang sa katapusan ng buwan bago ang unang amortisasyon.


Ang crediting ng nasabing calamity loan ay sa pamamagitan ng account ng miyembro sa Unified Multi-Purpose Identification (UMID) – Automated Teller Machine (ATM) Card o account nito sa alinmang bangko na kabilang sa Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network (PESONet) o kaya’y sa kanilang Union Bank of the Philippines (UBP) Quick Cards na nakarehistro sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) na matatagpuan sa My.SSS na makikita sa website nito—www.sss.gov.ph.


***


Binuksan din ng SSS noong Oktubre 7, 2022 ang Calamity Assistance Package (CAP) para naman sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Super Typhoon ‘Karding’ sa mga lalawigan ng Nueva Ecija at sa mga bayan ng Dingalan sa Aurora, Macabebe sa Pampanga, at San Miguel sa Bulacan.


Ang CAP ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa mga SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners. Tatanggap naman ang SSS ng aplikasyon para sa naturang programa hanggang Enero 6, 2023.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 

@Buti na lang may SSS | October 30, 2022


Dear SSS,


Magandang araw SSS! Nais kong itanong ang death benefit claim para sa tatay ko. Namatay siya noong Hulyo 23, 2022. Makukuha at maililipat ba sa nanay ko ang pensyon ng aking Tatay? Salamat po. - Paloma

Sagot

Mabuting araw sa iyo, Paloma!

Napapanahon ang iyong katanungan sapagkat gugunitain natin ang Undas o ang All Saints' Day at Araw ng mga Kaluluwa o ang All Souls Day ngayong Nobyembre 1-2, 2022. Kaya mahalagang matalakay natin ang tungkol sa benepisyo sa pagkamatay o death benefit na ibinibigay ng SSS sa mga naulila ng namayapang miyembro.


Ang benepisyo sa pagkamatay ay ang halagang ibinabayad bilang buwanang pensyon o lump sum amount sa mga legal na benepisyaryo ng namatay na miyembro. Samantala, ang order o pagkakasunud-sunod na kategorya sa pagkilala sa mga benepisaryo ng SSS ay ang:


  1. primary beneficiaries, tulad ng asawa at mga menor-de-edad na anak;

  2. secondary beneficiaries, kung saan ang binabayaran ng SSS ay ang mga magulang ng binata o dalagang miyembro namatay;

  3. designated beneficiaries o ang mga itinakdang benepisaryo, tulad ng kapatid, anak ng namayapang miyembro na itinalaga ng miyembro sa kanyang SS Form E-1 o E-4; at

  4. legal heirs o tagapagmana ng namayapang miyembro na karaniwan ay kanyang "blood relative” ayon sa Civil Code of the Philippines.


Samantala, kung nakapaghulog ang miyembro ng 36 buwanang kontribusyon bago ang semestre ng kanyang pagkamatay, ang kanyang primary beneficiaries o legal na benepisaryo ay makakakuha ng buwanang pensyon. Kung namatay naman ay pensyonado, ang 100% ng basic monthly pensyon niya ay isasalin sa kanyang legal na asawa at dependent’s pension naman sa mga menor-de-edad na anak.


Ang lump sum benefit naman ay ibinibigay kapag hindi umabot sa 36 buwan ang naihulog ng miyembro bago ang semestre ng kanyang pagkamatay. Lump sum benefit din ang benepisyong ibinibigay kung walang primary beneficiaries o legal na asawa o menor-de-edad na anak ang miyembro.


Sa ilalim ng Republic Act 11199 o Social Security of 2018, ang may karapatan sa batas na makatanggap ng death benefit ng miyembro ay tanging ang mga legal na benepisaryo ng SSS tulad ng ating nabanggit kanina.


Kung ang namatay na miyembro ay pensyonado, ililipat ang pensyon nito sa kanyang legal na asawa na katumbas ng 100 porsyento na tinatanggap ng namayapang miyembro noong siya ay nagpepensyon sa ilalim ng SSS Retirement Benefit Program. Kung may anak naman siya na wala pang 21 taong gulang, makatatanggap ang kanyang anak ng dependents’ pension. Ito ay katumbas ng P250 o 10% ng basic monthly pension, alinman ang mas mataas. Samantala, maaari itong ipagkaloob sa limang menor-de-edad na anak, mula sa pinakabata, ngunit walang kaukulang pagpapalit o substitution. Matitigil lamang ang benepisyong ito kapag umabot na ang bata sa kanyang ika-21 taong gulang, nakapag-asawa, nakapagtrabaho o kaya ay namatay.


Kung sakali namang wala nang legal na asawa at wala nang menor-de-edad sa inyong magkakapatid, Paloma, maaari kayong makatanggap ng nalalabing balanse ng inyong tatay na nakapaloob sa five-year guaranteed period kung hindi pa nakakalagpas ng limang taon ang pagtanggap ng pensyon ng miyembro. Sa ilalim ng five-year guaranteed period, kapag ang miyembro ng SSS na nakatatanggap ng retirement pension o total permanent disability pension ay namatay bago pa umabot sa limang taon ng kanyang pagtanggap ng pensyon, ang balanse nito ay ibibigay sa mga secondary, designated o legal heirs na babayaran naman sa pamamagitan ng lump sum benefit.


***


Nais naming ipaalam sa aming mga pensyonado na mag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagre-report ng mga pensyonado sa SSS hanggang Oktubre 31, 2022. Ang mga pensyonado na dapat tumugon sa ACOP ay mga retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioner, survivor pensioner (death), at dependent (minor/incapacitated) pensioner sa ilalim ng guardianship.


***


Binuksan ng SSS noong Agosto 15, 2022 ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra noong Hulyo 27, 2022.


Ang CAP ay magbibigay ng tulong-pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Abra at Mountain Province. Sa Abra, sakop ng programa ang mga bayan ng Bangued, Boliney, Bucay, Bucloc, Daguioman, Danglas, Dolores, Lacub, Lagangilang, Lagayan, Langiden, La Paz, Licuan, Luba, Malibcong, Manabo, Penarrubia, Pidigan, Pilar, Sallapadan, San Isidro, San Juan, San Quintin, Tayum, Tineg, Tubo, at Villaviciosa. Samantala, sa Mountain Province naman, kasama ang mga bayan ng Bauko at Besao.


Ang CAP ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa mga SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa naturang programa hanggang Nobyembre 14, 2022.


Binuksan din ng SSS noong Oktubre 7, 2022 ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Super Typhoon Karding.


Ang CAP ay magbibigay ng tulong-pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Nueva Ecija at sa mga bayan ng Dingalan sa Aurora, Macabebe sa Pampanga at San Miguel sa Bulacan.


Ang CAP ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa mga SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa naturang programa hanggang Enero 6, 2023.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 

@Buti na lang may SSS | October 23, 2022


Dear SSS,


Magandang araw!

Ako ay magsasaka sa Palayan, Nueva Ecija. Nais ko sanang ipagpapatuloy ang aking paghuhulog sa SSS at paano ko ito babayaran? - Mang Ruben

Sagot


Mabuting araw sa iyo, Mang Ruben!


Kinikilala ng SSS ang mahalagang tungkulin na ginagampanan ng mga magsasaka at mangingisda sa ating ekonomiya. Noong Oktubre 1995 ay sinimulang masaklaw ng SSS ang mga magsasaka at mangingisda upang mabigyan din sila ng kaukulang social security protection upang sa panahon ng kanilang pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagreretiro, pagpapalibing at pagkamatay ay may magagamit sila sa oras ng kanilang pangangailangan.


Nitong Biyernes, Oktubre 21, 2022, inilunsad ng SSS ang programang Flexible Payment Schedule ng Social Security (SS) at Employees’ Compensation (EC) contributions sa lahat ng magsasaka, mangingisda at mga self-employed individual sa informal economy.


Sa ilalim ng nasabing programa, maaari na kayong magbayad, Mang Ruben, ng inyong SSS contributions sa nakalipas na 12 buwan mula sa kasalukuyang buwan. Halimbawa, kung kayo ay magbabayad ng SSS contributions ngayong Oktubre 2022, maaari ninyong bayaran ang mga kontribusyon para sa Oktubre 2021 hanggang Setyembre 2022.


Samantala, ang schedule na ito ay hindi pinahihintulutan sa ibang miyembro, lalo na sa mga regular na self-employed dahil walang retroactive payments.


Narito naman ang comparison ng regular na payment schedule para sa mga self-employed member at ang bagong flexible payment schedule para sa mga magsasaka, mangingisda at self-employed individual na kabilang sa informal economy:


ree

Nakita ng SSS ang regular na payment schedule para sa mga self-employed member ay hindi naayon sa schedule ng kita ng ating mga magsasaka at mangingisda. Hindi ito, tulad ng karaniwang manggagawa na tumatanggap ng kita kada buwan dahil sila ay nagkakaroon lamang ng kita sa panahon ng anihan ng kanilang produkto na may mga kaukulang buwan lamang sa loob ng isang taon.


Sa isinagawang pag-aaral ng SSS, lumalabas na para sa ating mga magsasaka, may kaukulang harvest season sila na sinusunod at ito ay:


  • Para sa palay

Pangunahing ani: Setyembre hanggang Disyembre


Ikalawang ani: Enero hanggang Abril


Kabuuang bilang ng buwan: walong buwan/ 12 buwan


  • Para sa mais

Pangunahing ani: Hulyo hanggang Setyembre


Ikalawang ani: Pebrero hanggang Mayo


Kabuuang bilang ng buwan: walong buwan/ 12 buwan

Kaya minarapat ng SSS na ibatay sa kanilang harvesting season ang schedule ng pagbabayad ng kanilang kontribusyon at maipagpatuloy nila ang kanilang pagiging miyembro.


Ang kontribusyon naman na kanilang ihuhulog ay batay sa idedeklara nilang buwanang kita. Sa kasalukuyan, maaari silang maghulog ng P400 hanggang P3,280 na kontribusyon kada buwan kung saan kasama na rito ang P30 na kontribusyon sa ilalim ng Employees’ Compensation Program (ECP). Maaari silang magbayad ng kanilang kontribusyon gamit ang SSS Mobile App, Bayad o GCash app o kaya’y sa ShopeePay.


Gayundin, maaari nila itong bayaran sa pamamagitan ng internet banking facility ng Security Bank at Union Bank of the Philippines, SSS tellering facility, mga accredited payment centers at SSS-accredited partner agents.


Malaki ang pakinabang ng magsasaka o mangingisda sa patuloy na naghuhulog sa SSS hanggang sa siya ay magretiro. Sa panahon ng inyong pagreretiro, Mang Ruben, ay aanihin ninyo ang naimpok sa SSS bilang inyong benepisyo o pensyon kung nakabuo kayo ng kaukulang bilang ng kontribusyon para magkaroon ng pensyon sa SSS. Kayo rin ang makikinabang sa kontribusyong inihuhulog ninyo ngayon sa SSS at sa darating pang taon.


***


Nais naming ipaalam sa aming mga pensyonado na maaari silang mag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagrereport ng mga pensyonado sa SSS hanggang Oktubre 31, 2022. Ang mga pensyonado na dapat tumugon sa ACOP ay mga retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioner, survivor pensioner (death) at dependent (minor/incapacitated) pensioner sa ilalim ng guardianship.


***


Binuksan ng SSS noong Agosto 15, 2022 ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra noong Hulyo 27, 2022.


Ang CAP ay magbibigay ng tulong-pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Abra at Mountain Province. Sa Abra, sakop ng programa ang mga bayan ng Bangued, Boliney, Bucay, Bucloc, Daguioman, Danglas, Dolores, Lacub, Lagangilang, Lagayan, Langiden, La Paz, Licuan, Luba, Malibcong, Manabo, Penarrubia, Pidigan, Pilar, Sallapadan, San Isidro, San Juan, San Quintin, Tayum, Tineg, Tubo, at Villaviciosa. Samantala, sa Mountain Province naman, kasama ang mga bayan ng Bauko at Besao.


Ang CAP ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa mga SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa naturang programa hanggang Nobyembre 14, 2022.


Binuksan din ng SSS noong Oktubre 7, 2022 ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Super Typhoon Karding.


Ang CAP ay magbibigay ng tulong-pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Nueva Ecija at sa mga bayan ng Dingalan sa Aurora, Macabebe sa Pampanga, at San Miguel sa Bulacan.


Ang CAP ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa mga SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa naturang programa hanggang Enero 6, 2023.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page