top of page
Search

@Buti na lang may SSS | November 27, 2022


Dear SSS,


Magandang araw! Ako ay SSS pensioner sa Bacoor, Cavite. Nais kong itanong kung paano mag-apply para sa three-month advance pension para sa mga naapektuhan ng Super Typhoon ‘Paeng’, kamakailan. - Lola Soledad


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Lola Soledad!


Noong nakaraang Linggo ay ating tinalakay ang Calamity Loan Assistance Program (CLAP) na bahagi ng SSS Calamity Assistance Package na binuksan noong Nobyembre 17, 2022 para tulungan ang mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Severe Tropical Storm ‘Paeng’ noong Oktubre.


Sa panahon ng mga kalamidad, palaging handang magbigay ang SSS ng tulong hindi lamang sa mga miyembro nito kundi pati sa mga pensyonado. Kaya ating tatalakayin ngayon ang ikalawang bahagi ng SSS Calamity Assistance Package. Ito ay ang Three-month advance pension para sa lahat ng mga SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners.


Kwalipikado sa nasabing programa ang mga pensyonado na naninirahan sa mga lugar na idineklarang calamity areas ng National Disaster and Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na kinabibilangan ng mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon, Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Sorsogon, Catanduanes, Masbate, Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, Iloilo, Negros Occidental, Basilan, Lanao del Sur, Tawi-Tawi, Sulu, Maguidanao del Norte at Maguindanao del Sur.


Kasama ang Cagayan, lalo na sa mga bayan ng Amulung, Enrile at Tuguegarao. Sa Marinduque, ito ay ang mga bayan ng Mogpog, Santa Cruz at Buenavista, at sa Cotabato ay ang mga bayan ng Pigcawayan, Libungan at Midsayap.


Dagdag pa rito ang Muntinlupa City, Calbayog sa Samar, Sirawai sa Zamboanga del Norte at Zamboanga City sa Zamboanga del Sur.


Sa ilalim ng Three-month advance pension, paunang ibinibigay ng SSS ang tatlong buwang pensyon ng isang pensyonado. Layunin ng SSS na makatulong sa dagliang pangangailangan ng mga ito, tulad ng pagbili ng kanilang mga gamot at pagkain. Lola Soledad, halimbawa ay kung maaprubahan ngayong Nobyembre ang aplikasyon ninyo, maaari mong makuha ang inyong pensyon para sa mga buwan ng Disyembre 2022 hanggang Pebrero 2023.


Samantala, hindi maaaring mag-apply ang mga pensyonado na may kasalukuyang pagkakautang sa ilalim ng Pension Loan Program.


Para mag-apply, kinakailangan lamang punan ang Application for Assistance Due to Calamity/Disaster Form na maaari n’yong i-download sa aming website (www.sss.gov.ph). Dapat sertipikahan ng Barangay Chairman ng inyong lugar ang form bilang patunay na kayo ay naninirahan sa apektadong lugar. Subalit, kung hindi ito nalagdaan ng inyong Barangay Chairman, maaari kayong magsumite ng sertipikasyon mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) o NDRRMC na kayo’y naninirahan sa isa sa ating mga nabanggit na apektadong lugar. Maaari n’yo namang isumite ang accomplished form sa pinakamalapit na sangay ng SSS.


Ipadadala ang tseke para sa nasabing benepisyo sa sangay ng SSS kung saan ka nag-file. Maaari itong i-claim sa nasabing SSS branch. Subalit kung makalipas ang 10-araw at hindi ito na-claim, ipadadala ng SSS ang tseke sa iyong mailing address sa pamamagitan ng koreo.


Hindi ito pautang kaya wala kayong babayaran dito. Subalit, kung i-advance na sa inyo, Lola Soledad ang inyong pensyon, halimbawa ay para sa mga buwan ng Disyembre 2022 hanggang Pebrero 2023, ang muling pagtanggap n’yo ng buwanang pensyon ay magsisimulang muli sa buwan ng Marso 2023.


***


Bukas pa rin ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Super Typhoon ‘Karding.’ Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa CAP hanggang Enero 6, 2023. Ito ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa lahat ng SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners.


Ang CAP ay magbibigay ng tulong-pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Nueva Ecija at sa mga bayan ng Dingalan sa Aurora, Macabebe sa Pampanga at San Miguel sa Bulacan.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 

@Buti na lang may SSS | November 20, 2022


Dear SSS,


Magandang araw! Nais ko sanang malaman kung mayroon bang calamity loan ang SSS para sa mga naapektuhan ng Bagyong ‘Paeng’ noong Oktubre. Paano ba mag-apply? - Antonio ng Culasi, Antique


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Antonio!


Tunay na maaasahan ng ating mga miyembro at pensyonado ang tulong ng SSS sa panahon ng mga kalamidad dulot ng malalakas na mga bagyo na naranasan sa ating bansa. Simula noong Huwebes, Nobyembre 17, 2022, binuksan ng SSS ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa lubhang naapektuhan ng Severe Tropical Storm ‘Paeng.’


Ang CAP ay magbibigay ng tulong-pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa mga apektadong lugar na idineklara ng National Disaster and Risk Reduction Management Council (NDRRMC) sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon, Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Sorsogon, Catanduanes, Masbate, Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, Iloilo, Negros Occidental, Basilan, Lanao del Sur, Tawi-Tawi, Sulu, Maguidanao del Norte at Maguindanao del Sur.


Kasama rin dito ang Cagayan, lalo na sa bayan ng Amulung, Enrile at Tuguegarao. Sa Marinduque, ito ay ang mga bayan ng Mogpog, Santa Cruz at Buenavista, at sa Cotabato ay ang bayan ng Pigcawayan, Libungan at Midsayap.


Dagdag pa rito ang Muntinlupa City, Calbayog sa Samar, Sirawai sa Zamboanga del Norte at Zamboanga City sa Zamboanga del Sur.


Ang CAP ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa miyembro at ang Three-month advance pension para sa lahat ng SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners.


Talakayin muna natin ang hinggil sa calamity loan. Kinakailangan lamang na matugunan ang sumusunod na kondisyon:

  • Mayroong My.SSS account;

  • Nakapaghulog ng hindi bababa sa 36-buwanang kontribusyon, kung saan ang anim na hulog ay naibayad sa huling 12-buwan bago ang buwan ng pagpa-file ng aplikasyon;

  • Mayroong anim na posted na monthly contributions sa ilalim ng kasalukuyang membership type bago ang buwan ng pagpa-file ng aplikasyon;

  • Naninirahan ka sa lugar o bayan na kabilang sa nabanggit sa itaas na lubhang naapektuhan ng Bagyong ‘Paeng’;

  • Hindi pa nabibigyan ng final benefit tulad ng permanent total disability o retirement benefit; at

  • Walang outstanding na utang sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) o sa mga naunang CLAP.


Ang filing ng aplikasyon sa CLAP ay sa pamamagitan ng online gamit ang My.SSS ng miyembro. Kung ikaw naman ay isang empleyado ng kumpanya, dapat isertipika ng iyong employer ang iyong CLAP application gamit din ang My.SSS.


Bukas ang naturang program sa loob ng tatlong buwan hanggang Pebrero 16, 2023.


Makahihiram ka ng katumbas ng average ng iyong monthly salary credit (MSC) sa huling 12-buwan. Ang monthly salary credit naman ay ang batayan ng kabuuang kinikita ng miyembro sa loob ng isang buwan.


Halimbawa, kung ikaw ay kumikita ng P19,250 bawat buwan at naghuhulog ng P2,565 kada buwan bilang iyong SSS contribution, ang iyong MSC ay 19,500. Kung ikaw ay nag-file sa calamity loan ngayong Nobyembre 17, 2022, iko-compute ang average na MSC mo mula Nobyembre 2021 hanggang Oktubre 2022. Ipagpalagay natin na ang iyong MSC mula Nobyembre 2021 hanggang Marso 2022 ay nasa 18,500 at ang iyong MSC mula Abril 2022 hanggang Oktubre 2022 ay nasa 19,500 naman. Ang magiging average MSC mo ay 19,083.33. Ito rin ang magiging halaga ng calamity loan na maaari mong hiramin sa SSS.


Ang nasabing pautang ay maaaring bayaran ng installment s sa loob ng 24-buwan. Ang amortisasyon ay magsisimula sa ikalawang buwan mula sa petsa na naaprubahan ang iyong calamity loan. Halimbawa, nanghiram ka noong Nobyembre 17, 2022, ibig sabihin nito, ang iyong pagbabayad ay magsisimula sa Enero 2023. Samantala, ito ay may interest na 10% kada taon hanggang sa ito ay mabayaran, na kinukwenta sa lumiliit na balanse ng loan sa loob ng 24-buwan. Ang 1% service fee ay hindi na ibabawas sa loan maliban sa interes na pro-rated mula sa petsa ng pag-apruba ng utang hanggang sa katapusan ng buwan bago ang unang amortisasyon.


Ang crediting ng nasabing calamity loan ay sa pamamagitan ng account ng miyembro sa Unified Multi-Purpose Identification (UMID) – Automated Teller Machine (ATM) Card o account nito sa alinmang bangko na kabilang sa Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network (PESONet) o kaya’y sa kanilang Union Bank of the Philippines (UBP) Quick Cards na nakarehistro sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) na matatagpuan sa My.SSS.


***


Bukas pa rin ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Super Typhoon ‘Karding.’ Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa CAP hanggang Enero 6, 2023. Ito ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa lahat ng SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners.


Ang CAP ay magbibigay ng tulong-pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Nueva Ecija at sa mga bayan ng Dingalan sa Aurora, Macabebe sa Pampanga at San Miguel sa Bulacan.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 

@Buti na lang may SSS | November 13, 2022


Dear SSS,


Magandang araw! Ang Corporate Social Responsibility Unit ng aming kumpanya ay nais makatulong sa mga miyembro ng SSS na hindi nakapaghulog ng kanilang buwanang kontribusyon. Kaya gusto naming malaman kung ano itong Contribution Subsidy Provider Program? - Lito ng multinational corporation

Sagot


Mabuting araw sa iyo, Lito!


Napapanahon ang iyong katanungan sapagkat kalulunsad lamang ng SSS noong Nobyembre 4, 2022 ang Contribution Subsidy Provider Program o CSPP na ipinagtibay sa bisa ng Office Order No. 2022-063 na nilagdaan noong Oktubre 28, 2022. Ito ay isa sa pinakabagong programa ng SSS, kung saan itinataguyod ang isa sa pinakamahalagang ugali ng Pilipino—ang bayanihan o pagtutulungan ng bawat isa.


Para sa iyong kaalaman, Lito, ang CSPP ay contribution subsidy scheme para sa pagpapalawig ng compulsory coverage ng Self-employed, land-based Overseas Filipino Workers (OFWs) at voluntary members na umalis sa kanilang pinagtatrabahuan o nawalan ng trabaho, lalung-lalo na ang kabilang sa informal sector. Sa ilalim nito, hinihikayat ng SSS ang indibidwal at grupo na i-subsidize nila ang buwanang kontribusyon ng mga SSS member, lalo na ang mga miyembro na nahihirapang ipagpatuloy ang kanilang paghuhulog.


Sa pamamagitan ng programang ito, magtutulungan ang SSS at contribution subsidy provider upang maipagpatuloy ng mga nabanggit na kategorya ng mga miyembro ng SSS na mabigyan sila ng nararapat na social security coverage at protection.


Samantala, ang contribution subsidy provider ay maaaring manggaling mula sa pribado o pampublikong sektor.

Babayaran ng contribution subsidy provider ang hindi bababa sa anim na buwang kontribusyon ng napili niyang SSS member. Kaya, kung ang inyong kumpanya, Lito ay nais magiging contribution subsidy provider, bibigyan kayo ng SSS ng Certification with Undertaking o Memorandum of Agreement (MOA) at ituturing na kayong isa sa mga coverage at collection partner ng SSS.


Online ang registration. Maaari ninyong bisitahin ang aming website, www.sss.gov.ph at i-click ang Coverage and Collection Partner portal. Punan ninyo ang kinakailangang impormasyon upang maging ganap kayong contribution subsidy provider.


Maaari ninyong bayaran ang kontribusyon ng inyong napiling miyembro o miyembro sa tellering facilities na matatagpuan sa mga sangay ng SSS o sa mga accredited collection partners nito.


Hinahangad ng SSS na sa tulong ng mga indibidwal o grupo na may mabuting kalooban ay maiabot natin ang SSS coverage sa mga manggagawa sa informal sector at mga land-based OFWs. Ang mga manggagawang ito ang may pinakamababang social security coverage sa ating workforce at isa sa pinaka-vulnerable na sektor ng ating lipunan.


Ang pagsubsidya sa kontribusyon ng SSS member ay itinuturing ng SSS na pinakamagandang regalo na maaaring mabibigay ng Pinoy sa kapwa niya Filipino ngayong Kapaskuhan.


***


Binuksan ng SSS noong Agosto 15, 2022 ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra noong Hulyo 27, 2022.


Ang CAP ay magbibigay ng tulong-pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Abra at Mountain Province. Sa Abra, sakop ng programa ang mga bayan ng Bangued, Boliney, Bucay, Bucloc, Daguioman, Danglas, Dolores, Lacub, Lagangilang, Lagayan, Langiden, La Paz, Licuan, Luba, Malibcong, Manabo, Penarrubia, Pidigan, Pilar, Sallapadan, San Isidro, San Juan, San Quintin, Tayum, Tineg, Tubo, at Villaviciosa. Samantala, sa Mountain Province naman, kasama ang mga bayan ng Bauko at Besao.


Ang CAP ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa mga SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa naturang programa hanggang Nobyembre 14, 2022.


Binuksan din ng SSS noong Oktubre 7, 2022 ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Super Typhoon ‘Karding.’


Ang CAP ay magbibigay ng tulong-pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Nueva Ecija at sa mga bayan ng Dingalan sa Aurora, Macabebe sa Pampanga, at San Miguel sa Bulacan.


Ang CAP ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa mga SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa naturang programa hanggang Enero 6, 2023.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page