top of page
Search

@Buti na lang may SSS | January 29, 2023


Dear SSS,


Magandang araw! Ako ay isang magsasaka rito sa General Tinio, Nueva Ecija. Nais kong itanong kung paano maipagpapatuloy ng katulad kong magsasaka ang paghuhulog sa SSS? Salamat. —Mang Kiko

SAGOT:

Mabuting araw sa iyo, Mang Kiko!


Kinikilala ng SSS ang mahalagang tungkulin na ginagampanan ng mga magsasaka at mangingisda sa ating ekonomiya. Noong Oktubre 1995, sinimulan ng SSS ang coverage ng mga magsasaka at mangingisda upang mabigyan din sila ng kaukulang social security protection upang sa panahon ng kanilang pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagreretiro, inboluntaryong pagkawala ng trabaho, pagpapalibing at pagkamatay ay may magagamit sila sa oras ng kanilang pangangailangan.


Noong nakaraang taon, inilunsad ng SSS ang programang Flexible Payment Schedule ng Social Security (SS) at Employees’ Compensation (EC) contributions sa lahat ng magsasaka, mangingisda at mga self-employed individual sa informal economy.


Sa ilalim ng nasabing programa, maaari na kayong magbayad, Mang Kiko, ng inyong SSS contributions sa nakalipas na 12 buwan mula sa kasalukuyang buwan. Halimbawa, kung kayo ay magbabayad ng SSS contributions ngayong Enero 2023, maaari n’yong bayaran ang mga kontribusyon para sa Enero 2022 hanggang Disyembre 2022.


Samantala, ang schedule na ito ay hindi pinapahintulutan sa ibang mga miyembro, lalo na sa mga regular na self-employed dahil walang retroactive payments.


Narito naman ang comparison ng regular na payment schedule para sa mga self-employed member at ang bagong flexible payment schedule para sa mga magsasaka, mangingisda at mga self-employed individual na kabilang sa informal economy:


A. Regular Payment Schedule para sa mga Self-Employed MemberPetsa ng PagbabayadMga Buwan na Maaaring Bayaran31 Enero 2023Oktubre 2022 to Disyembre 202230 Abril 2023Enero 2023 hanggang Marso 202331 Hulyo 2023Abril 2023 hanggang Hunyo 202331 Oktubre 2023Hulyo 2023 hanggang Setyembre 202331 Enero 2024Oktubre 2022 hanggang Disyembre 2022


B. New Payment Schedule para sa mga magsasaka, mangingisda at mga self-employed individual sa Informal Economy Petsa ng PagbabayadMga Buwan na Maaaring Bayaran22 Enero 2023Enero 2022 hanggang Disyembre 20228 Mayo 2023Mayo 2022 hanggang Abril 2023Agosto 2023Agosto 2022 hanggang Hulyo 2023


Nakita ng SSS ang regular na payment schedule para sa mga self-employed member ay hindi naayon sa schedule ng kita ng ating mga magsasaka at mangingisda. Hindi kasi ito tulad ng karaniwang manggagawa na tumatanggap ng kita kada buwan dahil sila ay nagkakaroon lamang ng kita sa panahon ng anihan ng kanilang produkto na may mga kaukulang buwan lamang sa loob ng isang taon.


Sa isinagawang pag-aaral ng SSS, lumalabas na para sa ating mga magsasaka, may kaukulang harvest season sila na sinusunod at ito ay:


Para sa palay

Pangunahing ani: Setyembre hanggang Disyembre

Ikalawang ani: Enero hanggang Abril

Kabuuang bilang ng buwan: walong (8) buwan/ 12 buwan


Para sa mais

Pangunahing ani: Hulyo hanggang Setyembre

Ikalawang ani: Pebrero hanggang Mayo

Kabuuang bilang ng buwan: walong (8) buwan/ 12 buwan


Kaya minarapat ng SSS na ibatay sa kanilang harvesting season ang schedule ng pagbabayad ng kanilang kontribusyon at maipagpatuloy nila ang kanilang pagiging miyembro.


Ang kontribusyon naman na kanilang ihuhulog ay batay sa idedeklara nilang buwanang kita. Sa kasalukuyan, maaari silang maghulog ng P570 hanggang P4,230 na kontribusyon kada buwan kung saan kasama na rito ang P30 na kontribusyon sa ilalim ng Employees’ Compensation Program (ECP). Maaari silang magbayad ng kanilang kontribusyon gamit ang SSS Mobile App, Bayad o GCash app o ShopeePay. Gayundin, maaari nila itong bayaran sa pamamagitan ng internet banking facility ng Security Bank at Union Bank of the Philippines, SSS tellering facility, mga accredited payment centers, at SSS-accredited partner agents.


Malaki ang pakinabang ng isang magsasaka o mangingisda sa patuloy na naghuhulog sa SSS hanggang siya ay magretiro. Sa panahon ng inyong pagreretiro, Mang Kiko, aanihin n’yo ang naimpok sa SSS bilang inyong benepisyo o pensyon kung nakabuo kayo ng kaukulang bilang ng kontribusyon para magkaroon ng pensyon sa SSS. Kayo rin ang makikinabang sa kontribusyong inihuhulog n’yo ngayon sa SSS at sa darating pang mga taon.


***


Nais naming ipaalam sa aming mga pensyonado na maaari silang mag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagrereport ng mga pensyonado sa SSS hanggang Marso 31, 2023 para sa calendar year 2021.


Samantala, ang mga pensyonado na dapat tumugon sa ACOP ay mga retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioner, survivor pensioner (death), at dependent (minor/incapacitated) pensioner sa ilalim ng guardianship. Kung kasalukuyang naninirahan sa Pilipinas ang isang retirement pensioner, sila ay exempted na para sa ACOP compliance.


***


Mahalagang Paalala: Hanggang Pebrero 16, 2023 na lamang tatanggap ng aplikasyon para sa Calamity Assistance Package (CAP) na inilunsad ng SSS para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Severe Tropical Storm ‘Paeng’ noong Oktubre 2022. Ito ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa lahat ng SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners.


Ang CAP ay magbibigay ng tulong-pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon, Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Sorsogon, Catanduanes, Masbate, Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, Iloilo, Negros Occidental, Basilan, Lanao del Sur, Tawi-Tawi, Sulu, Maguidanao del Norte at Maguindanao del Sur.


Kasama rin dito ang Cagayan, lalo na sa bayan ng Amulung, Enrile at Tuguegarao. Sa Marinduque, ito ay ang mga bayan ng Mogpog, Santa Cruz at Buenavista, at sa Cotabato, ay ang bayan ng Pigcawayan, Libungan at Midsayap.


Dagdag pa rito, ang Muntinlupa City, Calbayog sa Samar, Sirawai sa Zamboanga del Norte, at Zamboanga City sa Zamboanga del Sur.


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page