- Eddie M. Paez, Jr.
- Jun 6, 2020

Pinangungunahan ni Dottie Ardina ang mga professional parbusters ng Pilipinas na nasa magandang puwesto para patuloy na mapakinang ang kani-kanyang mga kampanya ngayong 2020 sa panahong unti-unti nang lumuluwag ang mga panuntunan laban sa COVID-19.
Si Ardina, na muling sumisigla ang professional career, ay kasalukuyang nasa pangwalong puwesto sa Australian Ladies Professional Golf (ALPG) Order of Merit OOM dahil sa napagwagiang $33,005. Malaking tulong sa kanya ang pagiging reyna ng Ballarat Icons Pro-Am Tournament at ang pagiging segunda sa Aoyuan International Moss Vale Pro-Am.
Sa Asian Golf Tour OOM naman, si Miguel Tabuena ay nasa top 20 dahil sa naibulsa niyang $34,316. Naging tulay niya rito ang isang 8th place finish sa prestihiyosong SMBC Singapore Open. Nakabuntot naman sa kanya ang kababayang si Angelo Que na nakaupo sa pang-25 posisyon ($28,864).
Nasa eksena rin sina Ardina at Tabuena sa karera para makakuha ng isa sa tig-60 upuan sa men's at women's golf events ng Tokyo Olympics na gaganapin na sa 2021.
Si Ardina, dating premyadong jungolfer ng bansa, ay nasa pang 51 na baytang sa kababaihan habang si Tabuena ay nakakapit sa panghuling upuan (60th) sa kalalakihan. Isa pang pambato ng bansa ay nasa pang-50 puwesto sa harap ni Ardina. Siya ay si double Asian Games gold medalist Yuka Saso.






