top of page
Search

Masaya si Rio Olympics 2016 silver medalist Hidilyn Diaz sa nagawang pagtulong sa kanyang mga kababayan na naapektuhan ng COVID-19.

Sinimulan ni Pinay weightlifting star Diaz ang online weightlifting seminar at fund drive noong Abril.

Naging matagumpay ang serbisyong pagtulong ni Diaz sa quarantine period.

"The Covid-19 relief food drive project was successful due to the efforts of the planning put together with Roanne Beltran with the help of Coach Julius Naranjo," saad ni Diaz sa kanyang Facebook post. "I want to thank everyone for donating, and taking part in this project, and those who participated in the weightlifting seminar,"

Nakapamigay si Southeast Asian Games 2019 gold medalist Diaz ng 516 food packages sa 516 pamilya sa lugar ng Zamboanga, Cavite, Bulacan at Metro Manila.

"Our Goal was not only to give them food to eat for a week, but we wanted to give them hope that we will survive this pandemic together," ani Diaz.

 
 

Nagnegatibo ang mga manlalaro, coaches, opisyal, at staff ng NLEX Road Warriors sa COVID-19 tests. Ito ay ayon sa team manager ng Road Warriors na si Roland Dulatre sa kanyang Twitter account.

Kamakailan ay sumailalim sa COVID-19 test ang mga kasapi ng Road Warriors sa utos na rin ng team owner na si Manny V. Pangilinan.

Ang COVID-19 test ay isa sa mga rekisito ng PBA upang makabalik sa ensayo na siyang inaasam na ng liga pagkaraang gumawa ng sulat sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF).

Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, istrikto ang health protocols na balak ipatupad ng liga kung papayagan ng IATF na mag-ensayo na ang mga koponan sa liga. Ayon sa isa sa mga protocols, anim lamang ang makakapag-ensayo sa bawat koponan, apat dito ay manlalaro, isang trainer, at isang health officer.

Samantala, kamakailan din ay nagbigay ng donasyon ang NLEX Road Warriors ng face masks at face shields kay Defense secretary Delfin Lorenzana para sa We Heal As One na pasilidad sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.

Kabilang sumama sa turnover ay sina NLEX coach Yeng Guiao, Asi Taulava, Cyrus Baguio, Jr., Quinahan, Kyles Lao at Kevin Alas.

 
 

Patuloy ang pagbuhos ng tulong para sa mga lahat na apektado ng ipinagpaliban na 20th Cebu Schools Athletic Foundation Inc. (CeSAFI) ngayong taon. Isama na ang Bounty Agro sa listahan matapos mag-alay sila ng 5,000 piraso ng hilaw na manok sa mga opisyal at manggagawa ng liga at mga kasapi nitong mga paaralan.

Ang mga paaralang kasapi ng CeSAFI ay ang Southwestern University-Phinma na defending champion sa Seniors Basketball at Men’s Volleyball, University of the Visayas, University of San Jose-Recoletos, University of Cebu, University of Cebu-Lapulapu at Mandaue Campus, University of San Carlos, University of Southern Philippines Foundation, Cebu Institute of Technology University. Kasama rin ang mga Juniors ng Sacred Heart School-Ateneo de Cebu, Cebu Eastern College at Don Bosco Technical College.

“Humanga kami kung paano inalagaan ng CeSAFI ang mga tauhan nila kaya naisip namin na tulungan at dagdagan ito,” wika ni Ronald Mascarinas ng BAVI at tubong Butuan City.

Agad nagpasalamat si CeSAFI Commissioner Felix Tiukinhoy. Malaking bagay ito dahil maaring dumaan sa isang taon na walang kikitain ang mga opisyal, coach, reperi at staff dahil wala munang laro.

Ang CeSAFI ang unang malaking liga ng mga paaralan sa bansa na nagpasya na huwag muna maglaro ngayong 2020-2021 sa gitna ng krisis ng COVID-19. Ilang araw matapos ibaba ang desisyon noong Mayo ay nagpalabas ang pamunuan ng liga at Commissioner ng tig-10 kilong bigas, spaghetti at de lata para sa 495 na tauhan nito.

Naglabas din ng kasabay na pahayag ang liga na tuloy pa rin ang mga scholarships ng mga atleta at panahon na para tutukan muna nila ang pag-aaral. Umaasa na babalik ang aksyon sa CeSAFI sa 2021-2022.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page