top of page
Search

Matapos iposte ang straight sets win sa kanilang unang laro kontra University of the Philippines, pupuntiryahin ng defending women champions Ateneo de Manila ang kanilang ikalawang sunod na panalo sa pagtutuos nila ng archrival De La Salle University ngayong hapon sa pagpapatuloy ng UAAP Season ‘82 Volleyball Tournament sa MOA Arena sa Pasay City.

Buhat sa kabiguang umabot ng Final 4 sa unang pagkakataon sa loob ng nakalipas na 10 taon noong nakaraang season, isang bagong Lady Spikers squad ang nakatakdang sumalang ngayon. Lagpas sa kalahati ng komposisyon ng Lady Spikers ngayong taon ay pulos rookies at iilan lang sa kanila ang beterano gaya nina setter Michelle Cobb, Aduke Ogunsanya at Tin Tiamzon.

Sa kabila nito, naniniwala si Ateneo coach Oliver Almadro na hindi dahilan ito upang hindi nila seryosohin ang paghahanda kontra sa DLSU.

“Alam n’yo, I don’t know why people are saying na maraming bago sa La

Salle,” pahayag ni Almadro. “Maraming bago but they’re blue chip recruits, eh. Ibig sabihin, kahit mga bago, if they are expected to deliver, expected yun,” dagdag nito.

Hindi umano dahilan ang malaking pagbabago sa roster ng Lady Spikers upang i-underestimate ang koponan. “You will not count them out. They’re recruits. They (La Salle) will not recruit them kung ‘di sila magaling. So, you have to prepare and expect that those players will really deliver,” ayon pa kay Almadro.

Nakatakdang magtuos ang dalawang koponan sa tampok na laro ng 4 p.m. pagkatapos ng tapatan ng kani-kanilang men’s squads ganap na 2 p.m., kasunod ng unang tapatan sa pagitan ng men’s at women’s team ng UP at UE na uumpisahan ng 9:00 a.m. at 11:00 a.m. ayon sa pagkakasunod. Sisikapin ng Blue Eagles na makabawi sa natamong straight sets na pagkabigo sa kamay ng UP Fighting Maroons sa pagsagupa nila sa ngayon pa lamang sasalang na Green Spikers.

Ikalawang dikit na panalo ang aasintahin ng Fighting Maroons sa salpukan nila ng Red Warriors na hangad makabawi sa nalasap na pagkatalo sa kamay ng FEU Tamaraws noong opening day. Mga laro ngayon: MOA Arena: 9 am UP vs. UE (m); 11 am UP vs. UE (w); 2 pm La Salle vs. Ateneo (m); 4 pm La Salle vs. Ateneo (w).

 
 

Photo: Espn5

Ipinakita ni Stefanos Tsitsipas ng Gresya kung bakit siya ang numero anim na manlalaro ng Tennis sa buong mundo sa pamamagitan ng kanyang 6-2 at 6-1 na pagwalis kay AJ Lim ng Pilipinas sa pagsisimula ng 2020 Davis Cup World Group II Playoffs sa Philippine Columbian Association (PCA) Tennis Courts Biyernes ng umaga. Sa sumunod na singles, nagwagi ang nakababatang kapatid ni Tsitsipas na si Petros Tsitsipas kay Jeson Patrombon sa parehong iskor na 6-2 at 6-1.

Sa unang set pa lang ay umarangkada kaagad ang pambato ng mga Griyego, 4-0. Nagwagi si Lim sa ika-limang puntos subalit diniretso agad ni Tsitsipas para makuha ang set. Nawala ang paunang kaba ni Lim at nakuha niya ang unang puntos ng pangalawang set. Subalit hindi na natinag si Tsitsipas at tinapos agad ang pangalawang set sa anim na sunud-sunod na puntos. “I did my best. I gave everything I got and I feel proud representing the country,” wika ni Lim pagkatapos ng laban. “I will be ready if our captain Chris Cuarto will field me for the reverse singles.”

Sa laban nina Petros at Patrombon, wagi ang Griyego sa napakahabang ikatlong puntos sa pangalawang set upang lumamang, 2-1. Hindi na nakabawi si Patrombon at idiniretso na ng 19-anyos na si Petros ang set para sa pangkalahatang 2-0 na lamang sa tie.

Dahil bigo sa dalawang singles, kailangang manalo ang Pilipinas sa doubles sa araw na ito at sa reverse singles. Nakatakda para sa doubles sina Ruben Gonzalez at Francis Casey Alcantara kontra kay Petros at Markos Kalovelonis simula ng 10:00 a.m.

Ayon sa mga patakaran ng Davis Cup, maaaring magpalit ng manlalaro ang mga kapitan isang oras bago ang takdang simula. Kahilt malalim ang butas, tiwala pa rin ang mga Pinoy netters na kakayanin nila ito lalo na at naglalaro sila sa harap ng mga kababayan.

 
 

Isang panalo na lang ang kinakailangan ni 2019 World silver medalists Eumir Felix Marcial upang makapasok sa Tokyo Olympics matapos gulpihin ang Australian boxer na si Kirra Ruston sa preliminary rounds ng Asia-Oceania Boxing Qualification Tournament sa Prince Hamzah Sports Hall sa Amman, Jordan.

Ginamit ng top seeded na si Marcial ang kanyang mahusay na kumbinasyon na right uppercut at right hook gayundin ang mga patama sa katawan upang dominahin ang Aussie boxer sa 5-0 unanimous decision sa men’s under-75kgs middleweight division.

Maingat na iniwasan ng 2019 Southeast Asian Games gold medal winner ang mga delikadong jabs at orthodox style ni Ruston upang maiselyo ang laban kay Byamba-Erdiene Otgonbaatar ng Mongolia sa quarterfinals sa Linggo ng hapon, Marso 8, na tinalo naman sa pamamagitan ng 5-0 victory si Ahmad Ghousoon ng Syria sa sarili niyang preliminary bout.

Sakaling talunin ni Marcial, 24-anyos ang Mongolian boxer at makatuntong ng semifinals ay tiyak na makapapasok na ito sa 2020 Summer Games na nakatakdang magbukas simula Hulyo 24-Agosto 9 sa Tokyo, Japan. Binibigyan ng limang silya ang middleweight division, kung saan ang apat na semifinalist at isang top player sa quarterfinals ang makapapasok sa Olympiad.

Hindi naman nagawang makausad ni 30th edisyon light-welterweight champion James Palicte sa sumunod na round matapos malasap ang 0-5 unanimous decision pagkatalo kay Elnur Abduraimov ng Uzbekistan sa men’s under 63kgs lightweight category.

Samantala, susubok sina Philippine meet gold medal winner Carlo Paalam, silver winner Irish Magno, at bronze medalist Ian Clark Bautista na maipagpatuloy pa ang kani-kanilang mga misyon na makapasok sa Tokyo Olympics sa pagharap nila sa kanya-kanyang laban at dibisyon ngayong araw, Sabado.

Susuntok naman sa men’s under-52kgs flyweight class si Paalam kontra kay Ramish Rahmani ng Afghanistan sa preliminary rounds. Bitbit ang motibasyon sa unang panalong nakuha sa round-of-32 laban kay dating World Youth champion Hayato Tsutsumi sa iskor na 3-2, gagantihan ni Bautista si Chatchai-Decha Butdee ng Thailand sa round-of-16 match nito.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page