top of page
Search

Susubukang hilingin ng coaches ng Women’s Baseball World Cup-bound na makausap ang pamunuan ng Philippine Amateur Baseball Association (PABA) upang humingi ng approval sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID) na makapag-ensayo bilang paghahanda sa torneo na nakatakda simula Nobyembre 12-21 sa Tijuana, Mexico.

Dahil sa mga paghihigpit ng bansa at pagpapatigil ng Philippine Sports Commission (PSC) sa mga pagsasanay ng aktuwal at pisikal sa lahat ng national sports association (NSAs) bunsod ng pandemic; marami ang nahihirapang maipagpatuloy ang mga ensayo at paghahanda, partikular na ang ‘Team Sports.’

“We will suggest PABA to ask or make a proposal letter to the IATF para makapag-ensayo kami kahit papaano. Of course, the move should come from PABA first before anything else,” pahayag ni pitcher/assistant coach ng national women’s baseball team na si Jeffrey Santiago sa panayam ng BULGAR sa telepono. “Magkakaroon kami ng meeting ng coaches through Zoom with our PABA officials and we’re hoping na mapapayag sila (PSC at IATF) dahil minsan lang itong pangyayari ito para sa ating bansa,” dagdag ni Santiago na paniguradong mabigat ang laban sa mga bansang Japan, Chinese-Taipei mula sa Asya; Canada, Mexico, USA at Venezuela sa Americas; France mula sa Europa; Australia sa Oceania at Cuba, Dominican Republic at the Netherlands bilang mga wildcards. Ang Mexico, France at Pilipinas ay sasabak sa unang pagkakataon.

Nauna nang nagpahiwatig ang mga sports na basketball, volleyball, football, athletics, gymnastics, karate at rugby na nais na nilang ipagpatuloy ang mga training sessions.

Irerekomenda rin ni PSC chairman William “Butch” Ramirez sa IATF at sa Department of Health (DOH) ang mga dokumentong ipapasa ng pitong sports, ngunit hindi nangangakong mapapayagan dahil maraming proseso at hinihinging protocols at pag-iingat ang task force.

“Mahihirapan tayong mag-prepare dahil parang maghuhulaan lang tayo kung anong mga gagawin at plano. Sana naman matuloy ang laro natin kase opportunity ito sa Pilipinas, mahirap makapasok sa World Cup,” saad ni Santiago na siya ring head coach ng UST Golden Sox sa UAAP. “Sa ngayon puro lang tayo online training sa kani-kanilang mga lugar. Hindi naman pupuwedeng puro ganun lang ang ensayo natin tapos sasabak tayo sa World stage,” dagdag ng pitcher ng national team noong 1982-86 na naglaro sa Southeast Asian Games at Asian Games.

“Sana lang ay may makita kaming mga private sectors o sponsors na tutulong sa amin para maipakita natin sa buong mundo iyong galing ng mga Filipino,” wika ni Santiago.

Ang mga manlalaro ay binubuo nina Clariz Palma, Whell Camral, Elaine at Wenchie Bacarisas, Diana Balderama, Christine Bautista, Camral, Ivy Capistrano, Mhamie de la Cruz, Nicole Estante, Lealyn Guevara, Jojielyn Lim, Erika Olfato, Palma, Mery Ann Ramos, Edna Severino, Alaiza Talisik, Esmeralda Tayag, Jennifer Singh, Sheirylou Valenzuela, Veronica Velasco at Charlotte Sales, na mamanduhan nina head coach Egay de los Reyes, Tata Empasis at Santiago.

 
 

Naambunan ng suwerte ang mga ordinaryong apisyonado ng ahedres mula sa Pilipinas nang mapili ang kanilang mga pangalan sa pa-raffle ng programa ng FIDE na puntiryang daigin ang coronavirus at tinatawag na "Checkmate Coronavirus".

Dalawang chessers ng bansa ang napagkalooban ng dalawang upuan sa sampung "mini-matches with Top GMs" na bahagi ng paripa sa proyektong nagsasagawa ng 80 online tournaments kada araw na nagsimula noong Mayo 18 hanggang Hunyo 16.

Sa programa, ang mga online tournaments ay puwedeng salihan ng kahit na sino (bata o matanda, masters o non-masters) mula sa kahit saang bahagi ng mundo. Bitbit ang paniniwalang nakahanay sa Olympic motto na "not to win but to take part", itinataguyod ng kaganapan ang pananatili sa loob ng mga tahanan ng lahat ng tao sa panahon ng pandemic habang pinapasigla ang international online chess.

"Ramon palatan" at "Simounn" ang ginamit na online chess names ng dalawang chessers mula sa Pilipinas na nagwagi. KInakailangan pa nilang makipag-ugnayan sa FIDE, ihayag ang kanilang tunay na mga pangalan para sa pagkuha ng kanilang mga gantimpala. Bukod sa kanila, may mga manlalaro rin ng Nepal, Cyprus, Brazil, Singapore, Serbia, Australia, Kenya at Greece ang haharap sa "top GMs".

Isang dosenang kalahok din mula sa raffle ang naimbitahang manood ng prestihiyosong Chess Olympiad 2021 na nakatakdang ganapin sa Russia. Sila ay galing sa South Africa, Netherlands, India, Canada, Brazil, Bolivia, Algeria, Azerbaijan, Serbia, Great Britain at Spain.

 
 

May pag-iingat at batay sa panuntunan na ipinatutupad ng pamahalaan para sa paglaban sa COVID-19, unti-unti na ring bumabangon ang professional sports at dahan-dahan na ring binubuksan ng Games and Amusement Board (GAB) ang pintuan para matugunan ang pangangailangan ng mga atletang Pinoy.

Bilang panimula, pinangunahan ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra, kasama sina Commissioners Eduard Trinidad at Mat Masanguid, ang konsultasyon at pakikipagpulong sa mga Division heads ng piling empleyado.

“Kailangan ang mahigpit na pag-iingat. While the government already imposed General Community Quarantine (GCQ) in Metro Manila, focus pa rin tayo sa safety and security ng ating mga kababayan, including our workforce, athletes, and stakeholders,” pahayag ni Mitra.

“We have to strictly managed a number of health protocols, including those affecting workplace and professional athletes' license application procedures, to fight the spread of the Coronavirus disease,” sambit ni Mitra.

Tulad ng iba pang sector na nagsimula na ring magbalik sa gawain, handa na rin ang GAB para paglingkuran ang mga atleta sa kanilang pagbabalik sa normal na pamumuhay.

“So far, may may request na kaming natatanggap para sa pagbabalik ng pro football, gayundin sa basketball at combat sports tulad ng boxing, muay thai at mixed martial arts. Sa ngayon, patuloy ang aming monitoring at pakikipag-ugnayan sa Inter-Agency Task Force, para maisakatuparan ang pagbabalik ng sports sa tamang pagkakataon,” aniya.

Humingi rin si Mitra ng pang-unawa sa lahat, higit sa mga boxers na nabinbin ang mga laban bunsod ng COVID-19 na manatiling mahinahon at ipagpatuloy ang pagsasanay para masigurong handa ang kanilang mga pangangatawan at kaisipan.

Sa kasagsagan ng Enhanced Community Quarantine (ECQ), nakipag-ugnayan ang GAB sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para maisama sa mabibigyan ng social amelioration ang mga boxers, trainers, at coach.

“Nabigyan po natin ng ayuda ang ating mga kasama, sa pamamagitan ng DSWD cash assistance para po sa mga licensed boxers, mma, muay thai fighters, trainers, matchmakers, at iba pang qualified beneficiaries na nasa labas ng NCR,” pahayag ni Mitra.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page