top of page
Search

Patuloy ang aksiyon sa 2020 AFC Cup ngayong gabi sa tapatan ng Ceres Negros ng Pilipinas at kanilang bisitang Bali United ng Indonesia simula 7:00 p.m. sa Rizal Memorial Stadium.

Sisikapin ng Busmen na manatiling numero uno sa Grupo G bago nila simulan ang kanilang paglakbay para sa nalalabing tatlong laban.

Kagagaling lang ng Ceres sa 2-2 na tabla kontra sa Than Quang Ninh ng Vietnam noong Pebrero 25. Sa kabilang panig, natalo ang Bali sa PKR Svay Rieng ng Cambodia, 1-2.

May sapat na panahon ang Busmen na maghanda at bumawi mula sa laro na masasabing dapat ay naipanalo nila. Mamumuno muli sa atake ng Ceres si kapitan Stephan “Mr. Football” Schrock, Bienvenido Maranon, OJ Porteria, Manny Ott at Robert Lopez Mendy.

Ang Bali ang kampeon ng 2019 Liga 1 at ito ang pangalawang beses nilang lumahok sa AFC Cup sa huling tatlong taon. Ilan sa mga dapat tutukan na manlalaro nila ay ang midfielder na si Stefano Lilipaly at mga forward na sina Muhammad Rahmat, Melvin Platje at Ilija Spasojevic.

Pagkatapos ng laro, darayo ang Ceres sa Bali para sa kanilang rebanse sa Abril 14. Susundan ito ng mga pagbisita sa Svay Rieng sa Abril 29 at TQN sa Mayo 13.

Samantala, naglalaro kagabi habang isinusulat ito, ang Kaya Iloilo at PSM Makassar sa Gelora Bung Karno Madya Stadium sa Jakarta, Indonesia sa aksiyon sa Grupo H. Inutos ng pamahalaang Indonesia na ganapin ang laro na walang manonood dahil sa banta ng coronavirus. Mga laro ngayong Miyerkules – Rizal Memorial Stadium: 7:00 Ceres Negros vs. Bali United.

 
 

Sumalo sa National University sa maagang liderato ng women’s division ang tatangkain ng De La Salle University sa pagsagupa nila sa University of the Philippines sa natatanging tapatan ngayong hapon sa UAAP Season ‘82 Volleyball Tournament sa MOA Arena sa Pasay.

Nagawang igupo ng rookie-laden team ng Lady Spikers ang defending champion Ateneo sa una nilang laro noong Sabado. Pinamunuan ng graduating open spiker na si Tin Tiamzon kasama si sophomore Jolina de la Cruz, sinilat ng Lady Spikers ang Lady Eagles, 25-17, 17-25, 25-17, 25-15.

Impresibo sa kanilang debut game para sa Lady Spikers ang mga rookies na sina Thea Gagate, Leila Cruz at Baby Jane Sorreno na inaasahang muling magpapakitang-gilas ngayong hapon para makamit nila ang ikalawang dikit na panalo.

Ang tiwalang ibinigay sa kanya ng players ang nagbigay daan sa kanilang tagumpay ayon kay coach Ramil de Jesus ng La Salle. “Mga bata halos ang mga players namin kaya minsan nawawala pero nakakabalik din. Hindi madali para sa amin, pero sabi ko nga tiwala lang,” wika ni De Jesus.

Gagamitin ng Lady Fighting Maroons ang momentum mula sa naitalang panalo kontra University of the East para sa hangad din nilang back-to-back wins matapos mabigo sa una nilang laro sa kamay ng Ateneo Lady Eagles.

Sasandigan ng tropa ni coach Godfrey Okumu para manguna sa UP sina Tots Carlos at Isa Molde na siyang gumiya sa nakaraan nilang panalo laban sa UE. Sa unang salpukan, magtatangkang makabawi sa nakaraan nilang kabiguan sa kamay ng UE Red Warriors ang UP Fighting Maroons sa tapatan nila ng Green Spikers na nais ding makabangon sa natamong pagkatalo sa kamay ng Ateneo sa una nilang laban. Mga laro ngayon: MOA Arena 2 pm UP vs. La Salle (m) 4 p.m. UP vs. La Salle (w).

 
 

Pormal nang inanunsyo ng Department of Education (DepEd) ang pagsususpinde ng taunang Palarong Pambansa na idaraos sana sa Mayo 1-9, gayundin ang lahat ng national at regional events.

“In light of recent developments in COVID-19, DepEd is suspending all scheduled national and regional events involving students from different localities, such as the Palaro Regional Meets, until further notice (Regional athletic meets only; the conduct of the Palarong Pambansa in May will be upon the advice of the Palaro board),” ayon sa naturang statement. Nauna nang nag-anunsyo ng pag-atras ang pamunuan ng Marikina City government na paggaganapan ng multi-sports event na nakatakda sa buwan ng Mayo. Ipinagbigay-alam ng pamunuan ng lungsod na si Marcelino Teodoro na ikakansela na muna nila ang multi-sports event kasunod ng mga ulat na nagkaroon na umano ng isang kaso ng COVID-19 sa bansa na ika-9 na infected.

Samantala, hindi sang-ayon si NBA star LeBron James na maglalaro sila ng walang fans na nanonood dahil sa banta ng coronavirus o COVID-19. Sinabi ng LA star mas gugustuhin na niyang hindi maglaro kung walang manonood sa kanilang game. Aniya, walang kuwenta kung walang fans dahil naglalaro siya para sa kanila.

Samantala, lahat ng mga aktibidad o laro ng NCAA ay suspendido na rin. Nagsimula ang indefinite postponement sa Juniors games noong Peb. 6 at 14. Magbabalik ang laro sa Marso 16 pero pinagpasyahan na lamang na suspendihin dahil sa deklarasyon ng Department of Health na Code Red, Sub-Level 1 ang coronavirus outbreak sa bansa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page