- ATD/Rafaella Garcia
- Mar 12, 2020

Unahin ang kapakanan at kaligtasan ng nakararami ang pangunahing layunin ng pamunuan ng Philippine Basketball Association (PBA), kung kaya naman minarapat na lamang nila na kanselahin muna ang mga laro, sanhi ng kumakalat na coronavirus sa bansa.
Mismong si PBA Commissioner Willie Marcial at ang buong PBA Board ang nagdesisyon na kanselahin muna ang laro, sa pamamagitan ng isang emergency meeting na kanilang isinagawa noong Martes ng gabi.
Dahil dito, ang mga dapat sanang laro sa pagitan ng NorthPort at NLEX gayundin ang TnT KaTropa at Phoenix NA na nakatakda kagabi sa Smart Araneta Coliseum ay hindi muna itinuloy upang maiwasan ang panganib sanhi ng kasalukuyang sitwasyon sa bansa.
Ngunit, hindi lamang ang mga laro sa PBA ang kanilang kinakansela sa puntong ito kundi pati na rin ang mga laro sa PBA D-League, at sa PBA 3x3 tournament. Hindi na rin itinuloy ng nasabing premyadong liga ang out-of-town game ng PBA sa pagitan ng Barangay Ginebra at Blackwater na nakatakda sanang gawin ngayong Sabado sa Balanga, Bataan.
Gayunman, ay maya’t mayang aantabayanan ng pamunuan ng PBA ang sitwasyon upang malaman kung ano ang ligtas at hindi ligtas sa puntong ito sanhi ng naturang virus. Samantala, sumang-ayon din ang Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS), sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ikansela ang 59th “Usapang Sports” ngayon sa National Press Club sa Intramuros, Manila.
Napagkasunduan ng TOPS at ni PBA Commissioner Willie Marcial na iliban ang nakatakdang usapin. Siniguro ni Marcial sa TOPS members at sa sports fans, na siya’y bibisita sa weekly public service program kapag natapos na ang laban ng bansa kontra COVID-19.






