top of page
Search

Sasargo na ang malupit na panghimagas ng World 10-Ball Championship na tinaguriang 2020 Diamond Las Vegas Open sa Rio Hotel Casino ng Las Vegas, Nevada ngayong Huwebes, Marso 12 (oras sa Pilipinas).

Maraming mga bigating aspirante mula sa iba’t-ibang parte ng daigdig, kabilang na ang Pilipinas ay lumapag na sa lugar para makapag-unat-unat sa Diamond Open bilang paghahanda sa World Pool Billiards Association 10-Ball tournament na gaganapin sa susunod na linggo.

Nangunguna sa mga aatakeng Pinoy ay si Dennis “Robocop” Orcullo.

Hindi pa tapos ang unang tatlong buwan ng taon pero apat na korona at tatlong iba pang podium performances na ang nairehistro ng 41-taong-gulang na manunumbok mula sa Bislig, Surigao.

Sa malupit na Derby City Classic (DCC), naghari siya sa 9-Ball Banks at sa karera para sa Master of the Table habang walang nakatapat sa tikas niya sa Music City Challenge (MCC) Midnight Madness at sa Texas 10-Ball Open. Nahablot din niya ang runner-up honors sa MCC 9-Ball Open Division maliban pa sa pagkuha ng pangatlong puwesto sa DCC 9-Ball Division at sa Andy Mercer Memorial.

Maliban kay Orcullo, 10-Ball SEA Games gold medalist at frontrunner sa AZBilliards moneyboard, hahataw din ang iba pang kinatawan ng lahing-kayumanggi tulad nina dating World Games at World 9-Ball king Carlo “Black Tiger” Biado, Billiards Congress of America (BCA) Hall of Famer Francisco “Django” Bustamante, ang simbolo ng bagong henerasyon ng Philippine billiards Zorren James “Dodong Diamond” Aranas, isa pang BCA Hall of Famer Alexander “The Lion” Pagulayan, dating world 9-ball championships 2nd placer Roland Garcia, Edgie Geronimo at Jeffrey De Luna.

Nakaharang naman sa kanilang ambisyon sina WPA no. 2 Joshua Filler (Germany), Chang Jung-Lin (Taiwan), Fu Che-Wei (Taiwan), Aloysius Yapp (Singapore), defending titlist Niels “The Terminator” Feijen (Netherlands), Hohmann Thorsten (Germany), Ralf Souquet (Germany), Mika “The Iceman” Immonen (Finland), Alexander Kazakis (Greece), Konrad Juszczyszyn (Poland), Chirs Melling (Great Britain), Oi Naoyuki (Japan), Albin Ouschan (Austria), Jayson Shaw (Scotland), David Alcaide (Spain) at Ruslan Chinahov (Russia).

Nariyan din ang mga pambato ng punong-abala Corey Deuel, Earl “The Pearl” Strickland, Billy Thorpe, Skyler Woodward at WPA no. 3 Shane Van Boening.

 
 

Dahil na rin sa naging deklarasyon ng State of Public Health Emergency ng gobyerno sanhi ng nakaaalarmang banta ng novel coronavirus, nag-anunsiyo na ang National Collegiate Athletic Association (NCAA) Management Committee (ManCom) ng “indefinite suspension” na maaaring mauwi sa “outright termination” ng lahat ng natitira pa nilang mga sports events para sa Season 95.

“Due to the declaration of the Department of Health of Red Alert Sub-Level 1 and the guidance issued by the Department of Education that concerns gatherings or out-of-school activities, all NCAA activities are hereby suspended until further notice,” ayon sa inilabas na ManCom statement noong Lunes.

“The Policy Board is set to meet soon to discuss the possibility of postponing the games or canceling (altogether) all games. The action of the NCAA is for the safety and welfare of the students, the athletes, the fans, and the officials.”

May mga nalalabi pang mga juniors at seniors divisions tournaments ang liga at kasalukuyang nakabitin dahil sa nauna nang postponement na kanilang ginawa simula noong Pebrero 14. Kaugnay ng pinakabagong kaganapang ito, ang unang itinakda ng pamunuan ng liga na pagpapatuloy sana ng lahat ng kanilang mga events sa darating na Lunes-Marso 16 ay hindi na matutuloy.

 
 

Suspendido sa araw ng Sabado at Linggo (Marso 14 at 15) ang laro ng CBA games finals. Ayon iyan sa memo na inilabas kagabi ni founder President Carlo Norman Maceda upang matiyak na ligtas ang fans sa banta ng COVID-19.

Samantala, nakabalikwas ang San Juan Knights Navy sa Game 2 ng kanilang best-of-3 Finals ng Palayan City Capitals sa Community Basketball Association (CBA) Pilipinas Executive Cup noong Marso 8 sa Gapan City Gymnasium sa Nueva Ecija.

Talagang kuntodo ang paghahandang ginawa ng SJ Go-for-Gold sa laban na sadyang binalewala ang mga hiyawan at pangangantiyaw ng homecourt crowd na inabot yata ng P6,000. Maging sina Palayan team manager Ryan Ripalda at coach Alvin Grey ay nalungkot, sa kabila ng kanilang ginawang paghahahanda at tulong ng supporters ay kinapos sila sa bandang huli. “Maagang nag-celebrate ang players. Akala nila champion na sila. Nang maunahan kami, nanggigil talaga sila para makahabol, iyon nga nawala sila sa laro,” pahayag ni coach Alvin Grey. “We have to adjust at maibalik namin ‘yung tempo sa laro na ginawa namin sa Game 1. Kakayanin pa namin ‘yan,” giit ni coach Grey. Iyon din ang naging pananaw ni Palayan team manager Ryan Ripalda, isa ring naging basketball player sa kolehiyo, na ang sobrang kumpiyansa ang nakasira sa diskarte ng kanilang manlalaro. “Dito kasi sa lugar namin, eh, talagang dadayuhin ka, like sa nangyari sa Game 1, eh, mas marami ang fans ng Nueva Ecija kaysa sa San Juan ang pumunta sa gym nila, akala ng players ay ganoon din ang mangyayari,” ayon sa kuwento ni TM Ripalda.

Sa ngayon ay may mas pinaghandaan ang Nueva Ecijanos lalo pa’t darayo rin sina team owner Bong Cuevas at Palayan head Adrianne Cuevas upang ibigay ang kanilang buong suporta sa koponan. Nakaantabay sa do-or-die match ang magkapatid sa prize money na P1-M at eleganteng tropeo na ipagkakaloob ng CBA. Abangan natin ang itatakdang bakbakan ng Palayan City at San Juan sa titulong ito.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page