top of page
Search

Tutulak ang Baby Uno chess challenge sa Hunyo 14 kung saan tiyak na dadagsain ito ng malulupit na woodpushers sa bansa.

Kabilang sa mga paboritong kalahok ay sina 13-time Philippine Open champion Grandmaster Rogelio "Joey" Antonio Jr., ang inaugural champion at Grandmaster Darwin Laylo at kasama rin sina International Master Barlo Nadera, Fide Master Dale Bernardo at National Master Robert Arellano, at iba pa.

"In behalf of the Philippine E-9 chess club here in South Korea, we will support the Baby Uno chess challenge online tournament," sabi ni Mr. Jun Jun Jabay.

Kaagapay din sa free registration tournament na ipinatupad ang three minutes plus two seconds increment blitz time control format ay lalahukan nina Philippine Executive Chess Association president Dr. Fred Paez, Dr. Jenny Mayor, Espana Chess Club Eng'r. Ernie Faeldonia, Mr. Mc Daniel Ebao, Mr. Teddy Cu, Pretty Zada, Europe gaming consultant sportsman Kim Zafra, Jubail, Kingdom of Saudi Arabia based Mr. Jimmy Reyes at Auckland, New Zealand based Jun Isaac.

Ang iba pang schedule ng No Bersek, No Chess Engine event ay sa Hunyo 21 at Hunyo 28, na inorganisa ng Bayanihan Chess Club.

 
 

Positibo ang naging reaksyon ng ilang mga atleta hinggil sa usapin ng pagbabawas ng kanilang mga allowances ngayong darating na Hulyo na naging resulta ng krisis na kinakaharap ng bansa.

Unang sinabi ng PSC na babawasan ng 50% ang monthly allowances ng national athletes at coaches dahil sa walang maireremita na pondo ang PAGCOR sa mgayon. Karamihan sa mga national athletes ay umaasa sa kanilang mga monthly allowance upang ipantulong sa mga pamilya.

"Nakakalungkot po ma'am, siyempre lalo na't halos yung ibang atleta d'yan sa allowance na yan po umaasa para masuportahan pamilya nila. Pero may malaking reason naman po kaya babawasan nila for now. Di lang din naman po kami mga atleta yung apektado po sa pagbawas ng allowance halos lahat po. Malilit o malalaking company man po yan," pahayag ni 2019 AIBA World Boxing Champion na si Nesthy Petecio sa panayam ng BULGAR.

Ayon sa 28-anyos na si Petecio, ibayong pag-uunawa lamang ang kailangan sa ganitong sitwasyon na kung saan lahat ay dumaranas ng hirap.

"Ang kelangan po namin, nating lahat ngayon yung malawakang pag intindi po sa sitwasyon at nangyayari po. Apektado din po ako sa sitwasyon dahil ako po sumusuporta sa family ko simula nong naging national team ako. Masuwerte lang po ako dahil kahit papaano nakapag-ipon po at may nahuhugot sa ganitong sitwasyon," ani Petecio.

Ganito rin ang naging reaksyon ni Tokyo Olympics bound athlete na si Irish Magno.

"Nakakalungkot ma'am kasi maraming atleta na umaasa lang sa allowance, pero naiitindihan ko naman po, kasi sa panahon ngayon kailangan po talaga namin na magtiis muna at magkaroon ng malawak na pang-unawa. At maghintay na lang po na bumalik sa normal ang lahat. At nagpapasalamat rin po ako na kahit papaano may 50% pa kami na matatanggap malaking tulong na rin po yun saming mga atleta," ani Magno.

Gayunman ay siniguro naman ni PSC Chairman William Ramirez na ibabalik nila agad sa mga atleta ang kabuuan ng nasabing allowance sakaling bumalik sa normal ang pagbibigay ng PAGCOR sa nasabing ahensiya.

 
 

Magbabalik aksyon ang Philippine Azkals ngayong Oktubre. Iniutos kahapon ng Asian Football Confederation (AFC) na itutuloy na ang qualification para sa 2022 FIFA World Cup Qatar at 2023 Asian Cup sa Tsina matapos itong ipatigil noong Marso dahil sa krisis ng COVID-19.

Unang haharapin ng Azkals ang mga bisita mula sa Guam sa Oktubre 8. Tinalo ng Pilipinas ang Guam, 4-1, noong una nilang pagharap noong Setyembre 10, 2019 sa Dededo, Guam.

Susundan ito ng rebanse kontra Tsina sa Nobyembre 12. Nagtapos sa 0-0 na tabla ang una nilang pagkikita noong Oktubre 15, 2019 sa Panaad Stadium ng Bacolod City.

Ang Maldives ang huling makakalaro ng Azkals sa Nobyembre 17. Paborito ang mga Pinoy na ulitin sa sariling tahanan ang kanilang 2-1 na tagumpay noong Nobyembre 14, 2019 sa Male, Maldives.

Wala pang katiyakan kung saan gaganapin ang mga laro kontra Guam at Maldives dahil ang Rizal Memorial Stadium at Ninoy Aquino Stadium ay parehong ginawang pansamantalang quarantine facility habang inaayos naman ang Panaad para sa 2021 Palarong Pambansa. Ang laro laban sa Tsina ay unang itinakda na gawin sa Thailand pero titingnan kung babaguhin ito at ibabalik sa Tsina mismo.

Sa hiwalay na pahayag, kung papayag ang AFC ay isusulong ng Philippine Football Federation (PFF) na gawin ang mga laro sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite.

Kasalukuyang patas ang Pilipinas at Tsina para sa ikalawang puwesto ng Grupo A na parehong may pitong puntos. Numero uno ang Syria na may malinis na 15 puntos buhat sa limang panalo, kasama ang dalawa kontra sa Azkals.

Patuloy pa ring pag-aaralan ng AFC at FIFA ang sitwasyon para sa kalusugan at kaligtasan ng lahat. Malaking bagay din ang magiging patakaran ng mga pamahalaan ng mga kalahok na bansa tungkol sa paglakbay at malakihang pagtitipon.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page