- Eddie M. Paez, Jr.
- Mar 13, 2020

Pinangunahan nina Carlo “Black Tiger” Biado at Zorren James “Dodong Diamond” Aranas ang atake ng mga manunumbok na Pinoy sa malupit na 2020 Diamond Las Vegas Open sa Rio Hotel Casino ng Las Vegas, Nevada kahapon.
Suot ang tikas na minsan nang nagbigay sa kanya ng korona ng World 9-Ball Championships at ng World Games, hindi kumurap si Biado sa maigting na bakbakan nila ng Amerikanong si Skyler Woodward, 7-6, upang makausad sa susunod na yugto kontra kay Michael Yednak.
Dala ni Aranas ang init ng kanyang pagkakapanalo kamakailan sa Scotty Townsend Memorial 9-Ball Division nang manaig siya kontra kay Rory Hendrickson sa iskor na 7-5. Susunod niyang haharapin ang alas ng Great Britain na si Chris Melling.
Gitgitan din ang naging girian nina Alex “The Lion” Pagulayan at Roland Garcia bago umangat ang tubong Isabela ngunit ngayon ay naglalaro na para sa Canada na si Pagulayan, 7-6. Si Gus Brisein ang susunod niyang makasasagupa.
Magaan ang tagumpay na nairehistro ni Edgie Geronimo laban kay Sharik Sayed ng Singapore, 7-3, kaya nakapuwesto na ang Pinoy tungo sa pakikipagtagisan ng galing sa isa pang Singaporean (Aloysius Yap).
Kasalukuyan pang humahataw ang ibang mga Pinoy tulad nina Dennis “Robocop” Orcullo, Jeffrey De Luna at Warren Kiamco habang nasipa sa one-loss bracket ang billiards legend ng Tarlac na si Francisco “Django” Bustamante matapos siyang napayuko ni Shane Van Boening (3-7).






