top of page
Search

Hindi muna gaganapin ang ika-14 edisyon ng FilOil Flying V Preseason Cup bunga ng COVID-19 pandemic dahil wala pang klase at sa Agosto pa magbubukas ang mga paaralan. Ang taunang torneo ay unang tinakdang buksan nitong Mayo 1 at lalahukan sana ng lahat ng 18 koponan ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) at University Athletic Association of the Philippines (UAAP).

Titingnan pa rin ng pamunuan ng torneo kung maaari pang ganapin ang mga laro sa taong ito. Nagpasya na ang NCAA at UAAP na parehong plano nilang ilipat ang pagbukas ng kanilang mga liga sabay utos ng Kagawaran ng Edukasyon na Agosto 24 ang simula ng bagong taong pampaaralan 2020-2021.

Noong nakaraang taon, winalis ng San Beda University ang lahat ng kanilang 10 laro upang makoronahang kampeon. Tinalo ng Red Lions ang De La Salle University para sa kampeonato, 74-57.

Hinirang na kampeon sa Juniors Division ang Nazareth School of National University na nagwagi sa San Beda-Rizal, 76-69. Inuwi ng College of San Benildo-Rizal ang kauna-unahang tropeo sa Under-11 Division nang biguin nila ang Xavier School, 41-39.

Habang naghihintay, maaaring magbalik-tanaw at ipapalabas sa Facebook ng FilOil Flying V Sports ang mga piling laro mula sa mayamang 13 taong kasaysayan ng torneo. May bagong laro na mapapanood araw-araw simula ngayong Mayo 11.

 
 

Hindi nakaligtas ang isa na namang fun run sa coronavirus matapos ihayag ng pamunuan ng Binibining Marathoner na hindi muna ito matutuloy. Nakatakda sana ang karera na para sa kababaihan at mga binabae ngayong Marso 15 sa SM Mall of Asia.

Sa mga nakaraang araw, matibay na iginiit ng Binibining Marathoner na tuloy ang kanilang mga karera sa 42.195-km, 21-km, 10-km at 5-km at ang espesyal na 3-km Munting Binibining Marathoner para sa mga musmos. Subalit sa gitna ng paghayag ng State of Public Health Emergency ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kasabay ng konsultasyon sa Pamahalaang Lungsod ng Pasay, wala silang magawa kundi ipagpaliban muna ang patakbo.

Malalaman sa mga susunod na araw ang bagong petsa ng BB. Marathoner. Kung matuloy, puputungan pa rin ng korona na gawa sa kapis ang lahat ng magtatapos.

Hindi rin nakaligtas ang mga palaro sa mga lalawigan. Noong nakaraang buwan ay maagang nagpasya ang PRU Ride PH 2020 na huwag muna ituloy ang kanilang mga karera na dapat ay magsisimula kahapon (Marso 11) at magwawakas sa Gran Fondo sa Linggo. Hinihintay din ang bagong petsa ng PRU Ride.

 
 

Inanunsiyo ng National Basketball Association (NBA), kahapon na sinususpinde na ang nalalabing laro ng kanilang season matapos magpositibo ang isang manlalaro mula sa Utah Jazz team sa coronavirus disease (COVID-19).

Hindi man direktang tinukoy ang pangalan ng manlalaro, ngunit sinabi ng isang website na ang naturang NBA player ay si Jazz star center Rudy Gobert ng France na nagpositibo sa virus. Isang indibiduwal ang nagbigay ng kanyang panig, ngunit itinago ang katauhan sa Associated Press, gayunman, wala pang inilalabas na kumpirmasyon mula sa liga at sa koponan nito hinggil sa pagpositibo ng basketball All-Star.

“The NBA is suspending game play following the conclusion of tonight’s schedule of games until further notice,” ayon sa inilabas na statement ng liga. “The NBA will use this hiatus to determine next steps for moving forward in regard to the coronavirus pandemic.”

Naunang nagkaroon ng delay sa laro ng Jazz at ng Oklahoma City Thunder sa Chesapeake Energy Arena, sa homecourt ng Thunder, kung saan may isang player ang nagpositibo umano sa test result bago ang inaabangang tip-off ng laro. Ayon sa liga, “At that time, tonight’s game was cancelled. The affected player was not in the arena.”

Ito na umano ang pinakamasamang sitwasyon ng liga na maaring tumagal ang “shutdown” ng mga laro ng halos dalawang linggo. Ang virus na nagmula sa Wuhan, China ay nakapinsala na ng maraming buhay at nakahawa ng may libu-libong katauhan sa buong mundo. Umabot na sa 4,300 ang namatay sa COVID-19 at mahigit pa sa 118,000 ang kumpirmadong kaso ayon na rin sa World Health Organization (WHO).

 
 
RECOMMENDED
bottom of page