top of page
Search

Nahawaan ng COVID-19 ang isang dating winter olympic gold medalist na siya ring maybahay ng tagapagsalita ni Russian president Vladimir Putin.

Kasalukuyan nang nakaratay sa ospital si Tatyana Navka, reyna ng ice dancing noong 2006 Winter Olympics sa Turin, dahil sa coronavirus. Ayon sa kanyang pahayag sa social media, naniniwala ang figure skater na nahawaan siya ng kanyang kabiyak na si Dmitry Peskov. Ang huli, na nagsisilbing tagapagsalita ng pinakamakapangyarihang tao sa Russia, ay nagpapagaling na rin mula sa COVID-19.

Si Navka ay dalawang beses nang naging world champion, tatlong beses na namayagpag sa Grand Prix Finals at kasing daming ulit ding nangibabaw sa buong Europe. Ang 45-taong-gulang na ice skating luminary rin ang umaktong ambassador sa 2014 Sochi Winter Olympics.

May kahabaan na ang talaan ng mga pumanaw sa larangan ng palakasan dahil sa naturang virus.

 
 
  • Eddie M. Paez Jr.
  • May 13, 2020

Sumakabilang-buhay na ang pinakarespetadong maestro sa daigdig ng Shotokan Karate matapos ang nabigong pakikipagtunggali sa coronavirus disease.

Napabilang si Teruyuki Okazaki sa mga personalidad na pumanaw dahil sa pandemic na nagpatigil ng paggalaw ng mundo ng palakasan. Ang Hapones na nakabase sa USA ay 88 taong gulang.

Si Okazaki ang kinikilalang maestro ng Shotokan Karate at siya ring founder ng International Shotokan Karate Federation. Isa siyang 10th dan black belter. May mga kaalyado ang ISKF sa 60 mga bansa at ang pederasyon nito ay nasa kanyang dojo sa Philadelphia.

Dahil dito, nakalista na ang maestrong kareteka sa talaan ng mga sports luminaries na yumao na rin sanhi ng COVID-19 tulad ng isang disipulo ng modern pentathlon (Robert Beck, USA), ang dating opisyal ng International Canoe Federation officer (Marcel Venot, France), ang minsang naging bahagi ng Japanaese Olympic Committee (Matsushita Saburo, Japan), isang opisyal ng International Fencing (Antonio Melo, Venezuela), unang black boxing referee ng Olympics (Carmen Williamson, USA), dating Southeast Asian Games swimming champion (Lukman Niode, Indonesia), at isang dating European middle distance track king (Donato Sabia, Italy) at dating marathoner (Francesco Perrone, Italy).

 
 

Mapapawi ang uhaw ng mga Filipino para sa palakasan sa paglipat mula Extended Community Quarantine (ECQ) papuntang Modified Extended Community Quarantine (MWCQ) at General Community Quarantine (GCQ) sa mga susunod na araw. Ipinaliwanag ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque na maaari nang magsagawa ng limitadong mga ehersisyo sa labas ng tahanan matapos itong mahigpit na ipagbawal noong panahon ng ECQ.

Puwede nang maglakad, tumakbo o magbisikleta subalit dapat ay sundan pa rin ang mga patakaran gaya ng paggamit ng facemask at physical distancing na hindi kukulangin sa dalawang metro. Sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ, papayagan ang mga non-contact individual sports gaya ng Tennis at Golf kung saan kailangan ding mag-facemask at social distancing.

Mananatiling sarado ang mga gym at palaruan kahit ibaba na sa GCQ ang lugar. Ito ay hindi pinayagan kahit humingi ng konsiderasyon ang ilang may-ari ng mga negosyong ito.

Kahit pwede nang tumakbo sa labas, hindi pa rin papayagan ang mga malakihang pagtitipon gaya ng mga fun run at marathon. At dahil sarado pa ang mga palaruan, wala pang hudyat na maaaring ganapin ang mga torneo at liga kahit isara pa nila ito sa publiko.

Titingnan at pag-aaralan sa mga susunod na linggo kung kailangang baguhin ang mga naihayag na alituntunin. Ang Kalakhang Maynila, Cebu City at lalawigan ng Laguna ay sakop ng MECQ simula Mayo 16 hanggang 31.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page