top of page
Search

Target ng PBA na magsagawa ng COVID-19 testing para sa lahat ng kanilang mga players, coaches, staffs at league personnels bilang "safety protocols" sa sandaling mabigyan na sila muli ng go signal para makapaglaro.

“Malaking bagay yung testing. Yun ang pinakaunang dapat natin gawin,” pahayag ni PBA commissioner Willie Marcial sa panayam dito sa programang Power and Play sa Radyo Singko.

Ayon kay Marcial, nararapat lamang na makatiyak ang lahat na walang sinuman ang nagtataglay ng virus dahil malaki ang tsansang makahawa ang nagtataglay nito dahil sa di maiiwasang pisikalan na nagaganap sa bawat laro.

“Kasi pag hindi ka nag-test, syempre depensahan yan, baka mag-alangan yung players. Pero kung alam ng players na safe kayo pareho, makaka all-out pa rin sila,”paliwanag nito.

Bukod dito, marami pa silang ipapatupad na mga "safety measures" sa pagsabak ng liga sa tinatawag ngayong "new normal".

Nakikipag-ugnayan ang PBA sa Games and Amusement Board (GAB) para sa mga "safety protocols" hindi lamang para sa mga teams kundi maging sa mga fans at manonood.

Kabilang na dito ang pagsusuot ng face masks sa mga venues, paggamit ng mga sanitizers, ang gagawing "seating arrangements" at paggamit ng mga "thermometer guns" sa lahat ng "entry points" ng mga "playing venue".

Sa ngayon, hindi pa rin pinapayagan ang mga "mass gatherings" kahit inilagay na sa Modified Enhanced Community Quarantine ang Metro Manila.

Muling pag-aaralan ng PBA board ang sitwasyon pagdating ng buwan ng Agosto kung anong mangyayari sa Season 45.

“Baka sa August makakakita na tayo ng konting liwanag kung papayagan tayo ng gobyerno kahit practices lang, kahit walang scrimmages, conditioning lang,” ani Marcial.

Kung hindi pa rin makakapaglaro pagdating ng Oktubre, posibleng tuluyan ng hindi ituloy ang Season 45.

Ngunit kung makakabalik sa ensayo ang mga teams pagdating ng Setyembre, maaaring makapaglaro na ituloy ang Philippine Cup sa Oktubre at tapusin ito ng Disyembre o Enero 2021.

 
 

Makaraan ang dalawang sunod na panalo nang unang matalo kay Shawn Porter ay ibinalita ni dating welterweight titleholder Danny Garcia sa social media na inaasahan ang muli niyang pagbabalik sa ring laban kay WBA champion Manny Pacquiao o kaya ay kay unified champion Errol Spence.

“I’m coming back, baby, September. Back in the ring, “ ani Garcia sa kanyang Instagram live stream. “I’m fighting in the fall, we don’t know (who) yet, either Pacman or Spence, that’s where it’s at.”

Kagagaling lang ni Garcia (36-2, 21KOs) sa unanimous decision win kontra Ivan Redkach noong Enero at nakapagtala ng sunod na 3-2 panalo-talo na rekord mula sa huli niyang limang laban kasama ang dalawang sunod na pagkatalo kay Keith Thurman at Shawn Porter.

Isang mahusay na all-around fighter si Garcia pero kung pagbabasehan ang dalawang pagkatalo na iyon ay maliwanag na magiging underdog siya kontra kina Pacquiao at Spence.

Kung ikukumpara kay 41-year old Pacman, magagandang performance ang ipinakita ng Pinoy sa huli niyang dalawang panalo nang gupuin si Thurman na siyang tumalo kay Garcia.

Habang si Spence naman ay hindi pa gaanong kilala sa ngayon at wala pang naging laban mula nang maaksidente ito sa kotseng minamaneho, itinuturing pa rin ang sarili na mas matinik kay Garcia.

Depende na lang marahil kung gaano kadesidido o mapag-aralang mabuti ni Garcia ang mga talino sa teknikalidad na pakikipagdigma ng Pinoy ay mapabilib niya ito ay matuloy ang kasahan nila sa sinasabi niyang laban sa Setyembre.

Abangan natin kung kanino siya mas uubra, kay Pacman o kay Spence?

 
 

Mas pagtutuunan muna ng atensyon ni dating two-division UFC champion Conor “The Notorious” McGregor ang kanyang mga sunod na laban sa mixed-martial arts, ngunit hindi niya inaalis sa isipan ang pagbabalik boksing lalo na’t nais nitong makatapat si Filipino world titlist Manny “Pacman” Pacquiao.

Inihayag ng manager ni McGregor na si Audie Attar na prayoridad ng MMA fighter na makalaban muli sa octagon cage na huling sumabak nitong Enero nang pabagsakin si Donald “Cowboy” Cerrone sa loob lamang ng 40 segundo.

“I think he’s thinking MMA first,” sambit ni Attar sa Irish fighter. “Boxing is definitely something he plans on doing, but I think he’s thinking MMA first. Let’s see how this thing plays out and let’s see how discussions go and then as it relates to him fighting Manny or any other boxer in the future, that’s always a possibility,” dagdag ng founder at CEO ng Paradigm Sports Management.

Isa sa mga itinuturing na maaaring makabakbakan ng 31-anyos na tubong Crumlin, Dublin ay ang UFC interim lightweight titlist na si Justin Gaethje na nagwagi sa pagbabalik ng aksyon ng pay-per-view event ng UFC 249 noong nakaraang linggo laban kay Tony Ferguson via TKO sa 5th round.

Unang nasilayan sa mundo ng boksing si McGregor ng labanan niya si dating five-division champ at undefeated Floyd “Money” Mayweather noong Agosto 2017, na nagresulta sa 10th round TKO victory ng American boxer para makuha ang 50-0 marka at tumabo ng $4 milyon sa pay-per-view at naging ikalawang pinanood ng madla kasunod ng Mayweather-Pacquiao bout.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page