top of page
Search

Dinomina ni submission specialist Gilbert Burns si dating UFC welterweight champion Tyron Woodley mula simula hanggang makuha nito ang unanimous decision victory sa pagbabalik kahapon sa Las Vegas, Nevada ng UFC Fight Night nang iilan lang ang audience na nanood dahil sa umiiral na health protocol.

Ipinaramdam ng 33-anyos na Brazilian-American ang malulupit na galawan sa loob ng octagon para hindi bigyan ng pagkakataon ang dating kampeon na makabawi sa bawat round, sa harap ng bakanteng UFC APEX facility sa pinal na iskor ng mga hurado na 50-45, 50-44 at 50-44.

Dahil sa panalong nakuha ng dating 3-time jujitsu World Champion at World Cup gold medalist, nagkaroon ito ng tsansa na mapalapit sa titulo ni welterweight titlist Kamaru Usman, na noong isang taon ay inagaw naman ang belt kay Woodley sa isang unanimous decision victory sa UFC 235.

Sunod-sunod na patama ang binira ni Burns sa unang round pa lamang dahilan upang mahilo si Woodley at magbukas ang depensa nito. Napanatili rin ni Burns ang ground game kahit makailang ulit na nakakatakas ang 38-anyos na tubong Ferguson, Missouri, gayunpaman ay isang malalim na hiwa ang natamo ng tinaguriang “The Chosen One” sa kaliwang parte ng mukha nito, na lubhang nagbigay sa kanya ng kahirapan sa mga unang tagpo pa lang.

Wala pa rin sa tamang laro ang dating kampeon na inaming dumaan sa matinding depresyon sapol ng makuha ang one-sided loss kay Usman. Sinabi nitong kahit makailang ulit at sanay na itong lumaban sa loob ng octagon ay hindi niya natanggap ng maayos ang pagkatalo

“I went into a state of depression for a while. I got to the point where I felt like I faced it head-on. I felt [the loss] was necessary for my journey,” paglalahad nito na inaming malaki ang naging kawalan sa diyeta at buhay niya kasunod ng pagkatalo.

Sa ibang mga laban sa main card ay tinalo ni Augusto Sakai si Blagoy Ivanov via split decision (27-30, 29-28, 29-28); nakuha ni Billy Quarantillo ang UD kay Spike Carlyle (29-28, 29-28, 29-28); pinatapik ni Roosevelt Roberts si Brok Weaver sa pamamagitan ng rear-naked choke sa 2nd round; pinasuko rin ni Mackenzie Dern si Hannah Cifers sa ginawang kneebar sa women’s strawweight.

Nitong nagdaang Huwebes ay inilabas ng Nevada State Athletic Commission (NSAC) ang kanilang desisyon na payagang muling makapagtampok ang combat sports gaya ng MMA at boxing events sa Las Vegas sapol ng ipagbawal nila ang lahat na magpalaro noong Marso 14.

 
 

Sa gitna ng kinakaharap na laban ng buong mundo sa coronavirus pandemic, nagluluksa ngayon si Los Angeles Lakeres center Dwight Howard dahil sa pagpanaw ni Melissa Rios, ang ina ng kanyang 6-anyos na anak na si David.

Namatay si Rios,31-anyos dahil sa epileptic seizure noong Marso 27 sa tahanan niya sa Calabasas, California. “I’ve had some things happen in my personal life that has been difficult to really handle,” saad ni Howard sa video conference call. “My son’s Mom, she had passed away a month and a half ago and it’s extremely difficult for m to try to understand how to talk to my son, who’s 6 years old, just about the whole situation.”

Kasama noon ni David si Howard sa Georgia nang libutin nila ang 23-acre na property niya na naipundar mula sa paglalaro sa NBA. Plano rin sana ni Howard na imbitahin si Rios – na isang real estage agent and epilepsy advocate na mamalagi sa kanya kasama ang kanilang anak sa Georgia pero hindi na nangyari dahil pumanaw na ang dating nobya.

Ibinaling na lamang ng 34-anyos na si Howard ang oras kay David at apat pa niyang mga anak upang maibsan ang kalungkutan lalo na at nasa quarantine period ang lahat.

“Every moment counts,” ani Howard. “Be grateful for every situation that you have, just be grateful for life. I think we also take for granted the little things and just spending time with people and stuff like that. And you know after having all these situations, it’s like, reconfirming to me just stay in the moment. Always be grateful for everything you have, every little thing that happens.”

 
 

Kakaiba nang mga patakaran at ugali ang dapat na pairalin sa muling pagbabalik ng Major League Baseball sa U.S. habang may pananalasa pa rin ng coronavirus pandemic kung saan inaasahang isasailalim sa 10,000 COVID-19 tests kada linggo ang lahat ng darayo sa stadiums, mahigpit na ipatutupad ang social distancing at iba pang mahihigpit na patakaran upang maiwasan ang pagkalat ng naturang sakit, ayon sa draft ng health-and-safety manual ng liga.

Ipatutupad ang memo sa pagbabalik ng ‘new normal’ na pasilidad sa kalagitnaan ng opening day sa Hulyo pagkaraan ng disinfection sa lugar sa Hunyo.

Ayon sa health protocol, isasailalim ang lahat sa testing para matiyak na ligtas ang biyahe papunta sa stadium at pag-uwi ng tahanan, maging ang iba pang in-stadiums adjustments. Papayagan lang pumasok ang may 50 katao sa bawat team na aktibong maglalaro. Ang ibang players at personnel na hindi kasali sa game ay mauupo lang sa audience, hiwa-hiwalay ng hanggang 6 na talampakan ang bawat upuan. Iyan din ang parehong distansiya pagkaawit ng national anthem.

Bawal ang high-fives, fist bumps at yakapan maging ang pagdura-dura. Bawal din ang paninigarilyo at pagkain ng sunflower seeds.

Ang fielders ay dapat na may ilang talampakan ang layo sa baserunner kada pitches. Ang first at third base coaches ay hindi dapat lumapit sa baserunners o umpires habang ang players ay hindi dapat lumapit o makipag-usap sa kanilang katunggali.

Itatapon na rin ang gagamiting bola matapos na mahawakan ito ng players at bawal ding makihawak ng bola ang audience. Dapat ay may sariling dalang bola ang pitchers sa bullpen sessions habang ang gagamit namanng gloves ang personnel na magpapahid ng putik sa baseballs bago ibigay sa umpires.

Ipagbabawal din ang players na mag-shower sa stadiums matapos ang laro at hindi dapat sumakay ng taksi o ride-sharing apps kung uuwi.

Ang 67 pahina na memo ay inaasahang sasagutin ng teams bago ang Mayo 22. Ang protocols na ito ay inirekomenda ni MLB senior VP Patrick Houlihan, Bryan Seeley at Chris Young. Si Young ay dating pitcher na nagretiro noong 2017.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page