top of page
Search

Kaligtasan at kalusugan ng players at team members ang prayoridad ng Davao Occidental Tigers sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL).

Handa umanong isuko ni team owner Claudine Diana Bautista ang division at national titles ng nagdaang Chooks MPBL Lakan Season upang matiyak lang na hindi mahahawaan ng COVID-19 ang mga manlalaro.

“The safety and health of our players, the team, their families are our priority,” saad ni Bautista. “The championship trophy is not worth the lives (of people).”

Sumang-ayon si Bautista sa naging pasya ni MPBL Commissioner Kenneth Duremdes na pinaboran din ni Sen. Manny Pacquiao, ang MPBL Founder at CEO na huwag nang ituloy ang 2020-2021 season na dapat ay magsisimula sa Hunyo 12.

Nadiskaril ang division finals sa pagitan ng Tigers at Basilan Steel sa South at ang San Juan Knights kontra Makati Super Crunch sa North, bunga ng nationwide lockdown dahil sa pananalasa ng Coronavirus. Parehong patas ang Tigers-Steel at Knights-Super Crunch sa playoffs sa 1-1 at sasalang na sana sa Game 3 deciders game.

“We will conform with what the MPBL decides,” ani Bautista. “Let us not push matters during these uncertain times. If possible, we shouldn’t resume play until a vaccine is found.”

Habang naghihintay ang MPBL sa go-signal ng national government na makabalik ang sporting activities indoors, okey lang naman ayon kay Bautista na makapag-training ang players sa kani-kanilang tahanan sa ilalim ng gabay at monitoring ng kanilang physical fitness trainer via Zoom.

Problema rin aniya ang venues para mapagdausan ng division finals dahil sa hirap ng pagbiyahe at umiiral na social distancing protocols. Handa aniyang maglaro ang Tigers sa isang neutral venue o nag-iisang venue para sa playoffs.

Titiyaking lalaro ang Tigers sa pre-season tournament na pinaplano kapag naialis na ang paghihigpit sa quarantine. “We’re committed to staying in the MPBL."

 
 

Isa si dating PBA superstar Paul “Bong” Alvarez sa mga nagsisilbing frontliner sa laban ngayon kontra COVID-19. Imbes na manatili sa loob ng kanyang tahanan, sumasama si Mr. Excitement sa paghatid ng tulong sa mga apektado ng krisis sa kalusugan.

Kamakailan ay sinamahan niya ang Talino at Galing ng Pinoy ni Jose “Bong” Teves Jr. upang maghatid ng pagkain at relief goods sa mga residente ng Brgy. Bagong Silangan at Brgy. Holy Spirit sa Quezon City. “Ang TGP ay isa sa mga aktibong partido at ang daming natulungan at tutulungan,” wika ni Alvarez. “Masasabi ko na tinupad namin ang aming mga pangako."

Maliban sa Quezon City, aktibo rin si Alvarez sa Pasig City at San Pedro, Laguna. Bago pa.man ang pandemya, ang 51-anyos na si Alvarez kasama ang mga kapwa alamat ng PBA ay naglalaro sa mga exhibition game kung kaya nananatiling kondisyon ang kanyang pangangatawan, isang mabuting paraan upang makaiwas sa mga sakit.

Kung siya ang tatanungin, mahirap at hindi pa panahon para buksan ulit ang PBA at ang palakasan kahit hinahanap ito ng mga tagahanga. “Magtiis muna tayo at magkaisa, lalampasan natin ang pagsubok na ito at makakapanood ulit tayo ng laro baka sa 2021 na,” ani Alvarez.

Naglaro si Alvarez sa PBA mula 1989 hanggang 1998 para sa Alaska, Santa Lucia, Formula Shell, San Miguel Beer at Barangay Ginebra. Lumipat siya sa Metropolitan Basketball Association (MBA) mula 1999 hanggang 2001 at naglaro sa Pampanga Dragons, Pasig-Rizal Pirates at Socsargen Marlins bago bumalik sa PBA at wakasan ang kanyang karera sa FedEx, Talk ‘N Text at Red Bull noong 2004-2005.

 
 

Habang nagdiriwang ang mundo ng Basketball sa napipintong pagbabalik ng National Basketball Association (NBA), malungkot na balita ang dumating sa pagpaliban ng mga nalalabing laro ng 2019-2020 NBA G-League. Pinatigil ang mga laro ng liga noong Marso 12 at dapat ay magwawakas noong Marso 28.

“While cancelling the remainder of the season weighs heavily on us, we recognize that it is the most appropriate action to take for our league,” wika ni Shareef Abdur-Rahim, ang dating NBA All-Star na ngayon ay presidente ng G-League. “I extend my sincere gratitude to NBA G-League players and coaches for giving their all to their teams and fans this season and to our fans, I thank you and look forward to resuming play for the 2020-2021 season.”

Noong itinigil ang liga, nangunguna ang Wisconsin Herd na may kartadang 33-10 panalo-talo. Kahit hindi magtatanghal ang kampeon ngayong taon, igagawad pa rin ng liga ang Most Valuable Player, Rookie of the Year at Dennis Johnson Coach of the Year sa mga susunod na linggo.

Tiyak na aabangan ng mga Pinoy ang susunod na taon ng G-League upang masaksihan ang pagsabak nina Kai Sotto at Fil-Am Jalen Green para sa G League Select, isang bagong koponan na maglalaro sa estado ng California. Hahawakan sila ni Coach Brian Shaw sa unang hakbang ng dalawang binata upang makapasok sa NBA sa 2021.

Samantala, may inihain na panukala na laruin ang buong 2020 WNBA simula Hulyo 24 sa IMG Academy sa Brandenton, Florida subalit pinaikli ito sa 22 laro bawat koponan. Pag-aaralan ito ng liga para matapos agad ang torneo sa Oktubre tulad ng nakagawian.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page