top of page
Search

Nakahanda umanong bitawan ni UFC Light-Heavyweight champion Jon “Bones” Jones ang kanyang titulo dahil sa hindi pagkakasundo sa pagitan nila ni UFC president Dana White.

Inihayag ng 32-anyos na tubong Rochester, New York ang sama ngloob sa social media account nito na tila nagpaparamdam na isusuko na lang nito ang kampeonato.

“To the light-heavyweight title -- veni, vidi, vici,” sambit ni Jones sa salitang Latin sa twitter account nito na ang ibig sabihin ay “I came, I saw, I conquered,” mula sa mga salita ni Julius Caesar. Hindi naman nagdalawang-isip ang numero unong pound-for-pound fighter at agad na sinagot ang katanungang huhubarin ang titulo sa salitang, “Yes.”

Ayon pa kay Jones na nagawang idepensa ng apat na sunod ang kanyang titulo, kung saan ito lamang Pebrero 8, 2020 sa UFC 247 ay napagtagumpayan niya ang titulo laban kay Dominick Reyes mula sa unanimous decision victory, na mabuti nang huminto dahil sa natatamong masasakit na suntok sa kanyang ulo at hindi na umano sulit ang bayad na natatanggap.

“I hurt myself every time I walk out there and take a punch to the head and not feel my pay is worth it anymore,” wika ng 6-foot-4 na MMA fighter mula sa suhestiyon ng twitter followers.

Nakatakda sanang idepensang muli ni Jones ang kanyang titulo mula kay Francis Ngannou ng Cameroon, ngunit dahil sa malaki umano ang hinihinging bayad ni Jones na aabot sa $15 million, $20 million at $30 million.

“He can do whatever he wants to do. He can sit out, he can fight, he can whatever,” saad ni White matapos ang ginanap na UFC Fight Night nitong Sabado sa Las Vegas, Nevada. “Jon Jones can say whatever he wants publicly. It's his God-given right here in America. He can say whatever he wants. And when he's ready to come back and fight, he can,” dagdag niya.

Idinagdag ni Jones sa kanyang social media account na mas makabubuti pa umanong sumabak sa kanyang unang boxing career dahil tingin niya ay mas kikita ito.

 
 

Sumipa ng panibagong gintong medalya si 2019 Southeast Asian Games gold medal winner Jocelyn Ninobla sa ginanap na 2020 PTA National Online Taekwondo Poomsae Championships nitong nakalipas na weekend kasunod ang isang international tournament makalipas ang tatlong linggo.

Dinaig ng University of Santo Tomas graduating student-athlete ang teammate nitong si Aidaine Krishia Laxa sa Senior Female Blackbelt category sa iskor na 8.333 puntos laban sa 8.150 ng huli, ayon sa pagkakasunod, habang naiuwi naman ng De La Salle University jins Daphne Ching (8.100) at Mikee Rose Regala (8.067) ang bronze medals.

Nito lamang Mayo ay napagwagian ng biennial meet women’s recognized champion ang titulo sa 1st Online Daedo Open European Poomsae Championships na ginanap simula Mayo 4-10 sa women’s under 30 Female Individual event sa pagkuha ng kabuuang puntos na 7.565 para sa isa sa tatlong ginto ng bansa.

Noong nakalipas na 30th edition ng SEAG na ginanap sa bansa ay nagawang makamit ni Ninobla ang kampeonato sa pamamagitan ng gabuhok na kalamangan sa 4.833 points laban kay Thailand opponent Ornawee Srisahakit na may 4.832 pts.

Para sa sports management graduating student-athlete, higit na mas pinaghandaan nito ang national championships kumpara sa international meet dahil bahagyang kinulang sa abiso ang pandaigdigang kompetisyon.

“Tingin ko po mas maganda iyong performance ko this national dahil mas napaghandaan ko po ito and also mas nag-aim po ako ng higher for this,” wika ni Ninobla sa panayam sa kanya ng Radyo Pilipinas 2. “Medyo biglaan po kasi iyong European meet kase short notice lang po siya, kaya after that na-inspired ako na mas pagbutihan ko pa, and isa pa po medyo nakaka-pressure iyong nationals,” dagdag nito na patuloy na naghahanda para sa mga darating na kompetisyon, para makamit ang inaasam na ginto sa World Championships, gayundin ang 2021 SEA Games sa Vietnam at 2022 Asian Games sa Hangzhou sa China.

Buong tikas ring ipinamalas ni 30th SEAG silver medalist Patrick King Perez ng La Salle ang husay sa virtual online nang makuha ang 7.967 marka para higitan ang team na si Raphael Mella na may 7.933 para sa silver medal. Napunta ang bronze medals kina Joshua cachero ng Iloilo MVP (7.750) at Dominic Navarro ng UP Diliman (7.733).

“Hindi po ganoon naging kadali iyong performance kase kailangan ng matinding adjustments at home workout,” pahayag ni Perez. “Naging dikitan din po iyong laban namin, pero medyo sinuwerte lang kase smooth iyong performance ko dahil maluwag po iyong gym na pinaggalawan ko po,” dagdag nito.

Tinatayang 1,000 taekwondo jins ang nagpartisipa mula edad 6-60 anyos sa kauna-unahang online poomsae event.

 
 

Nanatiling buo ang suporta ng FIFA sa lahat ng 211 kasapi nito, kabilang ang Philippine Football Federation (PFF), sa laban kontra COVID-19. Naglabas kahapon ng bagong dokumento ang FIFA sa tulong ng World Health Organization (WHO) na maaring gamitin bilang gabay sa pagbawas at tuluyang pag-iwas sa pagkalat ng sakit habang naglalaro.

Ang pangunahing layunin ng dokumento ay pangalagaan ang kalusugan ng manlalaro, coach, opisyal, staff, media at lahat ng may kinalaman dito para makabalik ang aksyon. Sakop nito ang lahat ng uri ng Football, propesyonal o hindi, at dapat ito ay sang-ayon sa mga umiiral na patakaran ng pamahalaan ukol sa pampublikong kalusugan at malakihang pagtitipon.

Tugma ang laman ng dokumento sa mga nailabas ng pandaigdigang pamunuan ng ibang larangan ng palakasan gaya ng physical distancing, bawal maghiraman ng gamit, bawal ang kamayan at marami pang iba. Susuriin ang lahat tatlong araw bago ang laro o ensayo at magiging masinsin ang paghanap sa mga nakisalamuha sa mga positibo.

Ang pagbantay sa kalusugan ng lahat ay napakahalaga para sa FIFA. Patuloy nilang isusulong ang pansariling kalinisan, physical distancing, malusog na pamumuhay, pagkain ng wasto at pagbawas sa hindi kailangan na paglakbay.

Kailangang maiplano ng maayos ang pagbabalik ng football dahil sa natatamasang mga benepisyo ng pamayanan nito. Inaatasan ang mga pederasyon tulad ng PFF na mag-ingat ng mabuti sa paglatag ng plano para sa football oras na matapos na ang kasalukuyang krisis.

Hangga't walang natutuklasan na bakuna para sa COVID-19, tanggap ng FIFA na talagang magbabago ang timpla ng panahon. Sa huli, lahat ng mga may kinalaman sa Football ay may responsibilidad na pigilan ang pagkalat ng virus.

Umaasa ang PFF na makakabalik na ang Football oras na paluwagin ang mga patakaran ng quarantine. Lumikha sila ng mga panukala para sa posibleng pagbukas ng 2020 Qatar Airways Philippines Football League (PFL) sa Hulyo at naisumite na ito sa Games and Amusements Board (GAB) upang pag-aralan at ibigay sa Inter-Agency Task Force (IATF) para sa huling desisyon.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page