top of page
Search

KAHIT nasa gitna ng krisis sa kalusugan, patuloy pa rin ang Philippine Sports Commission (PSC) sa pagbigay ng serbisyo sa mga pambansang atleta. Noong Marso pa lang ay inagapan na nila ang sitwasyon at pinauwi sa kanilang mga lalawigan ang mga atleta na nakatira sa Kalakhang Maynila at Baguio City.

Nananatili ang tinatayang 30 atleta at ilang mga banyagang coach kahit ginawang pansamantalang quarantine facility ang ilang palaruan sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila at PhilSports Complex sa Pasig City.

“Dito nasubukan ang disiplina at tibay ng loob ng mga atleta at sana ay walang tamaan ng sakit,” wika ni PSC Chairman William Ramirez na panauhin sa pagbabalik ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum noong Lunes matapos huling magtanghal noong Pebrero. Sa unang pagkakataon, ang lingguhang pagtitipon ng mga editor at mamamahayag ay ginanap online.

Masaya rin niyang ibinalita na mataas pa rin ang morale ng mga atleta. Binuksan ng PSC ang mga serbisyong nitong medikal at pang-sikolohiya sa online para magabayan at bantayan ang mga atleta at malaking tulong din ang pagpatupad ng 20% diskwento ng mga atleta sa kanilang mga pangangailangan gaya ng pagbili ng pagkain, gamot at pamasahe sa pampublikong sasakyan.

Hindi rin dapat mag-alala ang mga atleta at makukuha ng buo ang kanilang buwanang allowance oras na bumalik ang mga pondo galing sa Philippine Amusement and Gaming Corporation. Kahit nabawasan ang allowance ng lahat, makukuha pa rin ito dahil nakasaad ito sa batas.

Nagpapadala din ang PSC ng pondo sa mga atletang nag-eensayo ngayon sa ibang bansa gaya nina EJ Obiena sa Italya, Hidilyn Diaz sa Malaysia at Carlos Yulo sa Japan. Pinag-aaralan kung anong aksiyon ang susunod sa mga banyagang coach na binibigyan ng mula $2,000 hanggang $5,000 bawat buwan subalit mas malamang na maiiwan ang mga lalahok sa 2020 Tokyo Olympics.

Nasa plano rin ang mass testing sa lahat ng atleta at mga empleyado ng PSC. Hinihikayat din ni Ramirez na magdaos ng mga online o digital na palaro ang mga NSA na maaaring magpatupad nito.

“Ginagawa nating lahat ang ating trabaho at patuloy nating ipagdasal ang atletang Filipino,” dagdag ni Chairman Ramirez bilang pangwakas. “Kung hindi mahalaga ay huwag na tayo lumabas at manatili sa loob ng bahay.”

 
 
  • Alvin Olivar / VA / MC
  • Jun 3, 2020

Tatlong koponan ng Philippine Basketball Association kabilang na rito ang kapatid na team ng San Miguel Beermen ang nag-negatibo sa COVID-19 test matapos dumaan sa testing protocol kamakailan.

Isinailalim ang SMB, Barangay Ginebra at Magnolia Hotshots team sa coronavirus testing para sa 70% sa workforce na dapat ipasuri bilang paghahanda sa muling pagbubukas ng pasilidad sa buong bansa.

“We are happy to report that all of our basketball players tested negative from the virus,” ayon kay SMC President and chief operating officer Ramon S. Ang na nagpasyang maglagay ng PCR-testing facility and laboratory sa mismong bakuran ng kumpanya upang makatulong sa government health facilities na nagsasagawa rin ng proseso ng COVID-19 tests.

Dahil ang PBA ang pinakapaboritong sports sa bansa, maging modelo dapat ang naturang liga na makaiwas sa paghawaan ng virus at iyan ang unang kokonsiderahin bago muling ibalik ang contact sports.

“We defer to the government’s wisdom and decision on when team-based leagues like the PBA will return especially if people’s lives are at stake. While we all miss the PBA, we need to first create a safe environment to limit the spread of the virus,” aniya.

 
 

Pipiliting iwagayway ng binatilyong si International Master Daniel Quizon ang bandila ng Pilipinas sa pagsabak nito sa Asian Juniors Online Chess Championships ngayong Huwebes, Hunyo 4.

Hawak ni Quizon, 15-taong-gulang mula sa Cavite, sa pagpasok sa maigting na bakbakan, ang momentum ng mga panalong naiposte niya kamakailan sa gitna ng pananalasa ng COVID-19.

Sa Asian Zonal 3.3. qualifying tournament na isinaayos ng Asian Chess at ginanap noong huling bahagi ng Mayo, humataw ng panalo si Quizon sa huling round kontra sa noon ay tumatrangkong Mongolian na si IM Dambasuren Batsuren upang makopo ang korona sa tulong ng makinang na tiebreak rekord kontra sa tatlong iba pang chessers.

Aalagwa rin si Quizon sa Philippine National Bullet Online Chess Championships noong Abril 2020. May 523 na apisyonado ng paspasang ahedres ang nag-ambisyong makaakyat sa trono pero binigo sila ni Quizon.

Makakasama ni Quizon sa Asian online chess tilt bilang Zone 3.3 qualifiers kasama sina Batsuren at ang isang pambato na bansa sa katauhan ni Chester Neil Reyes. Ang huli ay mainstay ng National University.

Marami ang umaasam na manatili ang magandang kapalaran ng mga Pinoy sa panahon ng pandemic at sa kasagsagan ng online chess. Kamakailan, sa FIDE Online Cup For Players With Disabilities, nahablot ng Pinoy na si FIDE Master Sander Severino ang pangalawang puwesto. Kung tutuusin, kamuntik na siyang maging kampeon dahil nakatabla niya sa unang puwesto si Polish GM Marcin Tazbir sa dulo ng kompetisyon pero nasingitan siya ng topseed nang ilapat na ang tuntunin sa tiebreak.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page