top of page
Search

Naaamoy na umano ang “seryosong” usapan sa pagitan nina boxing legend Manny Pacquiao at undefeated WBO welterweight champion Terence Crawford para sa itatakda nilang sagupaan ngayong huling bahagi ng taon.

Ayon sa source na The Sun, sinabi ni Top Rank promoter Bob Arum na hindi na palalampasin ang 2020 at may mangyayaring bakbakan kina Pacman at “Bud” at magaganap ang venue ng umbagan sa bansang Bahrain.

Hawak ng 41-anyos na Fighting Senator ang WBA superwelterweight title na nasungkit niya mula nang pitpitin si Keith Thurman at ibigay sa maangas na Kano ang kauna-unahang pagkatalo noong Hulyo, 2019.

Samantala, si Crawford ay naging undisputed lightweight champion noong 2017 bago nagwagi at umakyat sa WBO welterweight title nito ring nakaraang taon. Atat na talaga siyang makasagupa si Pacman at palagiang laman ng balita na hindi niya ito tinatantanan ng paghamon maging si WBC at IBF welterweight king Errol Spence, Jr. Kahit sino raw sa kanilang dalawa ay handang sagupain ni Crawford.

Pero kasalukuyan pang nagpapagaling si Spence mula nang maaksidente. Tumaob ang minamaneho niyang Ferrari, pero wala naman siyang mga sugat at natamong malulubhang pinsala. Lasing umano ang boksingero habang nagmamaneho.

Samantala, sa pagsasalita sa iFL TV ni Arum, aniya, “We hope to get (Terence) Crawford and (Manny) Pacquiao in action this year through our friends at MTK. We’re in serious talks with Bahrain, doing major fights there.”

 
 

Nadagdag ang pangalan ni modern pentathlon coach Valery Ilyin ng Russia sa mahabang listahan ng mga sports guru na pumanaw bunga ng COVID-19. Ang Ruso ay 72-taong-gulang.

Si Ilyin, isang dating disipulo ng fencing, ay laman ng Central Army Club sa Moscow kung saan niya ginagabayan ang mga modern pentathletes. Kasama sa kanila si Svetlana Yakovleva na naging isang world champion (1984) at si Tatyana Chermetskaya na nakasikwat ng ginto sa Goodwill Games (1986).

Kamakailan, binawian na rin ng buhay ang Albanian national boxing coach na si Skender Kurti dahil sa rin sa corona virus sa edad na 61. Pumanaw si Kurti habang nasa Infectious Diseases Hospital matapos itong ma-confine dahil sa hypertension. Buwan pa ng Marso ito nang ipasok ito sa pagamutan. Maliban kay Kurti, isa ring Russian wrestling coach (Magomed Aliomarov) at isang Swiss ski coach (Jaques Reymond) ang binawian din ng buhay dahil sa nakamamatay na virus.

Bukod pa sa kanila, kasama na sa listahan ng mga personalidad sa isports na nabiktima ng virus sina Teruyuki Okazaki, karate, Japan; modern pentathlete Robert Beck, USA; ang dating opisyal ng International Canoe Federation officer na si Marcel Venot (France), dating Japanese Olympic Committee offical (Matsushita Saburo, Japan), Antonio Melo, fencing, Venezuela; unang black boxing referee ng Olympics (Carmen Williamson, USA), Lukman Niode, swimming, Indonesia; at ang mga tracksters na sina Italian runners Donato Sabia at Francesco Perrone.

 
 

Sumakabilang-buhay na nitong Martes si Wes Unseld, isa sa itinanghal ng 50 Greatest Players ng NBA, dahil sa sakit na pneumonia sa edad na 74. Nakuha ni Unseld ang dobleng karangalan ng Most Valuable Player at Rookie of the Year noong 1969 bilang bahagi ng Baltimore Bullets na ngayon ay Washington Wizards.

Si Unseld ang Finals MVP sa nag-iisang kampeonato ng prankisa noong 1978 kung saan tinalo ng Washington Bullets ang Seattle Supersonics, 4-3. Matapos ang kampeonato, bumisita sila sa Pilipinas upang maglaro ng exhibition game kontra sa pinagsamang mga bituin at import ng PBA sa Araneta Coliseum.

Sa tangkad na 6’7”, siya na ang pinakamaliit na sentro sa NBA noong panahon na iyon. Subalit nabiyayaan siya ng malapad, malakas na katawan at diskarte upang talunin ang mga bantay niyang higante.

Mas maraming rebound ang nasungkit ni Unseld kaysa puntos sa kanyang buong karera. Nagtapos siya na may average na 10.8 puntos at 14.0 rebound sa 984 na laro mula 1968 hanggang 1981.

Nagtrabaho siya sa opisina ng Bullets hanggang tinalaga siya bilang coach noong 1988, isang posisyon na hinawakan niya hanggang magbitiw noong 1994 na may pangkalahatang kartada na 202-345 panalo-talo. Nanatili siya bilang General Manager ng koponan hanggang 2003.

Pinanganak si Westley Sissel Unseld noong March 14, 1946 sa Louisville, Kentucky at hindi na siya lumayo, nag-aral at naglaro para sa University of Louisville Cardinals sa NCAA. Nahalal siya sa Naismith Basketball Hall of Fame noong 1988 at ang kanyang damit na numero 41 ay retirado ng Wizards.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page