top of page
Search

ni VA @Sports | August 12, 2024



Sports News
Filipino-Canadian Kayla Sanchez at Filipino-American Jarod Hatch / POC Media / Jarod Hatch

Matapos kumampanya sa 2024 Paris Olympics, nakatakdang sumabak sa idaraos na national trials ng Philippine Aquatics Inc. (PAI) sina Filipino-Canadian Kayla Sanchez at Filipino-American Jarod Hatch.


Ang nasabing  trials ay nakatakdang ganapin bago matapos ang kasalukuyang buwan sa Teofilo Ildefonso swimming pool sa Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Manila.


Kasama ng dalawang Olympian swimmers na lalahok sa trials sina Cambodia 2023 Southeast Games (SEAG) champions Teia Salvino (100m backstroke) at Xiandi Chua (200m backstroke); Vietnam 2021 SEAG gold medalist Chloe Isleta (200m backstroke); 2024 Asian Age Group Championships gold medalist Jamesray Ajido (100m butterfly) at mga bronze medalists na sina Jasmine Micaela Mojdeh at Heather White gayundin si 2023 World Aquatics Championships campaigner Jerard Dominic Jacinto.


Ang unang tatlo sa anim na araw na tryout ay gaganapin sa Agosto 15-18 habang ang huling bahagi ay idaraos sa Agosto 20-23. “We welcome them, arms wide open and thankful that Fil-foreign athletes are now showing a big desire to join our national pool," pahayag ni PAI secretary general Eric Buhain sa news release na kanilang inilabas.


Pipiliin sa tryouts para sa short (25m) at long (50m) courses ang magiging miyembro ng national team para sa World Aquatics World Cup series at 46th Southeast Asian Age Group C'ships; gayundin sa World Aquatics C'ships sa Singapore sa 2025.


Gaganapin ang World Cup sa Shanghai, China sa Okt. 18 - 20 (Series 1), Incheon, South Korea sa Okt. 24 - 26 (Series 2); at Singapore sa Okt. 31 hanggang Nob. 2 (Series 3).

Nakatakdang idaos ang championships sa Dis. 10 - 15 sa Budapest, Hungary.   

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | August 12, 2024



Sports News
Photo: Dottie Ardina at Bianca Pagdanganan / Dottie Ardina / LPGA Tour

Tinuldukan nina Pinay parbusters Bianca Pagdanganan at Dottie Ardina ang kanilang kampanya sa women's golf ng  2024 Paris Olympics sa pamamagitan ng mga nagbabagang rounds sa palaruan ng Le Golf National sa France. 


Kapwa kumamada ng palabang 4-under-par 68 sa huling 18 butas ng Olimpiyada ang dalawang pambato ng bansa para sa pinakamainit na laro nila sa nakalipas na apat na araw ng prestihiyosong kompetisyon. Pareho rin silang nakapagposte ng dalawang malulupit na birdies sa huling dalawang holes.


Pero naubusan na ng butas ang mga sinasandalan ng Pilipinas kaya nakuntento na lang si Pagdanganan (72-69-73-68) sa pang-apat na puwesto habang napunta naman si Ardina (76-72-69-68) sa pang-13 baytang. 


Sa kaso ni Pagdanganan na umiskor ng kabuuang 6-under-par 282 strokes, isang palo lang ang naging agwat sa kanya ni bronze medalist Xi Yu Lin (281) ng China. Sa kasamaang palad, ang kalamangang nabanggit kontra sa 26-taong-gulang na bituin ng Bulacan ay pahabol lang dahil nairehistro ito matapos maisalpak ng Intsik ang birdie sa huling butas.


Kay New Zealand ace Lydia Ko (278) isinabit ang gintong medalya habang nakuha naman ni Esther Henseleit (280) ng Germany ang pilak. Ang gold ni Ko ay pangatlo na niya sa kasaysayan ng Olympics. Nakapodium din siya noong 2016 at 2020.


Bagamat kinapos sa paghabol sa podium, taas-noong naipakita ng dalawang Pinay ang palabang porma at ang hataw hanggang sa dulo ng 72-hole na kompetisyon kontra sa pinakamalulupit na lady golfers ng buong mundo. Kapwa rin nagtapos sina

Pagdanganan at Ardina na angat kay 2020 Tokyo Olympics champion at world no. 1 Nelly Korda (22nd) ng Estados Unidos.  

 
 

ni MC @Sports | August 12, 2024



Sports News
Photo: POC

Itinakda sa Miyerkules, Agosto 14 ang heroes' parade ng Filipino athletes na lumahok sa 2024 Paris Olympics ayon sa Office of the Presidential Protocol kahapon.


Ayon kay Reichel Quiñones, Chief of Presidential Protocol and Presidential Assistant on Foreign Affairs, darating si two-time Olympic champion Carlos Yulo at iba pang Filipino Olympians sa bansa ng 6 pm ngayong Martes.


Sasalubungin sila ng First Family ng Malacañang at matapos iyan ay isang awarding ceremony at dinner reception ang idaraos. Ayon sa Presidential Communications Office igagawad na rin sa Olympians ang kanilang cash incentives.


''The President will be announcing a cash incentive upon the welcome honors for the Olympians,''ayon kay Presidential Communications Office Assistant Secretary Dale de Vera sa isang Palace press briefing. Ang motorcade ayon kay Quiñones ay magsisimula sa Pasay.


''The following day [Wednesday], the athletes will be picked up from their [places of accommodation] and be brought to Aliw Theater where a motorcade will be held, from Aliw Theater to the Rizal Memorial Sports Complex,'' saad pa ni Quiñones sa isang Palace press briefing.


Ang 7.7-kilometer motorcade ay magsisimula sa Aliw Theater iikot sa Roxas Boulevard, kakanan sa P. Burgos at didiretso sa Finance Road. Pagdating sa Taft Avenue, kakanan sa Quirino Avenue patungo sa Adriatico Street at magtatapos sa Rizal Memorial Sports Complex.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page