top of page
Search

ni MC @Sports | Sep. 21, 2024



Sports News

Tuloy ang pagtuklas ng Philippine Aquatics, Inc. (PAI) sa mga bagong talent sa grassroots level sa paglarga ng Go Full Swim Series long Course Swimming Meet Leg 1 ngayong weekend sa Teofilo Yldefonso Swimming pool sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex Malate, Manila.


Tampok ang mga batang swimmers mula sa mahigit 30 swimming club na nasa pangangasiwa ng PAI ang magtatagisan ng kasanayan at talento sa torneo na inorganisa ng tanging national sports association sa bansa sa pagtataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC).


“We’re blessed and grateful na muling itaguyod ang PAI-Speedo para patuloy nating maisulong ang grassroots development program.


Hindi lamang po ito sa swimming at sa Manila bagkus sa iba pang discipline ng aquatics tulad ng open swimming at nagaganap din ito sa iba’t ibang lalawigan sa pamamagitan ng ating mga regional members,” pahayag ni Buhain.


Nakataya sa torneo ang team overall championships sa mga event ng Class A, B, C at D. Nakalinya rin sa serye ang Leg 2 sa October 19-20 at Leg 3 sa Nov. 16-17 na pawang isasagawa sa RMSC venue. Bukod dito, ratsada rin ang PAI sa CARAGA Series Leg 1 sa Oct. 26-27 sa FSSU Morelos Campus sa Butuan City at ang Open Water Swim Championships sa October 26 sa Dusit Thani seaside sa Mactan City sa Cebu.


“Pinalalakas natin ang mga programa hindi lamang sa Manila pati na rin sa ating mga region. Kailangan natin ang regular meet sa mga probinsiya tulad nito para makita natin ang improvement ng ating mga swimmers bago sila mapalaban sa mas kompetitibong meet and eventually make it to the National Team,” sambit pa ni Buhain.


Nauna nang naisagawa ang Short Course Leg 1 championship sa Central and Northern Luzon Luzon nitong Setyembre 14-15 sa Lingayen, Pangasinan.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 24, 2024



Sports News

Naging tama ang desisyon ng beteranong manakbong si Richard Salano at kinoronahan siyang kampeon ng Gatorade Manila Half-Marathon kahapon sa Mall of Asia. Ang nasabing 21.1 kilometrong karera ay nagsilbi rin bilang patikim para sa mas malaking Philippine Half-Marathon Series sa 2025. 


Nakarehistro na ako pero naisip ko na linggo-linggo na ako tumatakbo at kailangan ko magpahinga,” kuwento ni Salano matapos umoras ng 1:11:23 para sa dagdagan ng isa pang tropeo ang kanyang koleksiyon. “Sa huli nagpasya ako na tumuloy.” 


Buong karera ay nagbantayan sina Salano at ang pumangalawang si Dickyias Mendioro na umoras na 1:11:44 o 21 segundo lang ang agwat. Pagdating sa huling u-turn sa Seaside Boulevard ay humataw si Salano at iniwan si Mendioro habang malayong pangatlo si James Kevin Cruz na 1:16:26. 


Walang nakasabay kay Nhea Ann Barcena sa panig ng kababaihan at kampeon siya sa 1:28:18 at pinaglabanan na lang ang 2nd place nina Maria Joanna Una Abutas (1:32:25) at Mea Gey Ninura (1:37:52). Sinariwa niya ang ala-ala ng isa pang karera na inorganisa ng Runrio noong 2016 kung saan ang siya naging pangkalahatang pinakamabilis – babae o lalake – sa espesyal na  distansyang 22 kilometro. 


Sa iba pang kategorya, nanaig si SEA Games Triathlon gold medalist Kim Mangrobang sa 10 km sa oras na 41:44. Si James Darrel Orduna ang kampeon sa kalalakihan sa 33:45. Sa 5km wagi si Cavin Vidal (17:04). Pinakamabilis sa kabaihan si Joneza Mie Sustituedo (20:50). 


Inanyayahan ni Coach Rio dela Cruz ang lahat na sumali sa Gatorade Manila Marathon sa Okt. 6. Sa 2025 ay maghihiwalay ang dalawang karera at ang Half-Marathon ay magiging bahagi ng serye na iikot sa siyam na iba pang lugar Baguio, Imus, New Clark, Legazpi, Cebu, Iloilo, Dapitan, Davao at Cagayan de Oro.  

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 20, 2024



Sports Photo

Mga laro ngayong Huwebes – MOA

11:00 AM Alemanya vs. Canada

3:00 PM Iran vs. Netherlands

7:00 PM Brazil vs. Estados Unidos 


Hahanapin ng Canada ang kanilang ikalawang panalo sa pagpapatuloy ng 2024 FIVB Men’s Volleyball Nations League (VNL) ngayong Huwebes sa MOA Arena. Nakaharang sa kanila ang inspiradong Alemanya sa pambungad na laro sa 11:00 ng umaga.


Sariwa ang mga Canadian sa makapigil-hiningang tagumpay kontra sa paboritong Japan sa limang set noong Martes ng gabi – 25-21, 20-25, 25-15, 20-25 at 15-10. Bumida sa ika-limang set si Arthur Szwarc na gumawa ng lima ng kanyang kabuuang 15 puntos habang buong laro namayani si Stephen Maar na nagsabog ng 24 kasama si Eric Loeppky na may 15 din.


Umangat ang Canada sa 5-4 at solong ika-pitong puwesto. Kahit bigo, pasok pa rin ang Japan sa Top Eight na 6-3. Kinailangan ng apat na set ang mga Aleman bago masugpo ang Pransiya, 25-23, 25-27, 25-20 at 25-23. Sumandal ang Alemanya sa 20 puntos ni Gyorgy Grozer at sumuporta sina Moritz Reichert at Lukas Maase na parehong may 12. 


Umakyat ang Alemanya sa 4-5 at nagbabantang makapasok sa quarterfinals at lalong naging mahalaga na makapanalo sila sa Canada. Pansamantalang dumaan sa lubak ang mga Pranses, ang defending Olympic gold medalist, pero nanatili pa rin sa pang-apat sa liga sa kartadang 6-3. 


Hahanapin ng Netherlands ang kanilang unang panalo sa pagharap sa kulelat na Iran sa 3:00 ng hapon. Wawakasan ang aksiyon ng tapatan nga Estados Unidos at Brazil sa 7:00 ng gabi. 


Sa mga kasabay  na laro sa Ljubljana nanalo ang Bulgaria sa Turkiye, 27-25, 25-20, 12-25 at 25-22. Sinundan ito ng tagumpay ng host Slovenia sa Argentina, 25-23, 25-22 at 29-27.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page