top of page
Search

Salaminin natin ang panaginip ni Sarah na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,

Nakakatakot ang panaginip ko dahil takbo ako nang takbo. Bakit madalas na ganito ang panaginip ko?

Naghihintay,

Sarah

Sa iyo Sarah,

Hindi naman masama ang managinip ng takbo nang takbo. Minsan ang pagtakbo ay pagmamadali na makarating sa dulo ng landas ng buhay na makakaharap niya ang katuparan ng kanyang mga pangarap.

Minsan, ang takbo nang takbo sa panaginip ay nagpapayo na dapat magmadali ang nanaginip na ang pahabol na kahulugan ay dagdagan niya ang lakas at sigasig nang sa gayun ay mapabilis ang kanyang tagumpay. Pero dahil ayon sa iyo ay nakadama ka ng takot sa likod ng iyong panaginip, hindi gaanong kagandanhan ang kahulugan nito.

Kapag nanaginip ng takbo nang takbo at takot ang nanaginip, ibig sabihin, siya ay may nagawang kasalanan o pagkakamali sa buhay.

Dahil dito, siya rin ay pinapayuhan na kung kasalanan ang kanyang nagawa, kailangang humingi siya ng tawad sa nagawan niya ng masama. Mahirap gawin ito, pero may ibang bagay na puwedeng gawin at ito ay ang huwag nang uulitin ang kanyang ginawang kasalanan sa mismong tao na nagawan ng kasalanan at huwag nang uulitin ang sa ibang tao.

Dahil ang utos na huwag kang magkasala ay utos ng Diyos, marapat lang na kay God humingi ng tawad. Ang totoo, nasusulat na wala namang kasalanan kung walang kautusan, kaya mahirap mang paniwalaan, ang tao ay sa Diyos nagkakasala dahil si God ang may gawa ng kautusan.

Dahil hindi tao ang gumawa ng kautusan, puwede rin naman na hindi sa tao humingi ng tawad, pero mas maganda kung magagawa mo na humingi ng tawad sa Diyos at tao.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

Salaminin natin ang panaginip ni Bea na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,

Nakatutuwa ang panaginip ko dahil galit na galit ako sa barangay captain dito sa amin dahil hindi niya kami binibigyan ng ayuda. Tuwing magbibigayan, nilalagpasan nila ang bahay namin at ‘yung upuan na inilalagay namin sa tapat ng bahay ay wala talagang laman.

Sa totoong buhay, lagi kaming may relief goods at mabait ‘yung mga taga-bangaray sa amin at wala naman silang problema. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Naghihintay,

Bea

Sa iyo Bea,

May mga hindi binibigyan ng ayuda at sila ang may malaking bahay o alam ng barangay na hindi naman nila kailangan ng relief goods. ‘Yung iba na hindi nakasama sa bigayan ay ang mga may-kaya at sila na mismo ay ang namimigay, as in, may relief goods sila na ibinibigay sa kanilang mga kapitbahay.

‘Yung iba naman ay binibigyan din kahit mayaman dahil alam nila na kahit mayaman ay gusto pa ring makakuha ng ayuda, tapos magagalit pa kapag hindi siya naisama kaya para lang hindi magkaroon ng magulo, kahit mayaman ay binibigyan din.

Ayon sa iyong panaginip, hindi na magtatagal ay gaganda na ang buhay mo mas malamang na umasenso ka at tuluyan nang yumaman. Dahil sa iyong panaginip, hindi ka na napabibilang sa mga dapat makatanggap ng ayuda mula sa barangay ninyo.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

Bigyang-daan natin ang ilang kaalaman tungkol sa darating na new normal pagkatapos ng COVID-19.

Tulad ng nasabi sa nakaraang artikulo, mapabibilang sa new normal ang hindi pagbubukas ng mga negosyong may maliit na puhunan. Ito ay kung hihigpitan ng mga awtoridad ang pagkakaroon ng shuttle service ng mga kumpanya na maghahatid-sundo sa mga empleyado. Napakalabong magawa ito ng mga negosyong wala namang malaking puhunan.

Gayunman, ang pagbibigay ng facemask sa mga manggagawa ay maaari nilang kayanin, pero sila rin ay mahihirapan dahil ito ay dagdag-gastusin, ganundin kung ipipilit ng pamahalaan na regular na paglilinis ng place of business.

Paano pa kung oobligahin sila na magkakaroon ng COVID-19 test ang mga tauhan o manggagawa? Kaya mahirap mang paniwalaan, malabong magbukas muli ang kanilang negosyo, lalo na kung maliit ang kanilang puhunan.

Anu-ano pa ang mga bagay na mapabibilang sa new normal?

  • Kinakaharap natin ang katotohanan na ang malalaking kumpanya lang ang makasusunod sa atas ng awtoridad.

  • Ang isa pang tagong new normal ay ang magnenegosyo pa rin ang malalakas ang loob dahil kailangan nilang mabuhay o buhayin ang kanilang pamilya.

  • Dahil dito, dadami ang mapabibilang sa underground economy dahil ang isa pang mahirap intindihin ay ang mga ayon sa kanila ay pinag-aaralan nila nang maigi ang mga ipatutupad na batas, pero ang nakikita o nararanasan ng mga Pinoy ay ang pabagu-bagong patakaran.

Wala namang nangangarap na ang ganitong sitwasyon ay mapabilang sa new normal kaya mas maganda na pag-aralang mabuti ang mga ipatutupad na batas.

  • Sa ayaw o sa gusto ng mga awtoridad, hindi na susundin ng mga tao ang social distancing dahil hindi puwedeng alisin ng tao ang nakasanayang pagiging sa close siya sa mahal sa buhay at kaibigan.

Ito ay sa dahil labag sa likas na katangian ng lahat ng may buhay ang ipinatutupad na social distancing. Kaya nakagugulat, pero dapat na tanggapin ng mga awtoridad na aayaw ang tao sa pagsunod sa social distancing.

Itutuloy

 
 
RECOMMENDED
bottom of page