top of page
Search

Salaminin natin ang panaginip ni A R Sabas na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,

May mga kasama akong naliligo sa ilog na malinaw ang tubig, tapos sumisid ako at may nakita akong ginto. Kinuha ko ‘yun, tapos pag-ahon ko, tuwang tuwa ako dahil ginto talaga ‘yung nakuha ko.

Tapos, umaakyat naman ako sa hagdanan kasama ang nanay ko dahil may outing kami at nasa pinaka-tuktok ‘yung ang kuwarto namin. Sobrang ang taas ng inakyat namin, tapos inaalalayan ko si nanay hanggang sa makarating kami sa tuktok. Pinagpahinga ko siya habang nag-aayos ako ng mga gamit namin, tapos may kumatok at sinabing may naiwan daw siya. Nakita ko lang ay coins, candy at hikaw, kaya ibinigay ko sa kanya, tapos umalis na siya.

Nagulat ako dahil may nakasilip sa bintana, tapos tinanong ko kung anong ginagawa niya ru’n, at sinabi niyang matagal na niya akong sinusubaybayan at natutuwa siya. Hindi nawawala ang ngiti niya habang kausap ako, tapos nginitian ko na lang din siya. Babae siya at nakita ko rin ‘yung mukha niya, pero ‘di ko siya kilala at mukhang ka-edad ko lang siya.

Naghihintay,

A R Sabas

Sa iyo A R Sabas,

May mga babaeng nakamamangha kapag nakita natin dahil sa nakamamanghang personalidad, may magnanais na arukin ang kanyang pagkatao. Ang salitang “arukin” ay katumbas ng sisirin o pagsisid sa malalim na tubig ng ilog o dagat.

Sa ganitong paunang impormasyon, ayon sa iyong panaginip, may makikilala kang babae at dahil sa kakaibang dating niya sa iyo, aarukin mo ang kanyang pagkatao, kumbaga, sisisirin mo ang kanyang mga katangian at matukalasan mo na ginto ang nakatago sa kanyang malalim na personalidad.

Sa iyong panaginip, nakaahon ka pa. Buti na lang, nakaahon ka dahil marami sa mga lalaki na nagtangkang sisirin o alamin ang malalim na pagkatao ng babae ay hindi na nakaahon dahil siya ay mabibihag at mamamalaging alipin ng nasabing babae.

Dahil ikaw ay nakaahon pa, ibig sabihin, ang iyong magiging relasyon ay give and take na ginto o magagandang bagay o gintong kapalaran ang mapasasaiyo pero ang makukuha naman niya sa iyo ay hindi pa natin alam dahil walang binabanggit tungkol dito ang iyong panaginip.

Ang isa mo pang panaginip na umakyat kayo ng nanay mo sa hagdan hanggang sa pinakatuktok ay nagsasabing mararating mo ang katuparan ng iyong mga ambisyon sa buhay sa kondisyon na hindi mo kalilimutan ang mga aral sa buhay na natutunan mo sa iyong nanay.

Ang babae naman na nagsasabing noon ka pa niya sinusubaybayan ay babae na noon pa man ay madalas ka na rin niyang mapanaginipan.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

Bigyang-daan natin ang ilang bagay na puwedeng isabuhay ngayong may COVID-19.

Hindi lang ang madalas na paghuhugas ng mga kamay ang inirerekomendang gawin dahil ang pagkain ng mga prutas ay maganda ring isabuhay ngayon at kahit tapos na ang lockdown. Pero hindi madali ang magtanim ng prutas dahil maraming taon ang kailangan para ito ay mapakinabangan. Dahil dito, ang pinakamadaling gawin ay ang magtanim ng gulay at prutas na magpapalakas ng ating immune system.

Oo, madali lang magtanim ng gulay kaya puwedeng gawin agad at tiyak na ilang araw lang ay agad na itong pakikinabangan.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na kapag itinanim ang talbos ng kamote, ito ay tutubo agad dahil puwede itong itusok sa paso at plastic bottles. Diligan ito paminsan-minsan, pero mas maganda kung araw-araw itong didiligan.

Bakit ka bibili ka pa ng talbos kung tiyak naman na sa loob ng isang linggo ay puwede nang talbusan ang sarili mong tanim? Sa palengke, more or less ay limang piraso lang ang tangkay ng talbos na nasa isang tali na iyong nabili. Kaya para mas maganda, limang piraso rin na tangkay ang itanim mo para marami ang aanihin mo. Pero sa susunod na linggo, higit sa 5 tangkay ang makukuha mo dahil maglalabasan ang mga sangay at makakaroon din ito ng mga talbos.

Kaya sa susunod na pagpitas mo at ang nakonsumo lang ay limang piraso, puwede mo na ring bigyan ang iyong mga kapitbahay dahil paparami nang paparami ang bilang ng aanihin mong mga talbos. Sa huli, nakagugulat dahil puwede mo na ring ibenta ang inaani mong talbos ng kamote.

Ganito rin ang alugbati na kakumpitensiya na ng talbos ng kamote dahil marami nang gumagamit nito sa pagluluto at tulad din ng talbos, ito rin ay puwedeng ulamin.

Pero may isang talbos na pinakasikat sa lahat at ito ay ang kangkong. Noon, walang English sa kangkong, pero ngayon, ito ay tinatawag na watercress at madalas ay tinatawag din na water spinach.

Sa kasalukuyang nakikita natin sa mga ilog at body of fresh water, napakarami at napakalawak na taniman ng kangkong. Kaya inaakala ng iba na sa tubig lang ito nabubuhay at mali ang ganu’ng paniwala dahil maging sa lupa, bakuran, paso at iba pang containers ay puwedeng tumubo ang kangkong.

Ang totoo nga, ang unang kangkong sa ‘Pinas ay tumutubo sa bukid, kaya noon pa man ay isinasama ng mga sinaunang Pinoy na pansahog ang kangkong sa iba’t ibang lutuin, pero ang pinakasikat noon ay ang nilagang kangkong kung saan pakukuluan lang ito at puwede ng iulam at minsan, isasawsaw sa asin, patis o toyo. Ganyan ang buhay sa probinsiya dahil napakaraming kangkong sa paligid.

Sa makabagong panahon, mula sa China, dinala nila ang pagtatanim ng kangkong sa pamamagitan ng pag-aalaga sa body of fresh water o ilog na ang tubig ay matabang o hindi maalat.

Malambot kainin ang makabagong kangkong at ito rin ay malutong kapag inaani. Ang Tagalog na kangkong na hanggang sa ngayon ay may makikita pa rin naman sa mga probinsiya ay makunat at medyo matigas kahit na naluto na.

Itutuloy

 
 

Salaminin natin ang panaginip ni Rochelle na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,

Umuwi rito sa Pilipinas ‘yung ka-chat ko, pero nasa Manila pa siya at hindi makapunta rito sa samin sa Nueva Ecija, kaya ang laki ng problema ko dahil naka-lockdown sa amin at sa Manila.

Tapos, pumunta ako sa barangay namin at sinabi ko sa kapitan ang problema ko at sinabing pahihiramin niya ako ng sasakyan ng barangay para masundo namin ang ka-chat ko.

Naghihintay,

Rochelle

Sa iyo Rochelle,

Kapag malungkot ang tao, ang kanyang panaginip ay gumagawa ng paraan para siya ay sumaya. Dahil dito, malinaw na pinaghaharian ka ng kalungkutan ngayon. Gayunman, kahit ang tao ay nabubuhay sa lungkot, may ilang bagay pa ring nagpapasaya sa kanya, kumbaga, ang buhay ay hindi naman puro loneliness. Kaya malinaw din na sa pakikipag-chat, ikaw ay sumasaya. Sabagay, tiyak din na hindi lang ikaw ang sumasaya sa pakikipag-chat, lalo na ngayong hindi makalabas ang mga tao at puro internet lang ang ginagawa nila.

Sa iyong panaginip na pumunta rito ang ka-chat mo, ibig sabihin, siya ay foreigner. Masuwerte ka dahil marami sa mga foreigner na nakikipagchat ay mababait at bukas ang kanilang puso para sa mga Pinay. Pero may kondisyon at ito ay ang kailangan, matagal nang ka-chat ang foreigner dahil kapag hindi pa siya matagal na kapalagayang-loob, hindi puwedeng sabihin na siya ay mabait.

Gayundin, sa iyong panaginip, makikitang may katagalan na kayong magkakilala, kaya hinahangad mong makapunta siya rito. Ayon sa iyong panaginip, puwede siyang bumisita sa atin dahil sa kayo ay matagal na ring magkakilala.

Pero hindi pa ito ngayon dahil tulad ng nasabi na, kaya mo siya napanaginipan ay dahil nakakulong ka sa bahay.

Muli, inaaliw ng panaginip ang tao kapag siya ay nalilito na sa kung ano ang gagawin sa lungkot na naghahari sa kanya.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page