top of page
Search

Salaminin ang natin ang panaginip ni Alicia na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,

May ibinebenta akong bahay na dati ko nang nabili at ‘yung tatlong bintana ay walang takip, as in, nakabukas lang at natatanaw sa labas ang malawak na bukid. May mga tanim na palay, maliwanag ang langit at berdeng dahon ng mga puno.

May buyer kaming buntis, tapos ‘yung asawa ko ay bumibili ng mga gulay sa mga nakabilao – may talbos ng kalabasa, dahon ng mais na panlaga, malunggay at iba pang mga gulay.

Ano ang ibig sabihin nito?

Naghihintay,

Alicia

Sa iyo Alicia,

Saan ka man naroon, ang sabi ng panaginip mo ay nababagot ka na. Ikaw ay makikitang hindi na masaya sa araw-araw na takbo ng buhay mo. Sa totoo lang, ang sinabi kong “saan ka man naroon” ay malamang nasa siyudad ka at malayo sa probinsiya.

Napanaginipan mo ang senaryo sa probinsya dahil kailangang magbago ang pakiramdam mo. Mahirap paniwalaan, pero ang mga panaginip ay tumutulong sa tao para sa ikagiginhawa ng kanyang kalooban.

Ang panaginip mo ay hindi nalalayo sa awiting bayan na nauso noong araw at ito ay ang Bahay Kubo. Nakaaaliw ang awiting ito kaya lahat ng Pinoy noong panahon ‘yun ay inaawit ito. May isa pang mahirap paniwalaan na kapag inawit ito ay may kakaibang saya ang madarama ng Pinoy.

Bilang katuwaan pero isa ring seryosong bagay, bakit hindi mo subukang awitin ang Bahay Kubo? Subukan mo dahil wala namang mawawala sa iyo kapag inawit ito at baka magulat ka pa dahil may kakaibang saya na mapasasaiyo.

Muli, ang panaginip ay gumagawa ng paraan para maibsan o mabawasan ang kalungkutan ng tao, gayundin, puwede siyang tuluyang sumaya at sumigla.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
  • Socrates Magnus
  • Jun 2, 2020

Salaminin natin ang panaginip ni Unay Armel na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,

Ano ang ibig sabihin ng panaginip na may malaking isda na lumapit sa anak kong nanaginip at gustong magpakuha nu’ng isda na parang malaking balyena?

Naghihintay,

Unay

Sa iyo Unay,

Hindi naman gaanong mahirap mag-interpret ng panaginip. Ang totoo nga, simple lang ito at kahit sino ay puwedeng magsabi ng mga kahulugan ng panaginip. Ito ay para lang sa ating mga Pinoy dahil malapit tayo kay Lord at sinasabing sa buong Asia, tayo ay numero-unong kumikilala sa Banal na Kasulatan. Kaya para sa mga gustong matuto ng dream interpretation, ang payo ay magbasa ng Bible dahil dito makikita ang mga simbolo sa panaginip at kanilang mga kahulugan.

Nasusulat, isang malaking isda na parang malaking balyena ang lumapit kay Jonas. Napansin mo ba ang panaginip ay tugma sa naranasan ni Jonas? Ang sabi sa nasusulat, ang isda ay simbolo ng kaligtasan.

Sa mga tunay na Kristiyano, hindi lang Krus ang unang simbolo ng kaligtasan dahil ang isda, larawan ng isda o bagay na hugis isda ay ginagamit ng mga unang Kristiyano para malaman kung sinu-sino ang kanilang mga kapanalig. Kumbaga, kapag ang tao ay walang larawan o bagay na hugis isda, alam na nila ang taong ‘yun ay espiya kaya mag-iingat sila.

Kaya isda ang simbolong ginamit ng mga Kristiyano sa panahon na kung tawagin ay “great persecution” kung saan ang mga naniniwala kay Kristo ay pinapatay. Dahil dito, ang napanaginipan ng anak mo na isda na inilarawan ng Banal na Kasulatan na lumapit kay Jonas ay nagbabalita na siya ay maliligtas sa Covid-19. Ito ay kanyang napanaginipan dahil na rin sa tagong katotohanan na ang anak mo ay lihim na takot sa Covid-19.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

Salaminin natin ang panaginip ni Olive na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,

Napanaginipan ko na may ngipin na ‘yung baby ko sa taas at baba, tapos lima hanggang anim na ngipin na ‘yun. Kitang-kita ko na tumubo na talaga ‘yung mga ngipin at hindi parang patubo pa lang.

Nu’ng nakaraang mga linggo, wala pa siyang ngipin at apat na buwan pa lang siya. Ano ang ibig sabihin nito?

Naghihintay,

Olive

Sa iyo Olive,

Iba na ang mundo ngayon dahil umabante na ang mga kaalaman, teknolohiya, agham at maging ang mga tao ay malaki ang isinulong ng personalidad. Kaya marami ang nagsasabi na ngayon at sa mahabang mga panahon, ang mundo ay hindi na maaawat sa pag-unlad.

Pero ang pag-unlad ay hindi naman simpleng bagay dahil dapat ay kasabay ng pag-unlad ng mundo ang pag-unlad ng mga tao. Ano pa ang silbi ng maunlad na mundo kung ang mga tao ay hindi naman makasabay?

Ang pag-unlad ng mga tao ay nakabase sa kanyang maunlad na buhay, kumbaga, maganda ang kanyang kabuhayan at ito ay nakakapit naman sa paniniwalang dapat ay may magandang kinikita ang tao o sila ay nagsisiyaman.

Ang yaman naman ay nakaangkla sa sinasabing dapat ay may magandang hanapbuhay o pinagkakakitaan ang tao.

Sa ganitong paunang pananaw, ayon sa iyong panaginip, nagmamadali ang kapalaran mo. Dahil dito, nasasalamin sa panaginip na ang tagong hiling mo ay sana mabilis na lumaki ang baby mo dahil sa near future, ikaw ay magiging abala sa pagpapaunlad ng iyong kabuhayan. Ibig sabihin, hindi magagawa ng magulang na tutukan ang kabuhayan kapag ang tinutukan niya ay ang kanyang mga anak.

Muli, para malinaw, ito ay hiling mo lang naman. Huwag kang mag-alala dahil kapag ang tao ay nakatakdang yumaman tulad mo, may baby ka man o wala, yayaman ka.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page