top of page
Search

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Pebrero 10, 2024


Dear Sister Isabel,


Napilitan akong sumangguni sa inyo kahit ayoko sanang malaman ng iba na may anak akong special child. 


Itinago namin siya sa publiko, at inilayo sa aming lugar. Kumuha kami ng yaya na mag-aalaga sa kanya. 


Madalas naman kaming bumibisita roon at natutulog kami roon simula Lunes hanggang Biyernes. Kapag Linggo naman ay ipinapasyal namin siya. 


Napansin namin na habang lumalaki siya, mas lalo siyang nagiging bayolente. Lagi niyang sinasaktan ang kanyang yaya hanggang sa dumating sa punto na wala ng yaya na tumatagal sa kanya. Sinubukan din namin siyang kuhaan ng tutor para sa katulad niya, pero wala ring nangyari. 


Nagpakonsulta na rin kami sa doktor, at nagkaroon naman ng kaunting development sa kanya. 


Ano kaya ang dapat naming gawin, Sister Isabel? Alam kong mapapayuhan n'yo ako para mag-improve kahit papaano 'yung katayuan ng anak kong special child. 


Nagpapasalamat,

Bella ng Pampanga


Sa iyo, Bella,


Unang-una hindi n'yo dapat hiniwalay sa inyo ang anak mong special child. 


Hindi n'yo siya kailangang itago sa publiko. Ang dapat sa kanya ay tratuhin bilang normal na bata. Iparamdam mo sa kanya ang pagmamahal bilang ina.


Hayaan n'yo rin siyang makihalubilo sa pamilya n'yo. Huwag mong iasa lang sa yaya.


Makikita mo, kapag naramdaman niya ang pagmamahal, atensyon at normal na kapaligiran sa piling ng kanyang pamilya, hindi na siya magiging bayolente. 


I-enroll mo rin siya sa school for special child dahil nakasisiguro ako na magiging malaki ang improvement niya at may posibilidad na maging normal din ang kilos at behavior niya. 


Lakipan mo rin ng dasal. Mamanata ka sa Mahal na Birhen, Sto. Niño, St.  Therese at iba pang santo o santa na mapaghimala. Gayundin sa Diyos Amang Kataas-taasan.


Pananalig, katatagan, at pag-asa, ang dapat mong ipatupad sa buhay mo bilang isang ina na mayroong special child na anak.


Magagawa mo 'yan, at nakatitiyak ako na magiging normal din ang iyong anak. Sa paglipas ng mga araw, magugulat ka na lang normal na ang ugali at gawi ng special child mong anak. Umaasa akong susundin mo ang payo ko. Hanggang dito na lang, ipagdarasal ko rin ang anak mo.

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Pebrero 6, 2024


Dear Sister Isabel,


Bago ko simulan ang kuwento ng aking buhay, babatiin ko muna kayo ng isang mapagpalang araw.


Isa akong tindera sa palengke, at ang aking tinitinda ay mga gulay. Noong una, kumikita naman ako, pero nitong huli ay halos wala akong kitain. 


Hiwalay na ako sa aking asawa at may 2 kaming anak. Nabaon ako sa utang, at hindi ko na nababayaran ang puhunang inutang ko, maski sa bumbay ay nabaon na rin ako. Hirap na hirap na ako, at gusto ko na lamang wakasan ang aking buhay. 


Sinisingil na rin ako ng mga kapatid ko, kahit alam naman nilang wala na akong kinikita sa gulay. Hanggang sa isang araw, may nakilala akong lalaki, naawa siya sa akin, kaya tinulungan niya akong makabayad sa mga pinagkakautangan ko, ngunit sa isang kondisyon at ‘yun ay ang paglingkuran siya. 


Kaya lang, may sarili na rin siyang pamilya. Napakabait niya sa akin kaya nahulog din agad ang loob ko sa kanya. Masaya kami pag kami ay magkasama. Okey lang sa akin kahit hindi 100% ang atensyong binibigay niya sa akin. 


Nauunawaan ko na nakikihati lang ako ng pagmamahal sa tunay niyang asawa’t anak. Minsan nga ay nakokonsensya na ako dahil may sariling pamilya ang lalaking pinatulan ko. Sumagi na rin sa aking isip na putulin na ang aming relasyon, ngunit ayaw niyang pumayag. Mahal na mahal niya umano ako at ikamamatay niya kapag nawala ako sa buhay niya. Ano kaya ang marapat kong gawin? Mahal ko siya at mahal niya rin ako. Sister Isabel, putulin ko na kaya ng lubusan ang pakikipagrelasyon sa kanya?


Nawa’y mapayuhan n’yo  ko sa dapat kong gawin.


Nagpapasalamat,

Imelda ng Laguna


Sa iyo, Imelda,


Umpisa palang ay alam mo na sa iyong sarili na bawal na pag-ibig ang papasukin mo, pero ipinagpatuloy mo pa rin hanggang sa tuluyan ka tuloy nahulog. Gayunman, kasalanang mortal pa rin ang iyong pinasok. Kung sa ngayon, ayos ang ugnayan n’yo, darating at darating ang mga araw na magiging magulo ang sitwasyon at malamang sa bilangguan kayo humantong. 


Posible kayong kasuhan ng tunay niyang asawa at tiyak na hindi n’yo maiiwasang maparusahan ng hukuman. Kaya ang maipapayo ko sa iyo ay layuan mo na ang lalaking iyan bago pa mahuli ang lahat. 


Umiwas ka na hangga’t maaga pa. Tutal wala ka naman ng utang. Magbagong buhay ka na dahil may mga tumutulong naman sa katulad mong solo parent.


Hanggang dito na lang, hangad ko ang mapayapa, maligaya at masaganang pamumuhay mo sa piling ng iyong mga anak. Pagpalain ka nawa ng Diyos.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | January 31, 2024


Dear Sister Isabel,


Isa akong ilaw ng tahanan. Biyuda na ako at may apat na anak. Ang problema ko ay ang pangalawa kong anak na babae. 


Noong ipanganak ko siya, tinanong ko sa midwife kung ano ang kasarian niya, ngunit hindi agad ito sumagot, dahil nagulat din siya sa kasarian nito. ‘Yung clitories niya ay parang maliit na ari ng baby boy. Pero bigla niya itong binawi at sinabing babae anak ko. 


Habang lumalaki siya, para siyang tomboy kung titingnan, pero babae naman siya kung manamit at nagkakaroon din siya ng buwanang dalaw. 


One time, nagtapat siya sa akin na may girlfriend na umano siya. Pusong lalaki raw siya, kaya inunawa ko agad ito. 


Base sa aking pananaliksik ang mga anghel pala ay ganundin, mula nang ipanganak ko ang aking anak, mukha siyang anghel at nagtaka kaming mag-asawa dahil hindi naman kami nagtalik sa loob ng apat na buwan mula nang isilang ko ang aming panganay. 


Pero pagdating ng limang buwan, doon na kami nagtalik ng mister ko, pero withdrawal method naman ang ginawa namin para ‘di umano ako mabuntis.


Ngunit nabuntis pa rin ako, kaya akala ng asawa ko ay pinagtaksilan ko siya.


Iniisip ko na lamang na Holy Spirit ang nagpunla ng binhi sa aking sinapupunan hanggang sa mabuo ang pangalawa kong anak. 


Tulad ni Jesus Christ na nabuo sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria sa pamamagitan ng Holy Spirit. Ang type ng dugo ng ikalawa kong anak ko ay rare.


Tanggap ko naman na may girlfriend na ang anak ko, at balak na rin nilang

magpakasal sa abroad. Gusto rin nilang magkaanak gamit ang modern technology. Wala akong nagawa, kundi suportahan siya, sapagkat inborn na sa kanya ang pagiging tomboy, at hindi siya nahawa sa mga barkada niya. Tama ba na kunsintihin ko ang anak ko sa balak at pangarap niya? Sana ay mapayuhan n’yo ko.


Naghihintay,

Nay Lourdes


Sa iyo, Nay Lourdes,


Sa aking palagay ay tama ang iyong desisyon. Inborn na sa kanya iyon kaya wala ka nang magagawa kundi suportahan siya. Ngunit, kung ang pagkatomboy niya ay nahawa lang sa barkada niya, kasalanang malaki kung kukunsintihin mo siya, mortal sin iyon. 


Pero, ayon nga sa iyo, ipinanganak mo siya na mayroong dalawang kasarian, tanggapin mo na lang na maluwag sa iyong kalooban ang nangyayari ngayon sa anak mo. 


Basta’t wala siyang inaapakan at sinasagasaang ibang tao. Kung saan siya maligaya, maging maligaya ka na rin. Sa palagay ko ay maiintindihan ng Diyos Ama ang nangyayari sa anak mo, dahil siya mismo ang lumikha sa iyong anak. Kung minsan hindi natin maarok ang kapangyarihan ng Diyos na Lumikha. Kaya tanggapin mo na lang nang maluwag sa iyong kalooban ang tungkol sa iyong anak. Hanggang dito na lang, sumaiyo nawa ang kapayapaan.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 
RECOMMENDED
bottom of page