top of page
Search

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Marso 17, 2024



Dear Sister Isabel,


Isa akong tindera ng gulay sa palengke. May nakilala akong isang retired army galing U.S., Pinoy siya at hiwalay na rin sa kanyang asawa. Niligawan niya ako at agad ko rin naman siyang sinagot.


Mula noon, hinango niya ako sa kahirapan. Kumbaga, naging instant mayaman ako, pero hindi ko naman talaga mahal ang lalaking iyon. 60-anyos na siya habang 28-anyos pa lang ako. Hanggang sa dumating sa puntong may nakilala akong ibang lalaki na siyang nagpatibok ng aking puso. Kapwa kami nagmamahal, ang problema nga lang ay nabuntis ako. Natuklasan ito ng asawa kong retired army at ngayon ay binabawi niya na lahat ng ari-arian at pera na ibinigay niya sa akin. Hindi ko na puwedeng ibalik ‘yun, lalo na ‘yung house and lot na galing din sa kanya. Pinapalayas at pinapademanda niya ako ngayon.Ano kaya ang gagawin ko? Mawawalan ako ng ari-arian kapag pumayag ako sa gusto niyang mangyari. Maski ang naipon kong pera ay mauubos lang kung babayaran ko ang P3 milyon na hinihingi niya sa akin. Kasal naman kami, Sister Isabel, at naguguluhan na ang isip ko. Ano kaya ang dapat kong gawin?


Nagpapasalamat,

Maritess ng Batangas

 

Sa iyo, Maritess,


Wala kang magagawa kundi pumayag sa gusto niya kung ayaw mong makulong. Kasalanan mo ‘yan. Hinango ka na niya sa kahirapan, binigyan ng magandang buhay, ngunit nagawa mo pa rin siyang pagtaksilan.


Tiyak na sa bilangguan ang kahihinatnan mo dahil may ebidensya siya na buntis ka ngayon. Mas mabuting kumunsulta ka sa abogado dahil puwede naman kayong maghati sa ari-ariang binigay niya sa iyo dahil ang sabi mo ay kasal naman kayo. Naniniwala akong kung hihingi ka ng tawad sa asawa mo, tiyak na patatawarin at iaatras niya rin lahat ng reklamo laban sa iyo. Magpakumbaba at ‘wag kang makipagmatigasan sa asawa mo para lumambot ang puso niya at ibigay ang iyong hiling na kalayaan. Sana magpakatino ka na at huwag mo nang ulitin ang pumatol sa iba pang lalaki na nagkakagusto sa iyo. May balik din sa iyo ‘yang ginagawa mo at  habambuhay kang hindi pagpapalain. Hanggang dito na lang, nawa'y malampasan mo ang problemang kinakaharap mo sa kasalukuyan.



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Marso 14, 2024



Dear Sister Isabel,


Ang problemang idudulog ko sa iyo ay tungkol sa kasarian ko. Maniwala man kayo o hindi, dalawa ang sex organ ko. 


Noon, hindi ko matanggap ang sitwasyon ko, lagi kong kinukuwestiyon ang sarili ko kung bakit hindi ako normal, nag-research ako tungkol sa kalagayan ko at kalaunan ay natanggap ko rin ang ang pagkatao ko. 


Ayon sa aking pananaliksik, isa pala akong anghel na nabuo sa sinapupunan ng aking ina.


Puwede akong maging isang lalaki o babae. Kaya lang, hindi alam ng pamilya ko ang aking sikreto. Ang buong akala nila ay isa akong babae, maganda at sexy kasi ako kaya hindi nila nahahalata ang aking pagkatao. 


Isa akong tomboy at mas nangingibabaw ang aking pagiging lalaki. Sa ngayon ay may girlfriend ako at desidido akong pakasalan siya sa ibang bansa. Payag din naman ang girlfriend ko, pero paano ko kaya sasabihin sa pamilya ko ang bagay na ito, lalo na sa mga magulang ko? Paniguradong hindi nila matatanggap ang sasabihin ko, payuhan n’yo ako, Sister Isabel.


Nagpapasalamat,

Kabs


Sa iyo, Kabs,


Bagama’t rare lang ang case mo, naniniwala akong masuwerte ka sa lahat ng nilalang. Puwede mo rin naman ma-enjoy ang dalawa mong kasarian, depende sa iyong gagawin. Naniniwala rin ako na isa kang anghel na binuo sa sinapupunan ng iyong ina. 


Gawin mo kung ano ang gusto mong gawin. Sa palagay ko ay alam na ng ina mo ang iyong pagkatao. Pagsilang mo pa lang sa mundo, aware na siya sa kalagayan mo, kaya wala ka dapat ipag-alala. Ipinaubaya na niya sa Diyos ang iyong kapalaran at hinihintay na lang niya kung ano ang ipagtatapat mo. 


Siya na rin marahil ang bahalang magpaliwanag sa buong pamilya n’yo. Don’t worry, gagabayan ka naman ng Diyos sa buhay na itinakda niya sa iyo.



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Marso 11, 2024



Dear Sister Isabel,



Hindi ko na alam ang gagawin ko, madasalin at palasimba naman ako, pero bakit punumpuno pa rin ako ng problema? 


Mabuti pa itong kapitbahay namin laging masaya 


kahit na nagto-tongits lang maghapon kesa na magsimba.  Wala rin siyang trabaho, wala rin ginawa maghapon kundi ang tumambay at ito pa ang malupit, miyembro pa sila ng 4Ps. Kuntento na sila roon. Kung makapag-videoke  araw-araw, akala mo mayaman, pero nasa unahan ng pila kapag may ayuda.


Samantalang ako non-stop ang problemang dumarating sa akin. ‘Di pa tapos ang isa, meron na naman. Sadya kayang baliktad ang mundo? Kung sino pa ‘yung madasalin siya pa ang madaming pasanin? 


Hindi ko na iisa-isahin ang mga problema ko dahil masyado itong mahaba at magulo.


Gusto ko lang na gumaan ang kalooban ko sa pamamagitan ng mga ipapayo n’yo.


Alam kong kayo lang ang makakapagpalubag ng loob ko. Hihintayin ko ang payo n’yo.



Umaasa,

Digna ng Nueva Ecija



Sa iyo, Digna,



Sa mundong ating ginagalawan, sadyang ganyan ang buhay. Dapat mong tanggapin sa iyong kalooban ang buhay ng tao ay parang isang pelikula, tayo mismo ang mga artista na gumaganap sa entablado ng ating buhay. 


‘Ika nga sa kasabihan, “Life is what we make it.” Hindi porke pala-simba at madasalin ka, exempted ka na sa mga problema. Hindi makukuha ng dasal at pagsisimba ang pinapangarap mong tahimik na buhay at walang problemang pinapasan. Nakadepende na lang ‘yan kung paano mo haharapin ang buhay mo. Katulad na lang ng kapitbahay mo, kuntento na sa kanyang sitwasyon. 


Faith, determination and patience ang dapat mong ipatupad. Huwag mong ikumpara ang buhay mo sa ibang tao. Sa halip, taimtim kang humingi ng tulong sa Diyos.



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 
RECOMMENDED
bottom of page