top of page
Search

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Ika-11 Araw ng Abril, 2024


Dear Sister Isabel,


Magandang araw sa inyo. Ibig ko sanang humingi ng payo tungkol sa kaibigan ko. Ako ang takbuhan niya sa kanyang mga problema. Magkasunod na namatay ang mga magulang niya noong pandemya. Sobrang lungkot niya at nag-iisa na lang siya sa buhay, kaya naisipan ko na patirahin muna siya sa amin. Noong umpisa, pumapayag naman ang parents ko. Pero ngayon, ayaw na nila itong patuluyin. 


Naaawa ako sa kaibigan ko. Paano ko kaya sasabihin sa kanya na hindi na siya puwedeng makitira sa amin? Baka masaktan siya at maisipan na naman niyang magpatiwakal.


Suicidal kasi ‘yung friend ko. Sana mapayuhan n’yo ako kung ano ba ang dapat kong gawin upang hindi gaanong masaktan ang friend ko.


Nagpapasalamat,

Cora ng Pangasinan


Sa iyo, Cora,


Hindi mo sinabi kung ilang taon na ang kaibigan mo. Kung hindi na siya teenager, tulungan mo na lang siyang maghanap ng trabaho kahit kahera, saleslady o anumang kaya niyang gawin para mairaos niya ang pang-araw-araw niyang pamumuhay. 


Magpatulong ka rin sa mga kakilala mo na may magandang puso. Lumapit ka sa mga sangay ng gobyerno na makakatulong sa kaibigan mo. Natitiyak kong maihahanap mo siya nang tamang lugar upang hindi na siya nakikitira sa inyo. 


Puwede rin naman siyang magtinda ng mga kaya niyang itinda. Akayin mo siya sa tamang landas ng buhay na kung saan, hindi niya na kailangang umaasa pa sa kanyang kapwa.

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Ika-10 Araw ng Abril, 2024


Dear Sister  Isabel,


Ang ikukuwento ko sa inyo ay ang tungkol sa mga kapatid ko. 


Panganay ako sa babae, lumaking tahimik, walang kibo, ‘di mahilig sa sosyalan, at kuntento na sa loob ng bahay.  Siguro ‘yun din ang dahilan kung bakit hindi malapit sa akin ang mga kapatid ko. Sampu kaming magkakapatid, kapag may lakad sila, hindi nila ako sinasama. Para bang ang sama akong kapatid, at hindi nila ako feel kasama. 


Nalulungkot tuloy ako. Gusto ko sana kasi kapag may pupuntahan ang mga kapatid ko ay kasama ako. Bakit kaya malayo ang loob nila sa akin? Hindi naman ako masamang kapatid, wala rin naman akong ginagawang masama sa kanila. 


Ano sa palagay mo, Sister Isabel? Ano kaya ang dapat kong gawin? Sana ay mapalubag n’yo ang loob ko, at nawa’y mapawi na ang kalungkutang nadarama ko.


Nagpapasalamat, 

Norma ng Calamba, Laguna


Sa iyo, Norma,


Alam kasi ng mga kapatid mo na wala kang hilig sa labas ng bahay. Alam din nilang mas nage-enjoy ka na walang kasama. 


Makakabuting baguhin mo ugali mo. Maki-join ka sa mga okasyong dinadaluhan ng pamilya mo. Hindi maganda ‘yang lagi ka na lang nakakulong sa bahay.


Kailangan mo rin ng kaibigan na magpapasaya sa iyo.


“Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang.” Ibig sabihin, makihalubilo ka sa mga tao. Matuto kang makipag-interact sa iba para ‘di mo na ma-feel ang kalungkutang nararamdaman mo ngayon. At para na rin makita ng pamilya mo na hindi ka na killjoy o mas kilala sa tawag na kj. Kapag nakita nila na nagbago ka na, paniguradong isasama ka na nila sa kanilang mga lakad. Matutuwa sila dahil hindi mo na ikinukulong ang sarili mo sa loob ng bahay. 


Natitiyak kong magiging masaya sila kung babaguhin mo na ang istilo ng pamumuhay mo. 


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Ika-8 Araw ng Abril, 2024


Dear Sister Isabel,


Ang problema ko ay ang kapitbahay namin, wala silang pakialam kung nakakapinsala na ba sila o hindi. Tuwing gabi na lang sila nag-iingay at palagi pang nag-iinuman sa harap ng gate namin. Meron naman silang gate, pero rito pa rin sa amin tumatambay. 


Hindi na kami makatulog nang maayos dahil kapag nagbe-videoke sila, sabay-sabay pa kung magsigawan. Bakit kaya hindi sila nahihiya? Wala silang pakialam sa damdamin ng kanilang kapwa. 


Nagtataka kami, wala silang mga trabaho at nag-aabang lang ng ayuda at tulong ng gobyerno, pero araw-araw may pang-videoke.  Hindi ko naman sila masaway, kasi baka magwala at lalo pang lumala ang problema ko sa kanila. 


Ano kaya ang dapat kong gawin. Turuan n’yo ako ng tamang diskarte. Hihintayin ko ang payo n’yo.


Nagpapasalamat, 

Jonabel ng Malabon


Sa iyo, Jonabel,


I-report mo sila sa barangay. Ang kapitan ng barangay n’yo na ang bahalang sumuway sa kanila.


Sa palagay ko naman kapag kinausap sila ng kapitan n’yo, titigil na ang mga iyan.


Ganyan lang naman ka-simple ang solusyon sa problema mo. Sa isang banda kaibiganin mo na rin sila, makipagkuwentuhan ka paminsan-minsan. Akala siguro nila matapobre ka. Hindi mo kasi yata sila pinapansin kaya gumagawa sila ng mga bagay na ikaiinis mo. Pakikisama ang dapat mong gawin upang gumaan ang loob sa iyo ng mga kapitbahay mo, at para na rin mahiya na silang gumawa ng mga bagay na alam nilang hindi maganda. 

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 
RECOMMENDED
bottom of page