top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 8, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Agnes na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan kong marami kaming mga tao na nagkakatuwaan, tapos napatingala ako sa langit at nakita ko ‘yung kabayo na naglalakad sa ulap. Habang tinitingnan ko siya, biglang naging kalabaw pero may sakay at ‘yung sakay ay umakyat sa langit. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?


Naghihintay,

Agnes

Sa iyo, Agnes,


Bilang pagtatapat sa iyo, ganito ang kahulugan ng iyong panaginip — sa ngayon ay inaakala mong hindi na matutupad ang mga pangarap mo. Ibig sabihin, pinanghihinaan ka na ng loob at maririnig sa iyong kalooban na ipinauubaya mo na lang sa langit ang iyong kinabukasan.


Pero ang sabi ng iyong panaginip, “keep on dreaming,” kumbaga, huwag kang mawalan ng pag-asa. Sa halip, manatili kang nangangarap na ikaw ay magkakaroon ng magandang future.


Ang kabayo ay simbolo ng ambisyon ng tao, kaya sabi ng panaginip mo, bakit mo papatayin ang iyong ambisyon? Pahabol pa ng iyong panaginip, ang taong walang ambisyon ay mananatili sa kahirapan, pero ang may ambisyon ay yayaman.


Ang totoo nga, ang kalabaw sa panaginip mo ay sumisimbolo sa masaganang buhay kung saan ayon sa iyong panaginip, makakaasa ka na magkakaroon ka ng kasaganaan sa buhay sa darating na mga araw. Pero ito ay makakamit mo lamang kung buhay ang iyong ambisyon.


Kaya sa panaginip, ang kabayo na naging kalabaw ay nagsasabing, “Ang mga ambisyon mo— gaanuman ito kataas — ang magdadala sa iyo sa tiyak na pag-unlad at sa kasaganaan ng buhay.”

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

Laging mag-rosaryo at magsimba

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 7, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Bhea na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Ano ang nais iparating sa akin ng Mahal na Birhen? Napanaginipan ko kagabi ang Mahal na Birhen ng Rosaryo. Nakarating ako sa isang simbahan at may isang matandang babae na manggagamot, pero sa hindi ko maipaliwanag dahilan, madilim ang aking paningin. Sinusubukan kong aninagin ang gusto kong makita, pero nang balikan ko ng tingin ang matandang manggagamot, wala na siya. Tapos paglabas ko ng simbahan, saka ko lang naintindihan na ang pinasok ko ay simbahan ng Mahal na Birhen ng Rosaryo at napapalibutan siya ng maraming anghel. Sana ay masagot n’yo ako. Salamat!


Naghihintay,

Bhea

Sa iyo, Bhea,


Ayon sa iyong panaginip, ikaw ay may tinatawag na “gift of healing,” ibig sabihin, puwede mong mapagaling ang may sakit at ang kakayahan mong ito ay kaloob sa iyo ni Virgin Mary.


Gayundin, ayon sa panaginip mo, may mahal ka sa buhay na may sakit o ang isang malapit sa puso mo ay may dinaranas na karamdaman ngayon. Dahil dito, kailangan ka niya at may kakayahan kang pagalingin siya sa sandaling dalawin mo siya. Dagdag pa rito, gaganda ang kanyang kalusugan kung ikaw ay nasa tabi niya o kaya naman, kapag nahawakan mo ang kanyang kamay, siya ay unti-unting lalakas.


At dahil mula kay Virgin Mary ang iyong gift of healing, ikaw ay pinapayuhan na palaging magdasal ng rosary at palagi kang magsisimba sa mga simbahang nakasentro ang pananalig at debosyon kay Virgin Mary.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 6, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Lannie na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Magkasama kaming lumabas ng bahay ng aking asawa. Noong nasa labas na kami, bigla niya akong iniwan at akala ko ay binibiro lang niya ako, pero habang hinahabol ko siya, lalo niyang binilisan ang kanyang takbo at hindi natinag kahit tawagin ko siya.


Hindi ko kinaya dahil sobrang pagod ako sa katatakbo para habulin siya. Napapaiyak na ako sa sama ng loob sa ginawa ng asawa ko. Tapos, nu'ng nasa malayo na siya, kitang-kita ko na pinagtatawanan niya pa ako, tapos ipinagpatuloy niya ang pagtakbo.


Ano ang kahulugan ng panaginip kong ito?


Naghihintay,

Lannie


Sa iyo, Lannie,


Alam mo, iha, nakakasawa ang matatamis na pagkain, kumbaga, sabi nga nila, nakakaumay ang paulit-ulit na pagkain ng masasarap na pagkain. Ganyan mismo ang nararanasan mo ngayon, kung saan sa aminin mo man o hindi, sawa ka na sa masayang buhay na inyong pinagsasaluhan ng iyong asawa.


Ang isa pang masasalamin sa panaginip mo ay ang katotohanan na may katagalan na ang panahon nang ikaw ay huling naiyak, as in, hindi ka naiiyak ngayon at ang nakikitang dahilan ay ang matamis na pagsasama n'yo ng mister mo.


Ganito ang katotohanan sa likod ng mga panaginip na kapag naiyak sa panaginip, ibig sabihin ay matagal ka nang hindi naiiyak sa walking life mo. Kaya kapag nanaginip ng hindi maganda, ang pagsasama sa pagitan ng nanaginip at kanyang asawa, ibig sabihin ay matagal nang hindi nagkakasamaan ng loob ang dalawa.


Kaya ang kabuuan ng iyong panaginip ay nagsasabing, ang buhay mo ay boring, as in, bagot na bagot ka na sa araw-araw na galaw at takbo ng iyong buhay.


Para magamot mo ang pagkabagot na ito, narito ang ilang rekomendasyon:

  • Pagdating ng iyong mister, huwag mo munang kibuin, pero maya-maya ay kibuin mo na rin.

  • Ipagluto mo siya ng hindi masarap, mas maganda kung mas maalat. Sa kape naman, kunwari ay nakalimutan mong lagyan ng asukal.

  • Sa gabi, matulog ka nang nakatalikod sa kanya.

  • Huwag mo rin siyang gisingin sa umaga. Hayaan mong magising siya nang kusa at huwag mo ring ipaghanda ng agahan.

  • Wala ring kiss bago siya umalis.

  • Huwag mong kumustahin o kunwari ay nakalimutan mong magtext dahil hindi mo makita ang cellphone mo.


Gawin mo 'yan, iha, dahil ang mga ito ang kailangan mo nang sa gayun ay magkaroon ng gap ang maganda n'yong pagsasama.


Ito rin ang magsisilbing daan upang pagkatapos ng lahat ay maging mas sweet as ever ang iyong marriage life.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page