top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 19, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Ayline na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan kong nagdasal ako ng rosary mula hating-gabi hanggang umaga. Ipinagdasal ko na gumanda ang buhay ng mga magulang ko, tapos ‘yung mga kapatid ko ay ipinagdasal ko rin. ‘Yung kaibigan ko na malapit sa ‘kin, ipinagdasal ko rin na nawa’y gumaling na siya dahil na-stroke siya at hindi gaanong makakilos.


Sa aking panaginip, nang matatapos na ko sa pagrorosaryo, may rainbow akong nakita. Ang ganda, tapos malinaw ang mga kulay. Ano ang kahulugan nito?


Naghihintay,

Ayline


Sa iyo, Aylene,


Ang kapangyarihan ng panalangin ay isa sa pinakaimportanteng sandata ng tao laban sa mga hindi magagandang pangyayari sa kanyang buhay, gayundin sa kanyang mga mahal sa buhay.


Ito ang ipinaaalala sa iyo ng iyong panaginip—huwag mong kalimutang magdasal dahil ito ang paraan para makipag-ugnayan sa nasa itaas.


Maaring hindi mo paniwalaan, pero ang iyong panaginip ay nagsasabing nalilibang ka sa ibang mga bagay kung saan nakalilimutan mo nang magdasal para sa mga mahal mo sa buhay.


Isang magandang paalala ito ng iyong panaginip dahil ang lahat ay nahaharap sa kawalan ng katiyakan, banta ng karamdaman at pangamba sa kabuhayan. Kumbaga, ikaw at maging ang iyong mga mahal sa buhay ay nangangailangan ng panalangin sa kasalukuyang sitwasyon.


Walang imposible sa pagdarasal. Kumbaga, ang mga mahirap mangyari ay maaaring mangyari at ang tinatawag na himala ay nangyayari dahil sa pagdarasal.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 18, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Debbie na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Ano ang ibig sabihin ng natanggal ang gulong ng motor na dina-drive ko? Hindi naman ako nadisgrasya kasi sa panaginip ko, huminto ‘yung motor at nakita ko ‘yung gulong na nasa lupa na.


Naghihintay,

Debbie


Sa iyo, Debbie,


Sabi ng iyong panaginip, huwag mong ituloy ang kasalukuyang gusto mong mangyari sa iyong buhay. Halimbawa, kung nagnenegosyo ka, huwag mo nang ituloy ang mga gusto mong gawin sa iyong negosyo.


Ang isa pang halimbawa, kung pupunta sa malayong lugar, huwag ka munang pumunta. Kung lilipat ka ng bahay, huwag muna. Kung mag-a-abroad, hindi ngayon ang tamang pagkakataon. Kung dalaga ka at gusto mo na ang iyong manliligaw, sabi ng iyong panaginip, huwag ka munang mag-boyfriend. Ito rin ay nagsasabing hindi ngayon ang masuwerteng panahon ng pag-aasawa o pagpapakasal.


Pakinggan mo ang mensahe ng iyong panaginip dahil mas maganda ang nakikinig sa babala kaysa magsisi sa huli. Kumbaga, mas magandang palipasin ang bagyo, mas magandang hintayin ang sikat ng araw sa umaga, mas magandang kumuha ng tiyempo kaysa gawin ang gusto nang dahil matigas ang iyong ulo.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 17, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Debby Joy na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


May sinabi ako sa kapatid ko tungkol kay Sto. Niño. Maya-maya ay may pumatak na puting likido sa akin galing sa itaas, pero hindi ako tumingala, tiningnan ko lang ‘yung kamay ko, tapos natakot ako at tinawag ko si Sto. Niño, humingi ako ng tawad.


Inisip ko na baka luha Niya ‘yun. Pagkakita ko sa Kanya, umiilaw ‘yung damit at korona Niya nang sobrang kinang. Namangha ako sa ganda, tapos umikot Siya nang dahan-dahan. Lumapit ako at hinawakan ko Siya, sabi ko sa kapatid ko, “Buhay si Sto. Niño! Buhay Siya.” Nilapag ko Siya malapit sa ‘min at itinutok ko ang aking daliri sa ulo Niya at umikot Siyang muli.


Sa sobrang tuwa ko, binitbit ko ulit Siya. Nakatingin lang ako sa Kanya, tapos ngumiti Siya sa ‘kin. Sobrang tuwa ng pakiramdam ko at walang halong takot. Feeling ko ay napakasuwerte ko, kaya binulungan ko Siya ng wish ko.


Maya-maya, naging bata Siya at kasing-laki ng anak ko, tapos, malikot din. Binabawalan ko lang nang mahinahon dahil takot akong magalit dahil Siya ay si Sto. Niño. Gising na kaming lahat, tapos nagpabili ng softdrinks si mama. Tinanong ko kung gusto Niya, tapos tumango lang Siya at hindi nagsasalita. Nang nagsalin na ako sa baso, sabi ng kapatid ko, “Mamaya na raw sabi Niya.” Ano’ng kahulugan nito?


Naghihintay,

Debbie Joy


Sa iyo, Debbie Joy,


Totoong ang tao ay may kapangyarihan din. ‘Yung iba nga, nag-aakala na “Man is powerful than any other being.” Pero may mga bagay na hindi kaya ng tao. Ang totoo, marami siyang kinatatakutan at punumpuno rin siya ng mga pag-aalala at pangamba.


Gayundin, alam niya deep inside in his heart na may “most powerful” sa kanya. Ito ang kanyang tunay na kalakasan, ito ang kanyang tunay na sandalan at ito ang kanyang tunay na lakas at ito ay ang kanyang Diyos.


Sa iyong panaginip, masasalamin na marami kang kinatatakutan, pero, huwag kang mag-alala dahil ang totoo ay hindi ka pababayaan ni Sto. Niño.


May mga bagay na gusto ng tao, pero hindi naman niya kaya. Pero sa iyong panaginip, ang mga ito ay puwede mong hilingin sa iyong Sto. Niño.


Mapalad ang taong may sandalan o nalalapitan. Mapalad ka, iha, dahil malinaw na may Sto. Niño ka na laging nagmamasid sa iyo.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page