top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 23, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Lotlot na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan ko na nabenta na ‘yung bahay namin. Noon kasi, nasabi ng mama ko na ibebenta ‘yung bahay namin pero hindi naman nangyari. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Lotlot


Sa iyo, Lotlot,


Huwag kang mag-alala dahil hindi mabebenta ang bahay n’yo ngayon. Ang panaginip mo ay nagsasabing maaaring bumalik ang problema n’yo noong panahon na naiisip ng mama mo na ibenta ang inyong bahay. Kumbaga, problema ang babalik, pero ang pagbebenta ng bahay ay hindi na muling magiging option. Dahil noon, hindi gaanong maganda ang buhay n’yo, pero ngayon ay iba na kaya magkaiba ang kondisyon.


At dahil maganda na ang buhay n’yo ngayon kaysa sa dati, mas makapag-iisip kayo nang mabuti. Kapag mahirap ang buhay, hindi maganda ang takbo ng isip—mabilis magpasya at kadalasang mali. Kaya dapat ay makatakas sa kahirapan ang tao dahil para na ring natakasan niya ang hindi tamang pag-iisip, maling desisyon at pabigla-biglang pagkilos.


Kaya ang payo ng iyong panaginip, sikapin mong umasenso nang sa gayun ay maging positibo ang lahat para sa iyo. Kapag ang isip, kilos at salita ay positibo, muli, ang pagpapasya ay positibo rin.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 21, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Daisy na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko na nasunog ang bahay namin sa Pampanga? Bahay lang ‘yung nasunog dahil ang mga tita at lola ko ay wala sa bahay namin. Pumunta sila sa kabilang bayan at dinalaw nila ‘yung isa kong tito.


Naghihintay,

Daisy


Sa iyo, Daisy,


Ayon sa mga dakilang alagad ng sining sa pagsusulat, kapag may naging abo o ang isang bagay ay naging abo, mayroong hindi nakikitang pangyayari na kanilang inilalarawan na isang pagkaganda-gandang ibon ang lumalabas sa umuusok-usok pang mga abo.


Kaya ayon sa iyong panaginip, isang bagong magandang kapalaran ang makikitang magsisimula sa buhay ng iyong mga tiyahin sa probinsiya.


Ang bagong kapalarang nasabi ay pag-angat sa next level of life. Kung sila ay mahirap, maaaring yumaman na sila. Kung sila naman ay mayaman na, magsisimula na silang makilala sa lipunan at kikilalaning isa sa mga may mataas na kalagayan sa komunidad.


Maaaring nag-aalala ka dahil likas sa mga Pinoy na negatibo ang kaisipan kung saan ang sunog ay inaakalang hindi maganda ang ipinahihiwatig. Pero tulad ng nasabi na, sa hanay ng mga dakilang alagad ng sining sa literatura, ang sunog ay isang pagbabago na papataas kaysa dating antas.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 20, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Dollie na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Nag-aalala ako sa panaginip ko dahil napanaginipan ko na nawala ang panlasa ko. Uminom ako ng kape, tapos nang kakain na ko ay wala na akong panlasa. Ano ang ibig sabihin nito? Sa totoo lang, natatakot ako.


Naghihintay,

Dollie


Sa iyo, Dollie,


Nakakatakot ang panaginip mo dahil iniisip mong magkaka-COVID-19 ka. Dahil ang sabi ng mga doktor, isang sintomas ng COVID-19 ay ang kawalan ng panlasa.


Pero hindi naman lahat ng nawalan ng panlasa ay COVID-19 na ang dahilan. Minsan, kapag marumi ang dila o taste buds, gayundin, ang matinding sipon ay nagreresulta sa kawalan ng panlasa.


Kaya lang, sa mga araw na ito na uso ang COVID-19, kapag nawala ang panlasa, mas malamang na may sakit ka. Pero alisin mo ang iyong takot at pangamba dahil sa mundo ng pag-aanalisa ng mga panaginip, may alituntunin na nagsasabing kapag naganap na sa panaginip, hindi na mangyayari sa tunay na buhay.


Minsan, mahirap paniwalaan, pero ito ay mas madalas na totoo. Ang ilang halimbawa ay kapag ikinasal sa panaginip, hindi pa ikakasal sa tunay na buhay.


Kapag nagka-anak o nabuntis sa panaginip, hindi pa mabubuntis sa reyalidad dahil muli, kapag naganap na sa panaginip hindi na magaganap sa tunay na buhay.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page