top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 3, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Shiela na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Naghihintay na lang ako ng visa at sa Japan ang place of work ko. Lately, napanaginipan ko na masaya akong nagtatrabaho sa isang parlor sa Japan, tapos nagustuhan ako ng isang Hapon na guwapo at mabait.


May magkakagusto nga ba sa akin sa Japan?


Naghihintay,

Sheila


Sa iyo, Sheila,


Kapag nagtatrabaho ka na sa Japan, may magkakagusto sa iyo. Pero sa buhay ng tao, dapat mong malaman na normal na kahit saan ay puwede silang magustuhan. Kumbaga, maaaring may magkagusto sa iyo kahit saan ka mapunta.


Ito ay nararanasan ng kababaihan at kalalakihan na bata pa, medyo may edad na o may edad na, pero napanatili ang personal na ganda.


Hindi dapat maging basehan ang ganda, lalo na kung love life ang pag-uusapan dahil baka ang ending, ito na lang ang unahin ng mga tao at mahuli ang pagmamahalan.


Totoong ang pag-ibig ay nagmumula sa pagkakagusto, pero hindi ito sapat. Ibig sabihin, maghihintay pa ng ilang panahon para magkaroon ng layunin na mapangasawa o makasama habambuhay ang babae o lalaking nagustuhan.


Ibig sabihin, iha, may pagkakagusto na ang gusto lang ay sex. Ang ganitong sitwasyon ay para sa sex life at hindi sa love life.


Ipinauuna ng iyong panaginip na may magkakagusto sa iyo sa Japan at ang payo ay dapat mong paganahin ang iyong isipan at hindi ang damdamin.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 2, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Ne Cip na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Nanaginip ako ng gorilla, ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Ne Cip


Sa iyo, Ne Cip,


Naku, baka natakot ka. Alisin mo ang iyong takot dahil ang gorilla ay ang mitolohiyang dragon na nasa lahat ng tao. Ikaw, ako, sila at muli, tayong lahat ay may personal na dragon sa ating pagkatao.


Mahirap paniwalaan, pero ito mismo ang katotohanan na may nakahimlay na dragon sa ating kamalayan na paminsan-minsan ay kailangan itong magising dahil dito nakasalalay ang ating tagumpay at kabiguan.


Kaya lang, hindi naman ito basta-basta nagigising, kumbaga, may ilang kondisyon para magising ang ating dragon. Tulad sa iyo, ayon sa iyong panaginip, mula sa matagal na pagkakahimlay, ang iyong dragon ay lalabas para makita ang tunay mong lakas o kapangyarihan.


Ibig sabihin, sa ngayon, makikitang ang isa sa kondisyon para lumabas ang dragon ay mapasasaiyo. Mahaharap ka sa malaking hamon ng iyong kapalaran, kaya ito ang makikipaglaban sa iyong mga kalaban.


Mapalad ka dahil kahit may dragon sa bawat tao, hindi naman ito napakikinabangan dahil ito ay mahimbing na natutulog sa ating malalim na kamalayan.


Dahil sa iyong panaginip, ngayon pa lang ay binabati na kita dahil iisa lang ang magaganap kung saan ikaw ang mananalo sa malaking hamon ng iyong kapalaran.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 1, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Jenica na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan ko na kinagat ako ng aso ng kapitbahay namin. Sabi ni mama, lagyan ko ng bawang ‘yung kagat, tapos pumunta kami sa health center para sa bakuna kontra rabies at umuwi na kami.


Naghihintay,

Jenica


Sa iyo, Jenica,


Dapat kilala ng mga aso ng kapitbahay ang kanilang mga kapitbahay, pero sa panaginip mo, hindi ka kilala ng aso na nakakagat sa iyo. Ang ganitong panaginip ay nagbababala na may lihim na galit sa iyo ang ilang tao sa iyong paligid na akala mo ay mga kaibigan mo.


Madali lang naman mabisto kung sinu-sino ang mga ito.

● Ang nakikipag-usap pero hindi makatingin sa iyong mga mata. Minsan ay nakatingin din, pero mabilis na inaalis ang tingin.

● Sa pagsasalita, may mga nakalilimutang tamang salita na angkop sa pinag-uusapan na para bang siya ay makakalimutin kahit siya ay hindi pa gaanong katandaan.

● Ang mga taong kapag kinuwentuhan mo na sinuwerte ka o maganda ang buhay mo ay makikita mong hindi masaya ang kanilang mukha.

● Susundan pa na siya mismo ay mas magaling dahil may suwerte rin siyang darating.

● Ang iba naman ay ikukuwento ang masuwerteng buhay ng kakilala nila para lang matabunan ang kuwento mo na maganda ang sitwasyon mo sa kasalukuyan.

Kapag natukoy mo na sila, burahin mo na ang mga ito sa listahan ng iyong tunay na kaibigan. Wala naman silang hahangarin kundi pumangit ang iyong kapalaran.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page