top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 14, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Winne Rose na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan ko na kasama ko ang mama ko at nasa isang magandang bahay kami na parang palasyo. Maingat kaming naglalakad dahil baka madulas kami. May hinahanap kaming tao na kausap ng mama ko at gagawa ng motor dahil nasira ‘yung motor namin na ginagamit sa pag-alis-alis.


May nakita kaming lalaki sa palasyo at sabi niya, wala pa ‘yung taong hinahanap namin at hintayin na lang namin. Habang naghihintay, sabi ko sa sarili ko, masyado nang luma ang motorsiklo namin, mas maganda kung bibili ng bago, kaso wala naman kaming pera.


Naghihintay,

Winne Rose


Sa iyo, Winne Rose,


Masasalamin sa panaginip mo na ang bahay n’yo ngayon ay hindi na maganda, maaaring masikip, maliit at sa totoo lang, ayaw mo na rin ditong tumira. Kaya ang palasyo sa panaginip mo ay kabaligtaran ng inyong bahay.


Gayundin, masasalamin na maninirahan ka isang bahay na mala-palasyo. Mangyari kaya ito sa tunay na buhay? Ang sagot ay oo, dahil ayon sa mga pag-aaral, ang panaginip na kabaligtaran sa reyalidad ay mas nagkakatotoo. Kumbaga, sa future, sa mala-palasyong bahay ka maninirahan.


Ang panaginip na ipagagwa n’yo ang motor na sira at luma na ay nagbabalitang maaari kang ma-in love o magkagusto sa isang lalaking marunong mag-repair ng motor.


Maaaring hindi ka maniwala o ikaw ay mabigla, dumilat ang mga mata mo sabay taas ng kilay at nagulat ka na ikaw pala ay posibleng ma-in love sa “repair man.”


Dito sa mundo, iha, ang isa sa “hinihintay” ng mga dalaga ay ang kanilang dream boy, lover boy, soul mate o si Mr. Right.


Kaya muli, ang “hinihintay” sa panaginip mo ay ang iyong makakarelasyon sa malapit na hinaharap.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 13, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Talen na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Nag-away kami ng mister ko, tapos napanaginipan kong lumayas siya at pumunta sa kabit niya. Sinundo ko siya at sumama sa akin pauwi.


Sa ngayon, nag-aalala ako na baka nga may kabit ang asawa ko, pero mabait siya at hindi naman babaero. Ano ang masasabi n’yo sa panaginip ko?


Naghihintay,

Talen


Sa iyo, Talen,


Alam mo, kapag bitin ang pag-aaway ng mag-asawa, sa gabi ay mapapanaginipan ng isa sa kanila ang maaaring posibleng karugtong, pero mula lang sa kanyang kathang-isip.


‘Yan mismo ang nangyari sa iyo, nag-away kayo ng mister mo, pero sa pag-aaway n’yo, puro away lang at walang pinag-awayan o hindi n’yo napag-awayan ang dahilan kung bakit kayo nagkagalit. Kaya minsan, maganda ang pag-aaway na hindi bitin dahil pagkatapos ng away, maaaring maresolba ang isyu.


Huwag kang magkakamali na ang away na hindi bitin ay ‘yung masasaktan nang pisikal ang isa sa kanila o pareho silang magkakasakitan. Kumbaga, sa pag-aaway, dapat may isyu o pag-uusapan na uubos ng mahabang oras sa pagdedebate o pagtatalo na para bang ang paliwanagan ay tila wala nang katapusan.


Muli, likhang-isip mo lang ang may kabit ang asawa mo. Ipanatag mo ang iyong kalooban. Mayroong higit na maganda kaysa sa away na hindi bitin at ito ay ang huwag na kayong mag-aaway. Puwede namang pag-usapan ang mga hindi pinagkakasunduan at habang nag-uusap, dapat din ay lawakan ang pang-unawa.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 12, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Virgie na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Nasa bahay ako ng bestfriend ko, tapos nakita ko siyang nagluluto at naiwan niya ‘yung kanyang niluluto. Kinalabit ko siya at sinabing baka masunog ‘yung bahay nila dahil nakalimutan niya nga ‘yung kanyang niluluto.


Tapos, kinaumagahan, tinawagan ko siya at tinanong kung nagluto nga ba siya at ano’ng nangyari sa niluluto niya. Alam mo, sabi niya, nagluto siya at nasunog ‘yung pinirito niyang isda pero hindi naman daw sunog na sunog.


Wala na siyang sinabing anuman at hindi na rin ako nag-usisa. Ano ang masasabi n’yo sa panaginip ko?


Naghihintay,

Virgie


Sa iyo, Virgie,


Kapag nagmamahalan ang dalawang tao, sila ay pinaniniwalaang pinagtali ng mahiwagang ‘cord of love’ na kahit nasaan sila ay magkaugnay pa rin sila. Kumbaga, ‘yung isang dulo ng mahiwagang cord ay nakakabit sa isa at ang isa pang dulo ay nasa isa rin.


Hindi napapatid ang tali na ‘yun kahit sila ay natutulog at kahit ano pa ang kanilang ginagawa. Sa pagtulog mo, pumunta ka sa bahay ng bestfriend mo gamit ang nasabing cord of love, as in, doon ka nakasakay. At nakita mong nagluluto siya at nasusunog ang niluluto niya at sa tunay na buhay, siya nga ay nagluluto at nasunog ang niluluto niya.


Sa madaling sabi, ang napanaginipan mo ay isang klase ng premonition na nakita mo ang mangyayari kung saan masusunog ang bahay nila, pero hindi ito naganap dahil kinalabit mo siya at sinabing nasusunog ang niluto niya.


Ang iyo ring panaginip, bagama’t may hiwagang nakapaloob ay pangkaraniwan lang sa dalawang tao nagmamahalan o may pagmamahal sa isa’t isa.


Nangyayari ito sa lahat ng tao, muli, sa kondisyon na may love na namamagitan sa kanila, maaaring paternal love, brotherly love o love of a woman to a man at ‘yung sa inyo ng friend mo na BFF o love ng best friend forever.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page