top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 18, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Ate Vicky na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Lumuwas ako sa Manila dahil magwo-work ako roon. Dito sa amin sa Gapan, saleslady ang trabaho ko at ang liit ng kita, kaya noon pa man ay gusto ko nang makapagtrabaho sa Manila.


Magkakatotoo ba ang panaginip ko na sa Manila na ang work ko?

Naghihintay,

Ate Vicky


Sa iyo, Ate Vicky,


Maliit lang din ang kita ng saleslady sa Manila, lalo na kapag sa palengke ang puwesto ng paninda. Kapag naman sa kumpanya, malaki pero maraming requirements bago ka matanggap.


Ang nasa isip mo ay kung paano gaganda ang iyong buhay, kaya ang nais mo ay lumaki ang kita mo. Mas magandang maunawaan mo na sa totoo lang, wala sa laki ng sahod o kita ang ganda ng trabaho, ang dapat isipin ay kung maganda ba ang buhay ng isang namamasukan.


Nasa dami ng naipon ang basehan kung ang pamamasukan ay maganda o hindi. Kaya kahit naman nasaan ka, dapat ay may naiipon ka. Kumbaga, kahit malaki ang kita ng isang tao, kung wala naman siyang ipon, walang silbi ang malaking kinikita niya.


Ang panaginip mo ay nagsasabing makapagtatrabaho ka sa Manila bilang isa ring saleslady. Kaya huwag na huwag mong kakalimutan na kung may ipon o wala ang batayan kung maganda ang pamamasukan.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 16, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Braynt na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Ano ang ibig sabihin ng magkasama kami ng asawa ko sa isang ilog na mababaw at malinis, tapos nanghuhuli kami ng isda? May nakita kaming isda na malaki ang tiyan, hinuli at inilagay ko sa basket na hawak ng asawa ko. ‘Yung paisa-isang lumalangoy papunta sa kinatatayuan namin ay hinuli ko lahat at inilagay sa basket.


Naghihintay,

Braynt


Sa iyo, Braynt,


Noon pa man hanggang ngayon, ang isda ay sinisimbolo ng suwerte at dahil dito sa mundo ay maraming klase ng suwerte at para mas malinaw, ang isda ay nagsasabing masaganang buhay ang darating sa inyo.


Ang masaganang buhay ay may iba’t iba ring larawan, pero sa isda, ito ay ang “walang gutom dahil maraming biyaya.” Kumbaga, kaligtasan sa taggutom o kahirapan. Isang magandang balita ito para sa inyo ng iyong asawa. Sa dinaranas natin na paghihirap dahil sa COVID-19 pandemic, kayo ng asawa mo ay pinaniniwalaang hindi mapabibilang sa naghihirap kundi mapabibilang sa gumaganda ang buhay.


May isang paglilinaw para sa iyong kaalaman nang hindi kayo maligaw ng paniniwala. Kapag isda ang napanaginipan na tulad ng nasabi na simbolo ng suwerte, ang nanaginip ay pinapayuhan na huwag magbabago ng paniniwala sa kanyang Diyos na kinikilala.


Ibig sabihin, dapat ay malapit kayo sa langit, gumawa ng mabuti sa kapwa at magkawang-gawa. Ang isda ay hindi pangkaraniwang isda kapag napanaginipan dahil ito ay si Lord Jesus Christ mismo, ang Tagapaglitas.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 15, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Dorithy na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Hinuli ng mga pulis ang kapatid ko dahil sa drugs. Hinanap namin siya sa mga presinto pero hindi namin nakita. Sabi ng janitor sa police station, itinatago ‘yung kapatid ko.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko? Hindi ako mapakali kahit halos isang linggo na ‘yung panaginip ko.


Naghihintay,

Dorithy


Sa iyo, Dorithy,


Karaniwan, ang mga hinuli ng pulis dahil sa drugs ay itinatago muna, pero kapag nagawa na nila ‘yun, kunwari ay aktuwal na hinuli at tatawag pa ng opisyal ng barangay bilang testigo saka pa lang ilalabas ang kanilang nahuli. Ibig sabihin, ang suspek ay dalawang beses na hinuhuli kasi ‘yung una, bigla na lang dinampot nang walang mga opisyal ng barangay at sa ikalawang paghuli ay may testigo nang mga opisyal.


Siyempre, ‘yung unang paghuli, mali pero ‘yung ikalawa ay mali rin. Kaya lang, wala namang nagagawa ang mga pangkaraniwang tao o mamamayan dahil sila ay mahirap lang.


Sa iyong panaginip, hinuli ang kapatid mo, ibig sabihin, sa tunay na buhay ay hindi naman siya hinuhuli. Ang iyong panaginip ay nagsasabing maaaring alam mong nagda-drugs ang kapatid mo o may hinala ka na siya ay gumagamit.


Dahil dito, makikitang ninenerbiyos ka dahil baka bukas-makalawa ay hulihin ang kapatid mo.


Mahirap paniwalaan pero sa mundo ng pag-aanalisa ng mga panaginip, may isang basehan na nagsasabing ang naganap na sa panaginip ay hindi na magaganap sa reyalidad. Bakit? Kasi nga “naganap na.”

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page