top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 2, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Joanna na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Namimitas ako ng mga bunga ng mangga, tapos ‘yung mangga ay nasa harapan ng bahay namin. Pero bakit kaya ganu’n ang panaginip ko, wala namang mga bunga ang mangga namin gayung hindi na panahon ng mangga? Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Joanna


Sa iyo, Joanna,


Oo, iha, ang mga prutas ay pana-panahon, as in, may panahon ang pamumunga kaya hindi araw-araw ay may mga bunga ito. Ganundin ang pamimitas ng mga suwerte sa buhay, hindi laging may mga suwerteng dumarating, kaya kapag may magagandang oportunidad sa buhay ng tao, dapat ay “pitasin” niya ito at huwag palampasin.


Ang panaginip mo ay nagsasabing dumating na ang takdang panahon na ang maraming suwerte ay lalagay sa iyong harapan, kaya pitasin mo kung ano ang maganda sa paningin mo.


Huwag kang mag-alala kung higit sa isa o marami ang mga oportunidad na aangkinin mo. Ang totoo nga, mabuti sa tao na mas maraming oportunidad ang kanyang mapili.


Aangkinin mo pa lang naman, aariin at mamahalin. Ibig sabihin, puwede namang hindi mo pa galawin dahil ang mahalaga ay alam mo na ang oportunidad na ito ay puwedeng-puwede sa ibang panahon at kapag kailangan ay gagamitin mo na.


Kaya ang panaginip mo ay nagsasabing ipakikilala o ihaharap sa iyo ang mga pagkatao na puwede mong mapakinabangan para sa katuparan ng iyong pangarap.


Ang mga pagkakataong makikita mo ay iyong tandaan at huwag mong kalilimutan dahil ang mga ito ang magbibigay sa iyo ng tagumpay.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 01, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Rizza na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,

Nanaginip ako ng maraming ahas. Naglalakad ako, tapos tutuklawin ako ng ahas sa paa, pero nakaiwas naman ako. Tapos, may mga ahas na nag-aabang sa ‘kin kaya natakot ako at nagdasal, pero nandu’n pa rin ‘yung mga ahas. Sa takot ko, bigla akong nagising, tapos akala ko ay totoo talaga ang panaginip ko.


Naghihintay,

Rizza


Sa iyo, Rizza,

Sa gubat, tiyak na may mga ahas at sa siyudad, may mga ahas din, ‘yun nga lang, sila ang mga taong masama ang nasa isip.

Kahit saan ka pumunta, may mga ahas. Sa bahay, alam mo, may mga ahas din at ito ay ang “ahas na tulog,” ‘yun bang palagi na lang natutulog. Sa amin, hindi pinapatay ang ahas na tulog, ang totoo nga, sabi ng matatanda, suwerte ang mga ito.

‘Yung mga sabungero nga, nanghihingi ng hunos ng ahas na tulog dahil pampasuwerte raw ito sa sugal. Ang “hunos” ay ‘yung kapag nagpalit ng balat ang ahas, ‘yun ang maiiwan sa lugar kung saan siya nagpalit ng balat.

Hindi lahat ng ahas ay masama dahil may mga ahas din na mabubuti at nakatutulong sa mga tao. Tulad ng kinatatakutan na ahas na sawa, ang kinakain nila ay mga daga na perhuwisyo sa mga magsasaka. Ang ulupong o cobra ay ganundin, kinakain din nila ang mga daga na nasa bukirin.

Pero ang mga taong may personalidad na ahas, ‘yun ang masama dahil sinasabing masama ang hangarin nila sa kapwa. Kumbaga, traydor, taksil, mandaraya, sinungaling at walang iniisip kundi mapasama ang kapwa.

Sa panaginip, kailangang magpatuloy sa pangarap mo, ibig sabihin, kahit maraming ahas sa landas ng buhay na iyong tatahakin, huwag kang aatras. Muli, magpatuloy ka, pero mag-ingat ka.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 31, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Mary Rose na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan ko ‘yung best friend ko at ang sabi niya, hindi kami bagay ng boyfriend ko. Pero sa totoong buhay, ang best friend ko ay 2 years nang patay.


Mahal ko ang boyfriend ko, pero napakalapit niya sa mga babae at nagseselos ako pero hindi ko lang ipinahahalata sa kanya. Ano ang masasabi n’yo sa panaginip ko?


Naghihintay,

Mary Rose


Sa iyo, Mary Rose,


Alam mo, ang mga patay ay buhay, kumbaga, buhay na buhay sila at madalas ay nagbibigay ng mensahe sa mga nasa lupa o mahal nila na buhay pa.


Kamakailan, laman ng mga balita ang isang namatay na binata at gagawing santo dahil may napagaling siya at ang nakakatuwa, isa na lang na pagpapagaling sa may sakit ay gagawin na siyang ganap na santo.


Ibig sabihin, ang gumaling sa sakit ay nagdasal sa nasabing binata at ang prayer sa kanya ay kanyang pinakinggan at ngayon ay wala nang sakit ang nagdasal sa kanya.

Bago maging ganap na santo, kailangan na dalawa o higit pa ang gumaling sa sakit na nagdasal sa namatay na.


Medyo masalimuot ang paliwanag, pero sapat na ang mga lumabas sa balita na ang mga patay ay buhay pa at puwedeng makapagpagaling sa may sakit na buhay o narito pa sa lupa.


Kaya ‘yung panaginip na sinabi ng best friend mo na hindi kayo bagay ng boyfriend mo ay malaki ang tsansa na totoo. Ito ay dahil may isa pang katotohanan tungkol sa mga kaluluwa ng mga namatay at sila ay hindi nagsisinungaling.


Noong buhay pa sila o nasa lupa kasama ng mga mahal nila sa buhay, sila ay maaaring sinungaling dahil lahat naman ng tao ay nagsisinungaling, pero kapag namatay na ang mga tao, ang kanyang kaluluwa ay hindi na nagsisinungaling.


Kaya muli, totoo ang sinasabi ng iyong best friend na hindi kayo bagay ng boyfriend mo.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page