top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 10, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Vangie na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan ko si Mama Mary. Nakaputi at blue siya, tapos tinawag niya ako at namasyal kami sa isang hardin na maraming mababangong bulaklak. Nakakita rin ako ng maliliit na anghel na sanggol at may mga pakpak, tapos sumasabay sila sa paglakad namin ni Mama Mary.


Sabi ni Mama Mary, kumusta na ang mommy at daddy ko, tapos kinumusta rin niya ‘yung best friend ko na si Che-che. Sabi ko, okey naman sila. Sabi ko pa nga, mabait si Che-che at palagi ko siyang kasama. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong tungkol kay Mama Mary?

Naghihintay,

Vangie


Sa iyo, Vangie,


Kapag ang panahon ay batbat ng kaguluhan at mga pangyayaring hindi magaganda at hindi kontrolado ng mga tao, kapag ang mga tao mismo ay nag-aaway tulad ng nangyayari sa mga giyera, kapag pagkagahaman at pansariling kapakanan lang ang iniisip ng mga tao, ang kadiliman ay sinasabing naghahari sa buong mundo.


Sa ganitong larawan ng sanlibutan, marami ang mananaginip kay Mama Mary at sa iba pang mga banal na personalidad at ikaw ay isa sa mga napanaginipan si Mama Mary.


Alam mo, kung babalikan natin ang kasaysayan, si Mama Mary ay nagpapakita lang sa mga taong may malinis na puso at wagas na kalooban. Kaya masasabing ikaw ay ganu’n— may malinis na puso at wagas na kalooban.


Ang isa pa sa katotohanan na makukuha natin sa kasaysayan ni Mama Mary at Sanlibutan ay ito – kaya nagpapakita si Mama Mary sa iba’t ibang paaran, kabilang na ang mga panaginip ay dahil mahal niya ang mga tao kung saan ayaw niyang mapahamak ang marami.


Tulad mo, mahal ka ni Mama Mary at mahal din niya ang mommy at daddy mo. Ang nakakatuwa ay mahal din niya si Che-che na best friend mo.


Ito rin ay nagsasabing bagama’t ang mundo ay magulo, ang mga mahal mo sa buhay ay iingatan ni Mama Mary at ito ay ginagarantiyahan ng iyong panaginip.


Bilang panghuli, manatili kang may malinis na puso at wagas na kalooban dahil ito ang pinakapayo ng iyong panaginip.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 08, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Crystalene na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,

Nakapagtataka ang panaginip ko dahil umulan nang malakas, tapos lumabas ako ng bahay at naligo ako sa ulan. Kahit basang-basa at giniginaw na ako, ayaw ko pa ring pumasok sa bahay namin. Wala namang mga tao sa panaginip ko, ako lang mag-isa sa kalsada.

Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Crystalene


Sa iyo, Crystalene,

Hangad mo ang kalayaan. Kumbaga, gusto mong lumaya at ang kalayaan na binabanggit sa panaginip mo ay personal na kalayaan dahil ikaw ay naliligo sa ulan.

Napapanaginipan ito ng mga babae kapag hindi maganda ang kanilang love life kung saan siya ay tagasunod lang at walang karapatang tumutol dahil ‘pag ginawa niya ito, hindi maganda ang kanyang mararanasan.

Gayundin, kapag ang mga babae ay hindi nakakapagpasya kung ano ang maganda para sa kanya, lihim niyang hahangarin na siya ay lumaya sa ganu’ng sitwasyon. Kaya ang mga babae na umaasa lang sa kanyang asawa o karelasyon pagdating sa pinansiyal, hindi rin niya maiiwasan na mapanaginipan na siya ay naliligo sa labas ng bahay.

Hindi maganda ang ganitong panaginip dahil kapag nagtagal pa ang ganitong klase ng buhay, ang nanaginip ay magkakasakit ng depression at makikitang ayaw na niyang kumain, ayusin ang kanyang sarili at palagi siyang nakatingin sa malayo. Minsan, nakatingin din siya sa isang bagay at makikitang napakatagal niyang nakatitig sa bagay na ito.

Makikitang halos hindi na siya kumukurap at parang napakalalim ng kanyang iniisip. Ayaw na rin niyang makipag-usap sa kahit na sino at hindi na rin siya gaanong natutulog.

Kaya bago pa mangyari sa iyo ang mga ito, ang payo ay layuan mo ang sinumang umaalipin sa iyo.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 7, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Kim na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Nakita ko ang aking sarili na lumulutang sa hangin sa tapat ng katawan ko na nakahiga. Natakot ako at sa takot ko, bumagsak ‘yung nakalutang kong katawan. Bigla akong nagising at hindi na ako nakatulog hanggang umaga na.


Sa ngayon, iniisip ko pa rin ang panaginnip ko, ano ang ibig sabihin nito?

Naghihintay,

Kim


Sa iyo, Kim,


Ang tawag sa nakalutang ang sarili habang natutulog ay levitation, pero hindi ito ang nakalutang ang sarili sa panaginip. Dahil sa panaginip, ang nakalutang na sarili ay maaaring pasimula pa lang ng paghihiwalay ng katawang pisikal at katawang hindi pisikal, na madalas maranasan ng mga sumusunod:

  1. Nagkakahiwalay ang katawang pisikal at katawang hindi pisikal kapag ang isang tao ay may mabibigat na problema sa buhay.

  2. Nararanasan din ito ng mga may sakit na tumaas nang todo ang temperatura ng katawan.

  3. Ganundin ng mga taong may sakit na hindi na nila kayang dalhin ang kanyang karamdaman.

  4. Hindi rin maiiwasan ng mga taong sobrang palaisip ang matulog at sa kanyang pagtulog, hihiwalay ang isa niyang sarili.

  5. Nangyayari rin ito sa mga taong walang kalayaan. Sila na inaalipin ng mahal nila sa buhay, na ayaw bigyan ng kalayaan, hindi pinalalabas ng bahay at masasabing nakakulong lang.

  6. Puwedeng-puwede rin itong maranasan ng mga taong labis na nag-aalala sa mahal nila na nasa malayong lugar.

  7. May pagkakataon na ang taong mahilig sa karunungang lihim na may kaugnayan sa the third eye ay maranasan din ang ganito.

Wala namang masama sa iyong panaginip. Ang totoo, nangyayari rin ito sa lahat, pero kapag madalas mong maranasan ang ganito, ibig sabihin, ikaw ay mapabibilang sa mga taong kung tawagin ay “mystics” o may espesyal na kakayahang magawa ang hindi nagagawa ng mga pangkaraniwan.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page