top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 19 , 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Lolit na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Napanaginipan kong nag-ring ang cellphone ng asawa ko at nang kinausap niya ay boses ng babae na maarte ang nagsalita. Kahit mahina, narinig ko ‘yun, tapos tinatanong siya kung gagawin ba niya ang pinagagawa sa kanya. Ang sagot ng asawa ko ay “Mamaya na lang.” Nagpantig ang tenga ko at inagaw ko agad ‘yung cellphone niya at pinatingnan ko sa anak kong babae kung sino ang tumawag, tapos nakita ko na sa bar nagtatrabaho ‘yung babae. Sa galit ko, ibinato ko ‘yung cellphone niya, tapos natulala siya at hindi nakakibo.


Pagkatapos nu’n ay bigla akong ginising ng anak kong babae kaya naputol ang panaginip ko. Ano ang ibig sabihin nito? Sana ay maipaliwanag n’yo. Salamat!

Naghihintay,

Lolit

Sa iyo, Lolit,


Tamang hinala ang naghahari sa iyong malalim na kamalayan. Kumbaga, sa iyong kaloob-looban, wala kang tiwala sa iyong asawa dahil tulad ng nasabi na, “sa malalim” na kamalayan, naroon ang iyong hinala. Hindi ito basta-basta lumalakas sa reyalidad, kaya kahit paano ay napipigilan mo pa ring malaman ng mga nasa paligid mo na ikaw ay may tamang hinala sa iyong mister.


Ang hinala mong ito ay nagkaroon ng pagkakataon na mailabas at ito ay nangyayari sa panaginip mo kung saan doon nagkaroon ng larawan o senaryo na nag-ring at narinig mo ‘yung tumawag sa mister mo.


Siyempre, kahit sinong misis ay sobrang magagalit dahil iniisip niya na siya ay ipinagpalit sa ganu’ng klase ng babae, pero dapat mong maunawaan na muli, ito ay nag-ugat lang sa iyong hinala.


Hindi sapat ang tamang hinala para maniwala ang sarili mo na ang iyong mister ay may “bar girl” dahil kailangan mo pa ng maraming palatandaan kung ito ay totoo.


Una, nagiging kakaiba ang amoy ng lalaking may kabit na bar girl dahil ang paborito nilang perfume ay kakapit sa kanyang damit at balat, kaya puwede mo itong maamoy.


Ang bar girl ay panggabing hanapbuhay, kaya dapat ang mister mo ay wala sa inyo tuwing gabi.


Hindi rin puwede na hindi iinom ng alak ang lalaking magba-bar, kaya malalaman mo kung totoong may babae ang mister mo kung siya ay amoy alak din. Gayundin, dahil ikaw ay tamang hinala, bakit hindi mo tingnan ang cellphone ng mister mo? Ang pagkakaroon ng tamang hinala ay katumbas ng “lisensiya” na buksan ang cellphone ng pinaghihinalaan, pero ito ay para lang sa mag-asawa.


Ibig sabihin, ang asawang lalaki ay papayag na buksan ng misis ang kanyang cellphone dahil sila ay mag-asawa, kaya kung ayaw niyang gawin mo ito, hindi ka masisisi kung tumaas ang antas ng iyong tamang hinala.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 18 , 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Norie na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Pumunta ako sa bahay ng kapitbahay namin, tapos kinagat ako ng aso nila. Nilagyan namin ng bawang ‘yung kagat kaya hindi na sumakit. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Norie

Sa iyo, Norie,


Kapag hindi kilala ng aso ang isang tao, maaari siyang makagat dahil ang aso ay bantay ng bahay, kaya ang mga estranghero o dadayo na hindi naman niya nakikita sa bahay ng amo ay hindi niya basta-basta papapasukin.


Kaya sa iyong panaginip, ang sinasabi mong kapitbahay ay hindi mo tunay na kapitbahay dahil hindi ka kilala ng aso. Minsan, ang mga aso ng kapitbahay ay likas na mabagsik at kapag mabagsik, hindi basta-basta nakakapsok ang kahit na sino.


Pero sa iyong panaginip, pumunta ka na parang wala ka namang ipinag-aalala kung sila man ay may aso dahil kilala ka nito. Kaya muli, ang bahay na pinuntahan mo ay hindi mo kapitbahay.


Sino nga ba ang pinuntahan mo sa iyong panaginip?


Walang iba kundi ang crush mo at sa bahay niya, ikaw ay kinagat ng aso nila. Ang crush ng tao ay malapit hanggang sa sobrang malapit sa puso natin, at kapitbahay naman ay ang bahay na malapit sa atin, kaya ang crush at kapitbahay sa panaginip ay halos iisa lang.


Ang aso naman sa panaginip ay malamang na magulang na nagbabantay sa kanilang anak kung saan ang numero-unong binabantayan ang love life ng anak.


Kaya, kung sakaling may crush ka ngayon, huwag mong ipahalata sa ibang tao, maliban lang sa crush mo mismo.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 17 , 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Tess na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Bago pa dumating 'yung mga bagyo, napanaginipan kong may bagyo na darating nang sunud-sunod. Akala ko, pangkaraniwang panaginip lang ito at hindi ko agad na-realize na mangyayari sa bansa natin ang sinasabi ng panaginp ko.


Sa isang panaginip ko, ganito ang nangyari. Naglalaba kami sa batis, tapos tumaas ang tubig at umuwi na kami. Akala ko, ang ibig sabihin nu'n ay alisin o linisin ko ang sarili ko kung saan ang aking mga kahinaan at kapintansan ay ibasura ko na.


Tapos, pag-uwi namin, kasama ko sa paglalaba ‘yung kapatid ko, kumain kami pero walang kuryente, kaya mainit sa kariderya at sabi ng may-ari, may bagong bagyo, tapos lumakas ang hangin at nasira 'yung transformer ng poste sa kanto.


Bago natapos 'yung panaginip ko, alam ko na may iba pang bagyo na nasa panaginip ko. Kaya pagkagising ko, sabi ko sa sarili ko na kailangang magkaroon ako ng personality changes para hindi ako dumating sa buhay na maraming bagyo.


Ano ang masaabi n'yo sa panaginip kong ito?


Naghihintay,

Tess

Sa iyo, Tess,


Tama ang akala mo na kailangan mo ng pagbabago sa iyong personalidad, at tama rin ang pananaw mo na kapag hindi inalis ng tao ang kanyang mga kahinaan at kapintasan, daranas siya ng hindi magagandang pangyayari sa buhay.


Ito ay dahil ang pagkakamali ay magbubunga ng isa pang mali, ganu'n nang ganu'n hanggang ang mali ay maitama na.


Pero tama rin na tumugma sa mga kaganapan sa ating bansa ang sunud-sunod na bagyo na nasa iyong panaginip. Ito ay nagsasabing sa laki ng problema mo o dahil sobrang masalimuot ang buhay mo ngayon, kusang lumabas –by means of dreaming– ang magaganap pa lang.


Hindi lang naman ikaw ang nakararanas nito, dahil lalo na ngayon na ang mga tao ay sobrang problemado, marami ang mananaginip tulad mo kung saan ang magaganap pa lang ay kanilang makikita sa mga panaginip.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page