top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 19, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Susan na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Nananaginip ako at gusto kong malaman ang kahulugan nito. Nahulog ako nang bumaba ako sa hagdan dahil sa panaginip ko, may inaabot ako kaya nahulog ako. Sa ngayon, labis akong nag-aalala sa panaginip kong ito dahil nga nahulog ako. Kaya sana ay mabigyan n’yo ito ng kahulugan. Maraming salamat!


Naghihintay,

Susan

Sa iyo, Susan,


Sa mundo ng panaginip, ang hagdan ay simbolo ng mga pangarap o ambisyon ng nanaginip na gusto niyang maabot. Ang hagdan din ay nagbabalita ng success in life na puwedeng makuha ng nanaginip.


Sa totoo lang, inaakyat talaga ang bundok ng tagumpay, kaya ang success ay ang mararating ang tugatog, rurok at tuktok ng pangarap o ambisyon natin sa buhay. Kumbaga, kailangang akyatin muna, para makarating sa tuktok.


Dahil tulad ng nasabi na, ang hagdan ay iisa lang ang kahulugan sa mga panaginip at ito ay nagbabalita na maaabot mo ang pangarap mo, kumbaga, ang hagdan ay magandang mapanaginipan ng mga taong may ambisyon sa buhay.


May isa pang masayang balita kaugnay ng hagdan at baka magulat ka at hindi makapaniwala. Tingnan mo!


Ang pag-akyat ay “climb” sa wikang Ingles, kaya ang umaakyat ay “climb up” dahil ang hagdan ay palaging iniuugnay na may aakyatin.


Pero ano ba sa wikang Ingles ang bumaba o pababa sa hagdan? Ano pa nga ba? Eh, ‘di “climb down,” napansin mo ba na nandu’n pa rin ang salitang “climb?”


Kaya sa mundo ng panaginip, hindi mahalaga kung nahulog, bumaba o nadapa ka dahil sapat na na may hagdan sa panaginip para masabing maaabot ng nanaginip ang kanyang mga pangarap at ambisyon.


Ito rin ay nagpapaalala na maganda talaga sa isang tao, lalo na sa dalagang tulad mo na may pangarap sa buhay. Dahil ang walang pangarap ay walang mararating o mapapala at ang kanilang buhay ay wala ring kabuluhan.


Sabi nga, “mangarap ka at muling mangarap.” Tutukan mo ang iyong mga pangarap at mabuhay ka ayon sa iyong pangarap at makikita mo na ang mga bagay na gustung-gusto mong maabot ay tiyak na makakamit mo.


Kumbaga, walang ambisyon na hindi muna nangarap, kaya ang pinakamahalaga sa lahat sa buhay ng bawat tao ay ang siya ay may pangarap.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 18, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Lucy na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Sa inyo ako magtatanong dahil wala akong makita na specific na kahulugan ng panaginip na naliligaw ako at hindi ko alam kung saan ako lalabas. ‘Yun ang madalas kong mapanaginipan. Ano ang kahulugan ng panaginip kong ito?


Naghihintay,

Lucy

Sa iyo, Lucy,


Kaya walang makapagbigay sa iyo ng espisipikong kahulugan ng iyong panaginip ay dahil ang binanggit mo lang ay ikaw ay naligaw at hindi ka makalabas, kumbaga, “general terms” ang ganitong pahayag.


Bukod pa sa katotohanang sa buhay ng tao, ang siya ay “naligaw” ay maraming kahulugan.


Una, para sa mga estudyante ay ang “naligaw”, as in, ang kinuha niyang kurso ay hindi naman talaga bagay sa kanya.


Sa panahon ngayon, maraming estudyante ang nakararanas nito dahil na rin sa pangunahing basehan na kapag nakapasa sa entrance exam, ‘yun ang ipakukuha sa kanya ng school na kanyang pinuntahan.


Ang hindi alam ng magpapasya na awtoridad sa school ay ang katotohanang kapag matalino ang mag-aaral, kahit ano’ng exam ay maipapasa niya.


Hindi naman sa estudyante lang nangyayari ang sila ay “naliligaw” dahil kahit sa pamamasukan, pangkaraniwan na lang din ang ganito kung saan sa huli ay matuklasan ng empleyado na hindi masaya sa kanyang trabaho.


Ganundin sa pagnenegosyo, marami ang “naligaw” dahil namumuhunan sila ng malaki, tapos nalugi lang.


Pero may isang “ligaw” na pangkaraniwang nararanasan ng mga dalaga o kababaihan ang salitang “niligawan kaya nailigaw,” ito ang madalas na kahulugan ng “naligaw” sa panaginip. Pero ang totoo, babae at lalaki ay nakararanas ng ganitong katotohanan sa kanilang buhay. Narito ang ilang mga paunang nangyayari sa kanilang buhay:


Siya ay niligawan at ang paraan ng panliligaw ay dinaan sa pagiging galante kaya nahulog ang loob niya sa akala niya’y mapabubuti ang kanyang kapalaran. Siya ay binola, as in, pinuri ang kanyang personalidad at magagandang salita ng pag-ibig ang ipinarinig sa kanya, kaya hindi lang tainga ang nasasarapan kundi ang kanyang personalidad.


Ang isa pang klase ng panliligaw ay nagkukunwaring matino ang nanliligaw, pero nagkukunwari lang pala.


Napansin mo ba ang salitang “naligaw” at “ligaw” ay iisa lang? Kaya ito ang nagpatunay na sa mundo ng mga panaginip, ang “naligaw” ay tungkol sa love life.


Ang iyong panaginip ay nagbababala na maaari kang makapag-asawa dahil sa “panliligaw” sa iyo ng taong gustung-gusto ka. Oo, sa pag-aasawa dahil totoo ang sinasabing, “Ang pag-aasawa ay hindi parang kanin na kapag napaso ay iluluwa.”


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 17, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Catherine ng Meycauyan, Bulacan

Dear Professor,


Ang panaginip ko ay biglang may dumaang bulalakaw sa langit at agad naman akong nag-wish. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?


Naghihintay,

Catherine


Sa iyo, Catherine,


Tayong mga Pinoy ay may paniniwala na kapag humiling sa bulalakaw, ang nag-wish ay susuwertehin na matupad ang kanyang wish. Pero sa totoo lang, sa buong mundo ay may paniniwala ring ganito, kaya mahirap balewalain ang nasabing paniniwala ng mga tao.


May mga nagpatunay na nagkatotoo ang wish nila. ‘Yung isang kaibigan ko, ang hiling ay bumalik ang boyfriend niya dahil naagaw ng iba. Laking-gulat niya dahil tatlong araw pagkatapos niyang humiling, nagkabalikan na sila.


At ang kuwento niya ay mahirap paniwalaan dahil sabi niya, may binayaran siyang manghuhula, pero wala namang nangyari sa gusto niya na magkabalikan sila ng kanyang boyfriend. Dagdag pa niya, tatlong beses siyang hiningan ng pera, pero wala rin siyang napala.


Tapos, may isang nagsabi na sa pamamagitan ng gayuma, puwedeng bumalik sa kanya ang boyfriend niya, kaya lang, magbabayad siya ng P2,000 para sa gayuma. Bumili naman siya dahil talagang mahal na mahal niya ang boyfriend niya, pero ganundin, hindi epektibo ang gayuma na nakalagay sa boteng maliit.


Nasiraan na siya ng loob at sobrang lungkot na niya. Sabi niya, wala na kasing pag-asa na magkabalikan pa sila ng boyfriend niya. Gayundin, sabi pa niya, ikinunsidera na niyang magpaligaw sa iba at handa na siyang magmahal ng iba. Saka sabi pa niya, ‘pag nagka-boyfriend ulit siya, kahit paano ay sasaya na siya.


Nakipag-date na siya sa iba, pero nandu’n pa rin sa puso niya ang kanyang boyfriend. Nang malaman ng boyfriend niya na nakikipag-date na siya sa iba, laking-gulat niya dahil nagbalik ang boyfriend niya. Ngayon, sila na ulit!


Ayon sa kuwento niya, noong mga gabing hindi siya makatulog, nakatitig lang siya sa langit na parang nakatulala dahil sa sobrang lungkot, tapos may nakita siyang bulalakaw na nagdaan. Nang makita niya ang bulalakaw, naalala niya na kapag humiling dito, ang wish ay magkakatotoo.


Kaya lang, wala na ‘yung bulalakaw na nakita niya nang maisip niyang humiling. Pero kakaibang sigla ang bigla niyang nadama, nakatitig pa rin siya sa langit pero hindi na kasing lungkot nu’ng una dahil bigla siyang sumigla.


Bago mag-madaling-araw, nakatitig pa rin siya sa kalangitan nang may isang bulalakaw na nagdaan ulit at sinabi niya ang kanyang hiling. Umaga na ngunit gising pa siya, pero nakalimutan na rin niya ang tungkol sa bulalakaw.


Mga tatlong araw ang lumipas, nag-message sa kanya ang lalaking mahal na mahal niya. Hindi niya alam kung magre-reply siya o hindi, pero biglang naalala niya ang bulalakaw na nakita niya noong madaling-araw. Hindi pa rin siya makag-reply, pero sa huli, sinabi niya, “Kumusta ka rin?” Simula noon, mga love notes na ang isinesend ng boyfriend niya at nagkabalikan na sila.


Hindi lang ‘yan ang kuwento ng nagkatotoo ang hiling sa mga bulalakaw dahil ang mga nagkaproblema na may kaugnayan sa pampinasyal ay natulungan din ng mga bulalakaw. May mga kuwento rin na dahil sa bulalakaw ay nakahanap ng trabaho ang isang hindi matanggap-tangap sa kumpanya.


Sa panaginip ay ganundin ang kahulugan kung saan ang bulalakaw ay may dalang suwerte sa tao. Ang kaibahan lang ay sa panaginip, hindi na kailangang humiling dahil ang nakapanaginip ng bulalakaw ay makararanas ng pagdagsa ng mga buwenas o magagandang kapalaran na tiyak na magaganap sa susunod na mga araw, lalo na sa panahong ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page