- BULGAR
- Apr 25, 2021
ni Mary Gutierrez Almirañez | April 25, 2021

Nanawagan muli sa pamahalaan ang mga healthcare workers upang mag-hire ng tig-iisang nurse sa bawat barangay upang maaksiyunan ang lumalaganap na pandemya sa bansa, batay sa naging panayam kay Filipino Nurses United Secretary General Jocelyn Andamo.
Aniya, "Ang panawagan namin nu’ng isang taon pa po. Paulit-ulit naming sinasabi na dapat meron pong mass hiring na libu-libo. Ang recommendation namin, 1 nurse sa bawat barangay. Kaya po ‘yun, 42,000 nurses po sana nationwide. Para matugunan po natin ang pangangailangan ng ating mga kababayan."
Paliwanag niya, “Mahalaga na dapat matino, seryoso at siyentipiko ang ating COVID-19 response dahil hanggang ngayon ay hindi natin nako-contain ang pandemyang ito.”
Iginiit din niyang hindi maayos ang healthcare system sa bansa at wala silang suportang natatanggap mula sa gobyerno.
"Kung mabibigyan po ng maayos, sapat at proactive na sinasabi nating makatao at just na sahod, adequate benefits at assurance po na ‘pag magkakasakit sila pati ang kanilang mga pamilya ay hindi po sila mapapabayaan," panawagan pa niya.
Sa ngayon ay naaksiyunan na ang kahilingan nilang karagdagang hospital beds, samantalang nananatili pa ring naka-pending ang mass hiring ng mga nurse at mass testing para sa mga vulnerable na populasyon.
Paglilinaw niya, “Hindi kami nagsasawang makipag-usap sa ating pamahalaan. Nu’ng isang taon pa po namin ‘to inire-relay sa maraming paraan. Nagpadala ho kami ng sulat, nakipag-dialogue kami, nagprotesta, nag-motorcade. Alam na po ng pamahalaan kung ano ang dapat gawin. Alam na po ng pamahalaan kung ano po ang mga problema namin.”
Dagdag pa niya, “Ang panawagan po namin ay pakinggan kami at aksiyunan ngayon na para ang ating problema sa pandemya ay matugunan.”
“Sana po ‘yung mga ipinangako po sa ‘min ni Secretary Duque nu’ng Lunes na ipa-follow up niya para ma-release po ang SRA at active hazard ay maibigay na po sa lalong madaling panahon,” sabi pa niya.




