top of page
SPECIAL - KIM, TAMEME SA KASAL DAW NILA NI PAULO SA US-IG _chinitaprincess.jpg
Search

ni Mylene Alfonso @News | March 11, 2026



Sen. Imee Marcos

Photo: Sen. Imee Marcos - FB



Nais paimbestigahan ni Senadora Imee Marcos ang nangyaring pagdampot kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Marso 11 ng nakaraang taon.


Sa kanyang inihaing Senate Resolution No. 340, muling pinabubusisi ni Marcos ang buong katotohanan sa umano’y koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan sa International Criminal Court (ICC) hinggil sa nasabing insidente.


“Isang taon nang palaisipan ang nangyaring paglapastangan sa karapatan ng ating kapwa Pilipino,” ani Marcos.


“Dapat ilantad na ang buong katotohanan at panagutin ang mga lumabag sa ating konstitusyon!” wika ni Marcos.


Giit ng senadora, kailangang mabunyag kung may naging pakikipagtulungan ang ilang ahensya ng pamahalaan sa ICC sa kabila ng pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute noong 2019.


“Hindi nagtutugma ang kwento ng pamahalaan—malinaw na may nagsisinungaling!” giit ng senador. 


“Paulit-ulit sinasabi na wala nang ugnayan at hindi na makikipagtulungan ang Pilipinas sa ICC, pero inamin din na nakipag-usap si Remulla sa mga tauhan ng ICC,” patuloy niya.

Dagdag pa ni Marcos, mahalagang maibalik ang tiwala ng mamamayan sa sariling sistema ng hustisya at matiyak na hindi mauulit ang anumang hakbang na maaaring maglagay sa alanganin sa soberanya ng bansa.


“Dapat walang Pilipinong matatakot sa sarili niyang gobyerno at magtatago sa dayuhan sa sarili niyang bansa,” pagtatapos ng senadora. 


 
 

ni Mylene Alfonso @News | February 24, 2026



Ex-President Rodrigo Duterte

Photo: International Criminal Court



Sinimulan na ang confirmation of charges hearing ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands. 


Una rito, sinampahan ng prosecutors ng ICC ang dating pangulo ng kasong crimes against humanity kaugnay ng mga pagpatay sa Davao at sa buong bansa noong panahon ng kanyang pagkapangulo. 


Naghain si Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang ng 15-pahinang dokumento na nagsasakdal kay Duterte ng three counts ng crimes against humanity of murder kung saan sakop ang insidente mula 2013 hanggang 2018. 


Ayon sa mga prosecutor, hindi bababa sa 76 na pagpatay at iba pang mararahas na krimen ang kabilang sa isinampang kaso, ngunit binigyang-diin nila na mas malaki pa ang tunay na bilang ng mga naging biktima. 


Sinabi ni Niang na criminally liable si Duterte kabilang ang unang count kaugnay sa Davao Death Squad (DDS) killings na tumutukoy sa mga pagpatay sa loob at labas ng Davao City noong si Duterte ay alkalde at umano’y pinuno ng DDS mula 2013 hanggang 2016. 


Ang mga biktima ay umano’y mga tulak ng droga at magnanakaw. Sa naturang panahon, sinabi ng prosecution na ang mga pag-atake ay pangunahing nakatuon sa Davao City at isinagawa umano ng mga pulis ng lungsod at mga non-police hitmen na kabilang sa DDS. 


Habang ang ikalawang count ay may kinalaman sa mga pagpatay sa mga hinihinalang high-value drug suspects noong unang taon ni Duterte bilang pangulo, mula 2016 hanggang 2017. 


Samantala ang ikatlong count ay may kinalaman sa Barangay clearance operations na tumutukoy sa mga pagpatay at tangkang pagpatay sa mga anti-drug operations sa barangay noong si Duterte ay pangulo mula 2016 hanggang 2018.

 
 

ni Mylene Alfonso @News | February 23, 2026



Ex-President Rodrigo Duterte

Photo: International Criminal Court



Inanunsyo ng pamilya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi pinayagan ng International Criminal Court (ICC) ang anumang personal na pagbisita habang isinasagawa ng korte ang pagdinig para sa Confirmation of Charges ngayong linggo.


Sa isang pahayag, sinabi rin ng pamilya ng dating pangulo na mananatiling bukas ang komunikasyon sa pamamagitan ng mga tawag sa telepono.


Kaugnay nito, anim na abogado ang dadalo sa mga pagdinig upang matiyak na siya ay maayos na kinakatawan ng isang Filipino legal team.


Kabilang dito sina Salvador Medialdea, Martin Delgra III, Silvestre Bello III, Alfredo Lim, Jr., Caesar Dulay, at Salvador Panelo.


Nagpasalamat din ang pamilya ni Duterte sa legal team para sa kanilang patuloy na dedikasyon at propesyonalismo sa gitna ng isinasagawang proseso.


Ipinahayag din nila ang kanilang pasasalamat sa Filipino community sa The Hague sa pagbibigay ng plataporma kung saan naririnig ang tinig ng mga Filipino na nagsasalita laban sa anila’y kawalang-katarungan.


Ang pagdinig para sa confirmation of charges ay nakatakdang idaos mula Pebrero 23 hanggang 27.


Base sa ICC website ng ICC, gaganapin mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon ang mga sesyon (alas-5 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi sa Pilipinas) sa Pre-Trial Chamber I sa Courtroom I.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page