top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms
Search

ni Green Lantern @Renda at Latigo | October 12, 2023


Umarangkada sa largahan si Bombay Nights para siluin ang korona sa 2023 Magic Millions Australia Stakes Race na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City sa Batangas noong Linggo ng gabi.


Kinapitan agad ni Bombay Nights ang matulin na Senshi Spirit paglabas ng aparato para makipagtagisan ng bilis sa unahan.


Naglutsahan sina Senshi Spirit at Bombay Nights, nag-ubusan ng lakas pero papalapit ng huling kurbada ay kumukuha na ng unahan ang winning horse.


Pagsapit ng rektahan ay naka-ungos na si Bombay Nights at dumiretso na ito sa meta ng may anim na kabayo ang agwat sa pumangalawang si My Prancealot.


Nirendahan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez, inilista ni Bombay Nights ang tiyempong 1:39.8 sa 1,600 meter race.


Hinamig ni horse owner Louise Ann Decena ang P300,000 premyo na inisponsoran ng Magic Millions Sales Pty Ltd.


Nasungkit ng second placer na si My Prancealot ang P112,500, napunta sa terserong si Senshi Spirit ang P62,500 habang P25,000 ang kinubra ni Dragon Butterfly na dumating na pang-apat.


Ang mga karera noong Linggo ay suportado ng Klub Don Juan De Manila kasama ang Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.

 
 

ni Green Lantern @Renda at Latigo | October 11, 2023


Sulit sa panonood ang mga karerista matapos ang makapigil-hiningang panalo ni Jaguar sa katatapos na 2023 PCSO - 3YO Locally Bred Grand Derby na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.


Kalmadong lumabas ng aparato si two-leg Triple Crown winner Jaguar at pumuwesto ito sa pang-apat para panoorin ang nagtatagisan ng bilis sa unahan na sina Secretary at Sonic Clay, nasa tersero naman si istulen Ola.


Hindi pa nakakarating sa kalagitnaan ng karera ay umuusok na ang banatan, umuusad sa tabing balya si Istulen Ola para agawin ang bandera kay Secretary. Alerto si Jaguar, hindi niya hinayaang makalayo si istulen Ola, sa bandang labas dumaan para makalapit sa unahan.


Pukpukan sa unahan ang Istulen Ola at Jaguar bandang far turn, umabot ang kanilang mainitang labanan sa rektahan. Humugot ng latigo si star jockey Jeffril Zarate para paluin si Jaguar kaya sa huling 150 metro ng karera ay umungos ito ng bahagya kay Istulen Ola.


Nagwagi si Jaguar ng may dalawang kabayo ang agwat sa pumangalawang Istulen Ola, hinamig nito ang P1.8M sa event na inisponsoran ng PCSO at suportado ng Philippine Racing Commission.


Inirehistro ni Jaguar ang 1:51.6 minuto sa 1,800 meter race, pumangalawa si Istulen Ola na kumubra ng P600,000 habang tersero si La Trouppei na nagbulsa ng P300,000.


Binati naman ni PCSO Chairman of the Committee on Races Arnel Casas ang mga nagsipanalo sa araw ng karera. Pumang-apat si Secretary na tumanggang ng P150,000. Nakasungkit din ng P150,000 ang breeder ng winning horse.


 
 

ni Green Lantern @Renda at Latigo | October 09, 2023


Impresibo ang ipinakitang husay sa pagtakbo ni Don Julio matapos manalo sa Manila Horse Power trophy Race na inilarga sa Metro turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Sabado ng hapon.


Lumabas na pang lima si Don Julio na sinakyan ni jockey Mark Angelo Alvarez habang nasa unahan ang matutulin na sina Asiong at Main Event.


Subalit sa kalagitnaan ng karera ay nasa tersero puwesto na si Don Julio at unti-unti nitong nilalapitan ang mga nasa unahan na sina Asiong at Main Event.


Kaya naman susungaw pa lang ng huling kurbada ay nakuha na ni Don Julio ang unahan at nakalamang agad ito ng dalawang kabayo.


Pagdating ng rektahan ay lalo pang umunat sa unahan si Don Julio at tinawid nito ang meta ng may halos 10 kabayo ang lamang sa pumangalawang si Shanghai Noon.


"Paglabas pa lang sa aparato alam mong mananalo na eh, kaya nung makalapit na sa unahan sabi ko kay Don Julio na itong panalo," saad ni Gilbert Dela Cruz, veteran karerista.


Nirehistro ni Don Julio ang tiyempong 1:23.6 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner FR. Sevilla ang added prize na mula sa Klub Don Juan de Manila.


Ang nasabing event ay inisponsoran ng KDJM at suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page