top of page
Search

ni Green Lantern @Renda at Latigo | January 5, 2024


Nakapanood ng magandang karera ang mga karerista sa huling araw ng karera ng 2023 nang manalo si Super Earth sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na nilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Linggo ng gabi.

 

Si Super Earth ang huling kabayong nanalo para sa taong 2023, inilarga ang nasabing karera sa Race 10 kung saan ay makapigil-hininga ang naging bakbakan.

 

Pagpasok ng rektahan ay nagkapanabayan sa unahan sina Super Earth na nasa bandang labas at Hakeem na dumaan sa tabing balya.

 

Pagalingan sa pagkayog ang dalawang hinete ng Super Earth at Hakeem kaya naman pagsapit ng meta ay gabuhok na nagkatalo.

 

Naunang tumuka sa finish line si Super Earth.

 

Sinakyan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez, nirehistro ng Super Earth ang tiyempong 1:26 minuto sa 1,400 meter race.

 

Hinamig ng winning horse owner na si PKT Uy ang added prize na P10,000 habang P4,000 ang kinubra ng breeder ng kabayo.

 

May 10 races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI), lahat ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.

 

Samantala, sasalang sa pista sina Feel The Burn at Queen Bell sa magaganap na 3-Year-Old & Above Maiden Race na ilalarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas ngayong araw.

 

Inaasahang liyamado sa karera si Feel The Burn pero tiyak na mapapalaban siya kay Queen Bell sa distansiyang 1,200 meter race.

 

Gagabayan ni John Paul Guce si Feel The Burn habang si BJB Galleta ang rerenda kay Queen Bell, makakaharap nila ang anim pang tigasing kabayo.

 

Nakalaan ang P22,000 added prize sa mananalong kabayo, ang ibang kalahok ay sina Beautiful Day, Forbida, Jengs Had Enough, Golden Arya, Lucky Fortune at The Chosen One.

 

May kukubrahin na P4,500 ang breeder ng winning horse, P1,000 sa second at P500,000 sa third. 

Mga Pili ni Green Lantern:

 

Race 1 - Feel The Burn (4), Queen Bell (1), Beautiful Day (2)

Race 2 - Smiling Lady (3), Victorious Passion (7), Stark (8), Silver Glow (9)

Race 3 - Alindog (4), Malibu Bell (6), Eyevan (9), Maki Boi (10)

Race 4 - Double Time (7), Pulido/Pendant (3/3A), Ring A Bell (2), Arigato (5)

Race 5 - Freydis Cutie/Luke Skywalker (2/2A), Sun Dance (10), Don Pedro (7), Silab (1)

Race 6 - Antonio Delamugis (1), Coal Digger (4), Carolina Bell (9), Central Bank (5)

Race 7 - Rain Rain Go Away (6), Mejestic Star (10), Kingwash Ko (2), Can You Giub (3)

Race 8 - Oradas Gray (1), Isla Puting Bato (8), Swakto Power Duo (5), El Mundo (3)

 

 

 
 

ni Green Lantern @Renda at Latigo | January 4, 2024


Nasaksihan ng mga karerista ang tikas ni Ghost sa rematehan matapos nitong angkinin ang titulo sa katatapos na 2023 PHILRACOM "3rd Leg Juvenile Stakes Race" na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City sa Batangas noong Linggo ng hapon.


Pang-siyam sa alisan si Ghost habang nasa unahan ang ka-kuwadrang si Simply Jessie na nilulutsa ni Spolarium, nanonood naman sa tersero puwesto si Every Sweat Counts.


Walang tigil ang tagisan ng bilis sa unahan nina Simply Jessie at Spolarium sa kalagitnaan ng karera, tersero pa rin si Every Sweat Counts, nasa pang-apat ang liyamadong si Morning After habang unti-unting lumalapit si Ghost.


Pagdating sa huling 400 metro ng karera ay inagaw na ni Bill Jordan ang bandera pangalawa na si Every Sweat Counts at tersero si Morning After pero si Ghost ay malakas ang dating.


Tangan ni Bill Jordan ang dalawang kabayong bentahe sa rektahan subalit malakas na ibinuga ng race caller ang pangalan ni Ghost na naantala pa ng bahagya sa pagremate.


Muntik pang mabunggo ni Ghost ang puwitan ni Bill Jordan dahil sa lakas ng dating kaya hinatak pa ng hinete nitong si John Alvin Guce ang winning horse papalabas.


Mabuti at may distansiya pa kaya nanalo si Ghost ng may isang kabayo ang agwat sa pumangalawang si Bill Jordan.


Inilista ni Ghost ang tiyempong 1:41.4 minuto sa 1,600 meter race upang hamigin ang tumataginting na P1,080,000 premyo habang P360,000 ang ibinulsa ng second placer na si Bill Jordan.


Nasungkit ng third at fourth na sina Morning After at King James ang tig-P180,000 at P90,000 ayon sa pagkakasunod, suportado naman ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon ang nasabing karera.

 
 

ni Green Lantern @Renda at Latigo | December 21, 2023


Kumaripas sa home stretch si Robin Hood upang sikwatin ang korona sa 10th Pasay "The Travel City" Grand Cup na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas, noong Linggo ng gabi.

 

Full gate ang aparato kaya naman kumpulan sa arangkadahan at bahagyang naipit si Robin Hood kaya hindi agad nakasabay at pumuwesto na lamang sa pang-pito habang nagsosolo sa unahan ang matulin na si King Tiger.

 

Umabot sa kalagitnaan ang labanan ay lamang pa rin ang King Tiger ng walong kabayo sa mga humahabol, nasa pang-lima naman si Robin Hood.

 

Pagsapit sa far turn ay nanatiling namamayagpag sa unahan si King Tiger na sinakyan ni dating Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez.

 

Papasok sa home turn ay unti-unti ng kinakapitan si King Tiger nina Moderne Cong, Life Gets Better, La Liga Filipina at Gusto Mucho habang nasa malayong pang-anim pa rin si Robin Hood.

 

Nadikitan nina Moderne Cong at Life Gets Better si King Tiger sa rektahan pero biglang sumulpot si Robin Hood na malakas ang dating sa huling 150 metro ng karera para agawin ang unahan.

 

Nagwagi si Robin Hood ng may dalawang kabayo ang agwat sa pumangalawang si Life Gets Better.

 

Nirendahan ni jockey Jomer Estorque, inirehistro ni Robin Hood ang tiyempong 1:54.6 minuto sa 1,800 meter race sapat upang hamigin ang P600,000 premyo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon. 

 

Nakopo ni Life Gets Better ang second place prize na P225,000 habang inuwi ng third na si Magna Cum Laude ang P125,000 at P50,000 ang sinikwat ni Nuclear Bomb. 

 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page