top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | February 19, 2021




Patay ang umano'y limang holdaper at isa ang nakatakas matapos makaengkuwentro ang pinagsanib- puwersang mga pulis mula sa Camp Crame, Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP HPG) at District Special Operation Unit (DSOU) sa Quezon City nitong Pebrero 18 nang gabi.


Ayon sa ulat, hinoldap ng anim ang gasoline station kung saan kasalukuyang nagpapakarga ng gasolina ang isang pulis na taga-Crame. Nang hulihin niya ang mga holdaper ay inagaw ng isa ang shotgun sa guwardiya at nagsimulang magpaputok.


Habang hinahabol ng pulis na taga-Crame ang mga tumatakas na holdaper ay nakita niyang nagpapatrolya ang mga tauhan ng PNP HPG. Kaagad tumulong ang grupo nang malamang mga holdaper ang hinahabol ng pulis.


Sakto rin namang nagsasagawa ng surveillance ang DSOU ng Quezon City Police District (QCPD) nang mangyari ang habulan.


Sa Barangay Pingkian, Pasong Tamo, Quezon City na-corner ang mga holdaper.


Sa ngayon ay patuloy na pinag-aaralan ng Scene Of Crime Operations (SOCO) ang engkuwentro sa pagitan ng DSOU ng QCPD, PNP HPG at mga hinihinalang holdaper.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | February 13, 2021





Muling ipagbabawal sa Quezon City ang paggamit ng plastik simula ika-1 ng Marso sa ilalim ng City Ordinance 2869-2019.


Una itong ipinagbawal noong nakaraang taon ng Enero ngunit nahinto dahil sa modified enhanced community quarantine (MECQ).


Pagdating naman sa ika-1 ng Hulyo ay ipagbabawal na rin sa mga dine-in customer ng bawat restaurant ang paggamit ng disposable na platik katulad ng kutsara, tinidor, baso, pinggan, straw, stirrers, at styrofoam sa ilalim ng City Ordinance 2876-2019.


Ang mga establisimiyentong mahuhuling lalabag ay magmumulta ng P1,000 para sa first offense, samantalang P3,000 para sa second offense at posible ring matanggalan ng business permit. Kung aabot sa third offense ay magmumulta ng P5,000, matatanggalan ng business permit at ipapasarado ang negosyo.


Nag-issue na si Mayor Joy Belmonte ng memo sa bawat mall, palengke, kainan, botika, at mga tinging-tindahan ukol dito. Pinaaalalahanan ang mga mamimili na magdala ng eco bag o paper bag bilang pamalit sa plastik.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | February 12, 2021




Nagsasagawa ng kilos-protesta sa labas ng Kamuning Public Market sa Quezon City ang mga miyembro ng ilang youth organizations para ipanawagan ang ayuda, dagdag-sahod, at pagbaba ng presyo ng mga bilihin.


Bitbit ang kaldero, kawali at timba ay pumuwesto sila sa tapat ng palengke habang inihahayag ang mga nakasulat sa papel tulad ng:


“Serbisyo sa tao, ‘wag gawing negosyo.” “Sahod itaas! Presyo, ibaba!” “Presyo ng baboy, nakaka-highblood!”


“Ayuda para sa manininda at prodyuser, ipaglaban!” Bagama't nakasuot ng face mask at mayroong social distancing ay pilit pa rin silang pinaaalis at pinahihinto sa isinasagawang kilos-protesta ng mga namamahala sa nasabing lugar.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page