top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | June 4, 2021




Huli sa akto ang lalaking nagtangkang ilibing ang fetus sa isang bakanteng lote sa Barangay Greater Lagro, Quezon City kagabi, June 3.


Ayon sa ulat, rumoronda ang Task Force Disiplina (TFD) sa lugar nang mamataan nila ang lalaking nakasakay sa motorsiklo na may itinapon kung saan. Nang lapitan at siyasatin nila ang itinapon nito ay nakita sa loob ng plastik ang mga telang puro dugo at nasa ilalim nu’n ang 6 hanggang 7 buwang fetus.


"Actually, ready na niyang ilibing ‘yung bata, may hukay na po,” sabi pa ni Pritz Archie Salibio, miyembro ng Task Force Disiplina.


Kaagad namang tumawag ng pulis ang TFD upang arestuhin ang suspek na taga-North Caloocan.


Inamin din nito na nagpalaglag ang 14-anyos na anak-anakan kahapon at iginiit na hindi nito alam kung saan ililibing ang fetus kaya naghanap ng tagong lugar hanggang napadpad sa Quezon City.


Paliwanag pa ng suspek, “Sir, iyon lang po ang tanging solusyon. Naisip ko, Sir. Natakot po kami. Nag-aalangan ako sa mama niya kasi nasa ibang bansa, tapos bata pa ‘yun, masisira ang kinabukasan.”


Lumabas sa imbestigasyon na mismong suspek ang nakabuntis sa anak-anakan.


Sa ngayon ay na-turn over na ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek sa Caloocan Police District (CPD) upang doon harapin ang kasong intentional abortion na planong isampa ng nabuntis na menor-de-edad.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | June 2, 2021




Itinuturong dahilan ang inuman session kaya mabilis ang hawahan ng COVID-19 sa Quezon City, batay sa datos ng QC Public Affairs and Information Services Department.


Ayon dito, "They then went on to contaminate community members in other super spreader events. A drinking session and wedding in Bgy. Matandang Balara for example, yielded 69 confirmed cases with 25 still pending as of June 1."


“We are doing our best to control our numbers and yet some individuals continue to violate our protocols. We do not condone this disastrous behavior and will immediately impose legal sanctions on all those involved,” dagdag pa.


Sa ngayon ay 1,017 pamilya na ang sumailalim sa swab test at apektado sa ipinatutupad na special concerned lockdown, matapos maging close contact ng mga nagpositibo sa COVID-19 buhat nang maganap ang super spreader events sa kanilang barangay.


Kabilang sa mga nakumpirmang kaso ay mga nakatira sa: Del Mundo St. ng Barangay Talipapa, K-10th St. ng Barangay East Kamias, Harvard St. ng Barangay E. Rodriquez, Manggahan Citizen St. Interville III ng Barangay San Agustin, Area 5 ng Barangay Capri, Labordo Compound ng Barangay Tandang Sora, Area 7 Luzon Avenue ng Barangay Matandang Balara, at Geronimo St. ng Barangay Sta. Monica Quezon City.


Nagtalaga naman si Mayor Joy Belmonte ng local law enforcement units at foot patrol sa bawat barangay upang ma-monitor kung may nagaganap na namang malawakang inuman o mass gatherings sa bahay-bahay at kalsada na posibleng pagmulan ng mabilis na hawahan.


Ang mahuhuling residente o organizer na nagsasagawa ng nabanggit na pagtitipon ay maaaring maharap sa paglabag sa Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act, at iba pang city ordinance.


Maiisyuhan din sila ng show-cause orders at iba pang kaso, hinggil sa nilabag na health protocols habang umiiral ang pandemya.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | June 1, 2021




Patay ang 52-anyos na nakilalang si Lilybeth Valdez matapos barilin ng lasing na pulis na si Master Sgt. Hensie Zinampan sa Sitio Ruby, Barangay Greater Fairview, Quezon City pasado alas-9 kagabi, May 31.


Ayon sa ulat, lumabas ng bahay ang biktima para sana bumili ng sigarilyo sa kalapit na tindahan. Makikita naman sa narekober na video kung paano siya pinatay nu’ng gabing iyon.


Batay dito, sinundan ni Zinampan si Valdez, kung saan mapapanood sa video ang itinatagong baril sa likuran. Mangyari’y ikinasa nito ang baril saka sinabunutan ang biktima.


"Nu’ng pagkasabunot po kay auntie, sabi po, 'Sir,' wag n'yo naman po akong sabunutan'... Pagkasabunot kay auntie, binaril po kaagad siya," salaysay pa ni Joanne Luceño, kaanak ng biktima at nakakita sa insidente.


Makikita rin sa video na may mga bata sa paligid nu’ng gabing iyon.


Paliwanag naman ng anak ng biktima na si Beverly Luceño, dati na nilang nakaalitan si Zinampan.


Kuwento ni Luceño, nitong May 1 ay nakasuntukan umano ng anak ni Valdez at ng asawa nito ang suspek. Pinagbantaan na rin umano ng pulis ang biktima.


Samantala, itinanggi naman ni Zinampan ang akusasyon at ang ginawang pagpatay sa kabila ng lumabas na video. Sa ngayon ay hawak na ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek upang harapin ang kasong murder.


Narekober na rin ng mga awtoridad ang baril na ginamit nito sa pagpatay.


Kaugnay nito, kabilang si Zinampan sa mga nag-post nu’ng kasagsagan ng isyu sa pamamaril ng pulis na si Jonel Nuezca sa mag-inang Gregorio, kung saan mababasa sa Facebook post ni Zinampan na hindi lahat ng pulis ay masama at isa aniya siya sa mabubuting pulis.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page