- BULGAR
- May 2, 2021
ni Mary Gutierrez Almirañez | May 02, 2021

Isinumite ni Quezon City Representative Precious Hipolito Castelo ang House Resolution 1733 upang pahintulutan ng gobyerno ang ‘drive-in COVID-19 vaccination’ para maabot ng bansa ang tinatarget na herd immunity.
Batay sa naging panayam sa kanya ngayong araw, layunin nito na gawing drive-in ang proseso ng pagbabakuna kontra-COVID-19, kung saan hindi na kailangang magpa-appointment online.
Paliwanag pa niya, "Hindi naman lahat, may Wi-Fi at desktop, so payagan na dapat ng gobyerno ang walk-in, drive-thru at drive-in."
Matatandaang nagsimula na sa Quezon City ang mobile vaccination clinic nitong nakaraang linggo para puntahan sa bahay ang mga residenteng hindi marunong gumamit ng gadgets at hindi kayang makapag-online booking para mabakunahan, katulad ng mga senior citizen at persons with disability (PWD).
Sa ngayon ay 4,040,600 doses ng COVID-19 vaccines na ang nakarating sa bansa, kabilang ang 3.5 million doses ng Sinovac, 525,600 doses ng AstraZeneca at ang 15,000 doses ng Sputnik V.
Ayon naman sa huling tala, tinatayang 1,809,801 indibidwal na ang mga nabakunahan kontra-COVID-19, kung saan 246,986 ang mga nakakumpleto sa dalawang doses at 1,562,815 naman para sa unang dose.




